Vol. 1 Chap. 10: Basement

444 40 7
                                    

Blood's Pov

Kasalukuyan akong naglalakad pababa ng basement. Dadalhan ko ng pagkain si Luka. Wala ng iba pang mag-aasikaso sa kanya dahil pinatay niya ang kanyang nag-iisa at kahuli-hulihang yaya.

Malayo pa man ay naririnig ko na ang iyak ni Luka. Puno ito ng pagmamakaawa at pagsisisi.

"MAMA! Patawarin niyo na po ako. Hindi na po mauulit. Mama. Wag niyo po akong iwan sa lugar na 'to." sigaw nito.

Napakagat ako sa labi ko. Nakakaawa si Luka. Kung ako ang tatanungin, hindi ko hahayaang makulong siya sa malamig na basement na 'to. Walang kabuhay-buhay. Gustuhin ko mang pakawalan siya ay hindi ko rin magagawa. Una, ayokong suwayin ang tanging nag-iisang babaeng umabot ng kanyang kamay sa katulad kong inabanduna na ng sariling pamilya at pinabayaang mamatay sa gutom. Lubos ang pasasalamat ko kay mama dahil hindi siya nagdalawang isip na tulungan ako at iahon sa masalimuot kong nakaraan.

At pangalawa, ayokong may masaktan pa sa myembro ng pamilya lalong lalo na si Morgan. Hindi naman lingid sa kaalaman ko na kayang paamuhin ni Morgan si Luka pero baka isang araw magiging biktima narin ito gaya sa nangyari sa amin ni Cyan. Hindi imposible 'yun.

"May tao ba dyan? Kuya Grim? Ate Morgan? Kuya Blood? Kuya Cyan? Patawarin niyo na po ako. Ayoko na dito. Nakakatakot. Maraming taong gustong pumatay sa akin dito. Nandito rin si yaya. Mama! Palabasin niyo na po ako dito. Hindi na po mauulit. Hindi na po." nakasandal ito sa malamig na rehas at pinipilit pang umatras na tila may nakikita siya sa loob na hindi ko nakikita at gusto niyang takasan.

Napakuyom ako ng kamao at dahan-dahang inilapag ang silver tray sa malamig na sahig. Lumikha ito ng ingay kaya napalingon kaagad si Luka sa akin. Kumapit ito sa bakal na rehas.

"Kuya Blood? Tulungan niyo po ako. Papatayin po ako ni yaya. Humihingi na po ako ng tawad pero hindi siya nakikinig sa akin. Kuya. Palabasin mo na ako rito." litanya nito at inabot ang kamay sa akin.

Tinitigan ko lang ito. Nakakaawa si Luka. Parang mababaliw na siya sa lugar na 'to. Pati ang yayang kanyang pinatay ay nakikita niya rito.

"Kuya Blood?" nag-susumamo ang mga mata nito.

Inabot ko ang kamay nito at hinawakan ito ng mahigpit. Ang lamig ng kanyang kamay. Tanging isang comforter lamang ang pananggalang nito sa malamig na semento. Isang unan at manipis na kumot.

"Luka. Kung magpapakabait ka. Pakakawalan ka rin ni mama. Kaya kainin mo 'tong hinanda ni mama para sa'yo." sabi ko rito at hinaplos ang malamig nitong kamay.

"Pero kuya natatakot ako rito. May mga kasama akong nakaitim na mga lalaki at si yaya. Kuya gusto nila akong patayin." aligagang pahayag nito.

Mas hinigpitan ko pa ang hawak sa kamay nito. Ganun rin naman si Luka. Tila ayaw niyang bumitaw sa akin. Nanginginig narin ang buong katawan nito.

"Luka makinig ka sa akin. Hindi ka na nila masasaktan. Nasa utak mo lang sila kaya wag mo na silang isipin pa. Heto, kumain ka na habang mainit pa." sabay tulak ko ng marahan sa silver tray na may lamang pagkain papasok sa loob.

"Pero kuya.." pag-aalangang sabi nito.

Umiling ako. "Kumain ka na Luka at bukas na bukas din kakausapin namin ni Morgan si mama para palabasin ka na, okay ba 'yun?" agad naman itong tumango at lumiwanag na ulit ang kanyang mukha.

Tumayo ako ng dahan-dahan at pinagmasdan saglit si Luka na masayang kumakain saka ako nagpaalam sa kanya na babalik ako kinabukasan kasama na si Morgan.

Project SilverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon