Kabanata 18

3.5K 128 16
                                    

NAULIT muli iyong sa pool. Sa dalawang magkasunod na gabi, sinamahan ko si Braeden doon at nakipaglaro kay Knight. Minsan, makikipag-usap siya sa akin, kukumustahin kung anong nangyari sa maghapon ko. Minsan, gusto ko ring itanong iyon pabalik sa kanya. Gusto ko ring malaman kung anong ginagawa niya sa tuwing umaalis siya, saan siya pumupunta, o kung sinong kasama niya.

Subalit sa mga gabing iyon, nawalan ako ng lakas ng loob. Marahil sa isipa'y alam ko na ang ilan sa mga sagot doon. Gaya ng kung sinong kasama niya. Madali lang naman kasing hulaan iyon.

At kung tama nga iyong hula ko, mukhang ayoko na ring malaman kung saan sila pumupunta o anong ginagawa nila. Napakapersonal na noon.

Kaya't kay Knight ko na lang ginugol ang buong atensyon ko habang si Braeden ay tahimik lang na nakamasid sa aming dalawa. At pagkalipas ng ilang sandali, magsasabi na si Braeden na ibabalik si Knight sa kulungan nito. At doon na matatapos ang gabi namin.

At parehong eksena din ang inaasahan ko ngayong gabi. Matapos kumain ang lahat ng sabay-sabay, nagpaalam muli si Canaan na lalabas habang si Donovan ay dumiretso na sa kwarto niya. Si Braeden ay hindi nagsabi pero wari ko'y kay Knight ang diretso para pakainin ang huli.

Naiwan naman ako para tumulong kay Manang Karing. Nang matapos kami ay umakyat na rin ako para makapaglinis ng katawan at humanda para sa pagtulog. Ngunit iyon na nga, hindi pa naman talaga ako matutulog.

Pinadaan ko pang muli iyong brush sa buhok ko at saka tumingin sa salamin at hindi napigilan na mapangiti. Hiindi ko naman alam kung bakit.

Agad na kumontra yung isang banda ng isipan ko. Alam mo, Atashka.

Nawala ang ngiti ko sa labi kasabay ng malalim na paghinga. Ibinaba ko na yung brush.

Sige na, aaminin ko na. Masaya akong makakausap na naman si Braeden.

Para sa akin kasi malaking bagay na ito, yung nagkakasama kami ng hindi kami nagkakaalitan. Yung nakakatagal na kami sa presensiya nang isa't isa nang matiwasay. Hindi lang naman sa kanya, kundi maging sa mga kapatid niya na rin, kina Canaan at Donovan.

Pakiramdam ko, kahit papaano'y tanggap na ako sa pamilya ng Koss. Nababawasan na 'yung mga pag-aalala ko kapag nakaharap si Ginoong Koss oras na dumating siya.

Sana lang talaga at maging maayos ang lahat oras na mangyari iyon. At sana rin patuloy lang itong maayos na pakikitungo namin sa isa't isa ng magkakapatid na Koss.

Nang dumating ako sa pool ay hindi na ako nagtaka na wala pa rin doon si Braeden. Lagi naman kasi akong nauuna kahit pa nitong nagdaang dalawang gabi. Ginugugol ko lang yung sarili sa pagtingin sa tubig sa swimming pool saka siya darating kasama si Knight.

Gaya ng dati, ganoon ang ginawa ko. Umupo doon sa lounge at pinagmasdan iyong tubig.

"Hi."

Agad akong tumingin sa pinanggalingan ng boses at natigilan.

Nakatayo si Braeden ilang talampakan mula sa akin. Nakapagpalit na rin siya ng damit.

Ngunit imbis na si Knight ang bitbit niya'y meron siyang dalang malaking paperbag. Napakunot ang noo ko. At tila napansin niya iyon dahil nagsalita siya.

"Knight's already sleeping," imporma ni Braeden sa akin.

Hindi ko naman napigilan ang pagkadismaya na naramdaman. Tulog na si Knight, wala nang dahilan para manatili pa ako dito.

Tumayo na ako at nagpaskil ng ngiti, sumagot sa kanya. "Gan'un ba? Ah sige, papasok na ako."

At aakma na akong aalis nang magsalita siya. "Why are you leaving?"

Strange LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon