"NAKU! May himala talaga."
Napatingin ako kay Ainie sa sinabi niyang iyon saka nag-angat ng kilay. Ano kaya ang tinutukoy niya?
Ngumiti naman siya sa direksyon ko nang makita akong nakatingin saka ngumuso doon sa may entrance.
Napunta din doon ang tingin ko at nakita kung sino ang bagong dating. Si Sir Axen na ngayon ay nakasuot ng asul na polo shirt.
Tumingin na akong muli kay Ainie, naroon kami sa may harap ng bintana kung saan inaabot yung mga order.
"Bakit himala?" nagtataka kong tanong.
"Pang-apat na araw na 'yang sunod-sunod na pumasok si Sir Axen. Nalampasan niya na 'yung record niyang tatlong beses kung pumunta dito sa loob ng isang buwan," paliwanag ni Ainie saka binigyang muli ng tingin iyong pinag-uusapang naming boss.
Nang ibalik niya sa akin ang tingin ay lumapit pa siya nang kaunti. "Feeling ko talaga napagalitan 'yan ng mga magulang kaya sobrang hands on na ngayon."
"Hoy, hoy, hoy, Ainie! Tama na ang chismisan dyan. Nandito na yung order nung table number 10."
Sabay kaming napalingon ni Ainie kay Mang Nilo na katatapos lang ilagay 'yung tray sa may bintana. Tunay ngang naroon na iyong mga burgers at dalawang plato ng pasta.
Nang iangat ko ang tignin ay nakita pang inilingan kaming dalawa ni Mang Nilo. Nahihiya naman akong napatungo. Baka isipin nito'y kabago-bago ko pa lang ay ang hilig ko na sa chismis.
Napansin 'ata ni Ainie ang naging reaksyon ko. Mahina niya akong siniko at napunta ang tingin ko sa nakangiti niya nang mukha ngayon.
"Wag mo nang isipin 'yun, Tash. Ganyan lang talaga si Mang Nilo pero mabait 'yan. Saka ako naman 'yung nangchichismis sa'yo."
Tipid akong ngumiti.
"Siya, dalhin ko na 'yung order. Iwan na kita dito."
Hindi na kami nakapag-usap pang muli ni Ainie. Paano'y sunod-sunod na iyong pagdagsa ng mga tao. Maliban na lang nang dumating ang break at pinalitan namin sina Nico at Yohan. Gaya kahapon, sinabayan kaming muli ni Ms. Dela.
"Ang dami ng tao ngayon, ano?" sabi sa amin ni Ms. Dela nang makaupo kami palibot doon sa bilog na mesa.
"Oo nga po. Hindi na tuloy kami nakapag-usap nitong si Tash," si Ainie ang sumagot.
Magkasunod kaming binigyan ng tingin ni Ms. Dela. "Nagchichismisan kayo habang oras ng trabaho?" ang boses niya'y may himig ng pagtataray kaya't bahagya akong napangiwi. Pero maya-maya'y nagbuga lang siya ng hininga, umiling. "Naku, wag kayong papahuli kay Mang Nilo."
Natawa si Ainie. "Naku, Miss. Nahuli na nga kami kanina. Kaya itong si Tash parang natakot 'ata."
Tumingin sa akin si Ms. Dela at mahinang tinapik ang balikat ko. "Naku, Tash. Wag kang papasindak kay Mang Nilo. Medyo nakakatakot lang 'yun saka palapansin pero mabait naman 'yun." Nalipat kay Ainie ang tingin niya. "Ano ba kasing pinagkukwentuhan niyong dalawa?"
"Ah, Miss, si Sir Axen," sagot ni Ainie sa pabulong na boses. "Nabanggit ko lang dito kay Tash na himalang magkakasunod na araw pumasok si Sir."
Hindi sumagot si Ms. Dela at sinimulan nang bigyan kami ni Ainie ng tig-isang pinggan.
"Salamat po," sabi ko sa kanya na binalik niya lang ng isang ngiti.
Na kay Ainie na naman ang atensyon nang magtanong. "O ano namang meron dun?"
"Miss, kasi diba naman parang himala na napapadalas na ang pagpasok ni Sir Axen. Tapos, nabeat niya pa 'yung record niya na tatlong araw lang kung pumasok."
BINABASA MO ANG
Strange Love
RomanceCrescent Park Series #1 Wala na kay Atashka ang lahat. Ang tanging mayroon na lamang siya ay ang pangalan ng kanyang hindi nakilalang ama, si Lander Koss at ang kinaroroonan nito. Nang mapagdesisyunan niyang panahon na para kilalanin ito, hindi niya...