Vol. 1. Chap. 2: Bloody Luka

801 63 28
                                    

[ 12 years later ]

Morgan's Pov

Tahimik kong pinagmamasdan ang larawan namin ni mama kasama ng mga kapatid kong si Cyan, Blood, Grim at ang nadagdag na si Luka. Kinuha ang larawan na ito noong sanggol pa lang si Luka. Naalala ko pa noon, pauwi kami ni mama galing sa isang misyon nang mapansin namin na nakaharang sa gate ang munting basket nito. Nang una hindi ko gustong kunin ni mama si Luka dahil mahina siya, ayoko sa tunog ng kanyang munting iyak. Parang pakiramdam ko isang hawak ko lang sa kanya ay mababasag na siya. Buti nandoon si mama.

Napatigil ako nang may kumatok sa pinto ng kwarto ko. Inilapag ko muna ang larawan sa lamesa.

"Sandali." sagot ko sa kabila.

Binuksan ko ang pinto at tumambad sa akin si Blood na duguan. Katulad ng pangalan niya may mapulang buhok rin si Blood katulad ng kulay ng dugo. May tattoo ito sa kanyang dibdib na umabot sa leeg niya. Tatlong-taon ang pagitan namin sa isa't isa. "Hi Morgan. Pasensya na pero pwede bang puntahan mo si Luka sa baba? Hindi namin siya mapakalma eh. Tignan mo naman 'tong sinapit ko." sabay angat ng braso niyang duguan dahil sa hiwa ng katana.

"Okay sige. Naiintindihan ko." sagot ko rito at nagpaalam na ito para pumunta sa clinic. Isinira ko na rin ang pinto at naglakad pababa ng hagdan.

Noong una akala ko si Luka ay talagang mahina pero nagkakamali ako. Nagsimula ito noong limang taong gulang siya. Dahil sa pagpupumilit ni Cyan na turuan si Luka sa paghawak ng espada sa murang edad gaya ng ipinagawa nito sa akin noong bata pa lang ako natuklasan namin sa hindi kanais-nais na paraan kung ano talaga si Luka.

"Morgan buti nandito ka na." pagtawag sa akin ni Cyan. Mahaba ang itim na buhok ni Cyan sa kabila ng pagiging lalaki niya. Hindi na siya nakakakita sa kaliwang mata niya dahil sa hiwa na natamo nito pitong taon na ang nakakaraan. Nagsimula ang hiwa sa kaliwang eyebrow nito pababa sa pisngi niya. Limang taon ang agwat namin sa isa't isa.

Lumapit ako sa kanya. "Anong nangyari? Nasan si Luka?" tanong ko rito.

Itinuro niya ang daan papuntang garden. May mga bakas ng dugo ang marmol na sahig malamang dahil ito kay Blood. "Nagwawala na naman siya. Ikaw na ang bahala sa kanya Morgan." saad nito at tinapik ang balikat ko.

Tumango lamang ako sa kanya at agad tinungo ang daan. Binuksan ko ang sliding door at tumambad sa akin ang nakakasukang eksena para sa mga normal na tao pero dahil hindi ko na maituturing ang sarili kong normal parang wala na sa akin ang nakikita. Nakakalat sa berdeng damuhan ang katawan ng yaya ni Luka. Hiwalay ang bawat parte ng katawan nito. At nakasabit sa matulis na pole ang ulo. Nakadilat pa ang mga mata nito.

Hinanap ko si Luka at ngayon ay nakaupo ito sa may silver fountain. Tila naliligo ito sa dugo. Sa ibaba nito ang ginamit niya sa pagpaslang ng walang kalaban-laban niyang yaya.

"Luka." pagtawag ko rito. Agad naman itong napaangat ng tingin at dali-daling tumakbo papunta sa akin. Niyakap naman ako nito ng mahigpit sabay iyak ng malakas.

"Ate Morgan. Ate Morgan patawad. Hindi ko na naman na kontrol ang sarili ko. Patawad po." ngawang sabi nito.

Siguro kapag naririnig ko ang iyak na ito noon ay maiinis ako pero iba na ngayon. Awa. 'Yun na ang nararamdaman ko sa tuwing umiiyak si Luka. Naaawa ako dahil alipin siya ng kanyang sariling emosyon. Gustuhin niya mang labanan ito hindi niya kayang gawin.

Inilagay ko ang palad ko sa duguang buhok nito at dahan-dahan siyang hinaplos. Tumingala naman ito sa akin. "Patawad ate Morgan dahil sa akin nasaktan ko si kuya Blood at yaya." humihikbing sabi nito.

Napatingin ako sa mukha ng yaya. Nakakaawa siya pero hindi ako nalulungkot sa pagkawala niya dahil alam kong matagal na siyang espiya sa pamilya namin. Nakakalungkot lang na sa ganitong paraan pa siya naparusahan.

"Hindi mo naman sinasadya ang ginawa mo Luka. Naiintindihan ka ni Blood. Mapapatawad ka niya." wika ko rito.

"Eh paano si yaya?" tanong nito at lumayo sa akin.

Malungkot ang mukha ni Luka pero nararamdaman kong natatawa siya. Gusto niyang tumawa ng malakas pero hindi niya magawa dahil nandito ako. Hindi niya gustong maging halimaw sa harap ko.

"Hayaan na muna natin siya. Halika na. Kailangan mo ng malinisan dahil uuwi na si mama at Grim." saad ko dito at inabot ang kamay sa kanya. Agad naman niya itong tinanggap at lumiwanag ang kanyang mukha.

"Talaga ate? Uuwi si mama at kuya Grim?" natutuwang tanong nito.

"Oo kaya kailangan mo ng mag-ayos." saad ko rito.

Bumitaw ito sa kamay ko. At nagpalundag-lundag papunta sa loob ng bahay. "Uuwi si mama. Uuwi si kuya Grim. Yay~" pakanta-kanta nitong litanya. "Hi kuya Cyan." rinig ko pang bati nito kay Cyan.

Lumapit si Cyan sa ulo ng yaya at ipinikit nito ang nakadilat na mga mata. Humarap ito sa akin. "Anong plano mo ngayon?" tanong nito.

"Hindi ko alam. Hindi ko alam Cy."

Project SilverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon