IBINALIK ko ang tingin sa papel na hawak pagkatapos ay muling tiningnan ang nakaukit sa pader sa gilid ng gate—Crescent Park Residences.
Ito na nga 'yun. Ang lugar kung saan nakatira si Lander Koss ayon sa sulat ng nanay. Ang lugar kung saan nakatira ang hindi ko kailanman nakilalang ama.
Dalawang linggo na ang nakalipas mula nang mailibing si Nana Esme. Dalawang linggo mula nang magkalakas din ako ng loob na basahin ang laman ng sulat at malaman na isa iyong pagtatapat. Mula kay Nanay Olga tungkol sa aking amang natandaan ko kung paano iniwasang banggitin at pag-usapan ng una.
Ang mga ilan sa nais kong malaman ay naroon sa sulat. Tulad nang kung ano bang pangalan nito, bakit nito kami iniwan, at bakit wala akong narinig na anumang tungkol dito.
Ito nga ay si Lander Koss, isang engineering graduate ng panahong nagkakilala sila ni nanay sa Zambales kung saan siya namamasukan.
Sabi ni Nanay Olga sa sulat, mabilis silang nagkaibigan. Isang summer love affair, iyon pa ang eksaktong mga salitang ginamit niya. Mabilis dumating, mabilis ding nawala. May hangganan. At sa pagtatapos ng summer na iyon ay natapos na ang ugnayan nilang dalawa.
Ngunit nangako naman daw ito na susulat na hindi kailanman nangyari. Hanggang sa nalaman ng nanay na buntis siya sa akin. Hindi na niya pinaalam pa sa ginoo dahil inakala daw niya na wala na itong pakialam sa kanya at tuluyan na siyang kinalimutan. Ayaw naman daw niya na maging pabigat dito at natatakot na rin na ipagtabuyan dahil alam ni nanay ang estado sa buhay ng ginoo.
At 'yun na nga, napagdesisyunan ni nanay na mag-isang itaguyod ako. Pero naisip niya rin na darating din ang panahon na kailangan kong makilala ang tunay kong ama. Kaya't kasamang inilagay ni nanay ang address nito sa sulat.
Ang parehong address na dalawang linggo kong pinag-isipan kung pupuntahan ba o hindi. At ito na nga ang aking naging desisyon.
Tama si Nana. Kahit pa halos sa Del Cuervo ko na ginugol ang buong buhay ko, hindi ko roon mahahanap ang aking pangarap.
Kaya't hayun, mula sa aming maliit na bayan ay lumuwas ako pa-Maynila, handa nang harapin ang labingwalong taon kong hindi nakilalang ama at harapin ang anumang naghihintay sa akin dito.
Napabuntong hininga ako saka binasa ang buong address na nasa sulat—No. 102 Highland St., Crescent Park Residences. Ngayo'y kailangan ko na lang na hanapin ang street na iyan pagkatapos ay ang bahay na mayroong ganyang numero.
Nabaling ang tingin ko sa gilid kung saan naroroon ang nakatayong gwardiya, na napansin kong mapanuring nakatingin sa akin.
Hindi na ako nagtaka. Sa suot kong lumang puting bestida na tinernuhan ng asul na sayang pakupas na ang kulay, magtataka talaga ang sinuman kung anong ginagawa ko sa magarang lugar na ito.
Bitbit ang dala kong bagpack na naglalaman ng mangilan-ngilan kong damit at importanteng mga dokumento, lumapit ako sa pwesto nito.
"Magandang umaga po," bati ko.
Lumapit naman 'yung gwardiya sa akin. Inayos ang kanyang sumbrero saka muli na naman akong pinadaanan ng mapanuring tingin.
Pinilit kong 'wag iyong pansinin at ngumiti sa kanya. "Magtatanong lang po sana ako. Paano po ako makakarating dito?" tanong ko't pinakita ang isa ko pang hawak na maliit na papel kung saan naroon nakasulat ang address.
Kita ko ang pagkilala sa mukha niya nang silipin niya ang hawak ko. Alam niya 'yung lugar.
Ngunit nang tumuwid na siya ng tayo at ibaling na sa akin ang tingin ay bigla siyang nagtanong. "May ID ka?"
Doon pa lang napunta ang tingin ko sa maliit na karatula doon sa pader ng guard house. May nakalagay doon na "No ID, no entry" para sa mga bisita.
BINABASA MO ANG
Strange Love
RomanceCrescent Park Series #1 Wala na kay Atashka ang lahat. Ang tanging mayroon na lamang siya ay ang pangalan ng kanyang hindi nakilalang ama, si Lander Koss at ang kinaroroonan nito. Nang mapagdesisyunan niyang panahon na para kilalanin ito, hindi niya...