Chapter 40: Swatted Lies

421 21 0
                                    

Chapter 40

Swatted Lies


ZIE


"Mama! Papa! I got stars from my class!" nakangiting kong sabi habang ipinapakita kay Mama at Papa ang mga tatak ng kulay asul na bituin sa aking balat. Ilang beses kasi akong tinawag ng aming teacher at pinasagot ng mga assignments sa klase. At dahil tama ang karamihan sa aking mga sagot, tinatakan ako ng aking teacher ng limang stars.

Ibinaba ni Papa ang kanyang dyaryong binabasa at agad na ginulo ang aking buhok habang nakangiti. Kita at pansin ko sa kanyang mata at mukha ang labis na tuwa dahil sa mga stars na nakita niyang nakatatak sa braso ko. Si Mama naman ay tumango-tango lamang at marahan na kinurot ang aking kaliwang pisngi.

"Iba talaga itong anak ko! Akalain mo 'yun, apat na taon ka pa lang pero ang tatas mo ng magsalita ng English! Naku! Noong ganyang edad ako, ni hindi man lang ako marunong magbasa! Manang-mana ka sa Mama mong matalino." natatawa at nakangiting wika sa akin ni Papa at dali-dali niya akong binuhat at pinaupo sa kanyang hita.

Marahan naman na hinampas ni Mama ang kanyang kamay habang mahinang tumatawa "Ano ka ba love, huwag mong sabihin na sa akin lang nagmana itong si Zie. Nagmana siya ng katalinuhan sa ating dalawa. Ang swerte-swerte natin sa anak natin na 'to. Sana maging mabait at matalinong bata siya paglaki." nakangiti naman saad ni Mama at hinimas-himas ang aking mukha.

Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal nilang dalawa sa akin. Hindi man nila sabihin ito pero nag-uumapaw naman sila sa kanilang kilos na may halong pagmamahal. Mabuti na lang at naging anak nila ako dahil ako ang mas swerte sa kanila. Kaya ipinapangako ko na mas lalong mag-aral ng mabuti upang masilayang muli ang kanilang matimis na ngiti sa kanilang mata at labi.

Ilang araw ang lumipas at sinundo ako ni Mama galing sa aming school. Dala-dala niya ang aming kotse at siya lamang ang nagmaneho nito dahil kasalukuyang nasa trabaho si Papa. Habang naglalakad kami papalabas ng eskwela, ipinapakita ko pa sa kanya ang perfect score ko sa aking notebook at ang mga kulay asul na bituin na nakatatak sa braso ko.

"Alam mo anak, hindi kami binigyan ng pagkakataon ng mga magulang namin na makapag-aral sa magandang eskwelahan. Ayaw namin iparanas sa'yo ng Papa mo ang hirap na dinanas namin noon. Kaya ikaw, mag-aral ka ng mabuti hindi para sa amin ng Papa mo." nakangiting saad niya habang magkahawak-kamay kaming naglalakad.

Ngumiti ako at tumingala upang pagmasdan ang matamis niyang ngiti "Para kanina naman po pala ako nag-aaral Mama? Hindi po ba kaya ako pumapasok sa school para po sa inyo ni Papa?" nagtataka kong tanong sa kanya.

Ngumiti lamang siya at dali-daling lumuhod sa aking harap. Iniharap niya ang mukha ko sa kanya kung saan mas lalo kong napagmamasdan ang kanyang itim na itim na mata.

"Makinig ka anak, kaya ka nag-aaral ay para sa sarili mo. Para kapag nakapagtapos ka na ng iyong school, makakahanap ka ng magandang trabaho. 'Di ba gusto mo maging isang teacher na katulad ko? 'Di ba gusto mong magturo? Kaya mag-aral ka ng mabuti upang makamit at matamo mo ang iyong pangarap balang araw." nakangiting pagpapaliwanag niya sa akin.

Tumango na lamang ako kahit na hindi ko naintindihan ang pahiwatig ni Mama. Ang nasa isip ko ay masyado pa akong bata pero gagawin ko ang sinabi niya. Mag-aaral ako para sa aking sarili upang magkaroon ako ng magandang kinabukasan at magandang trabaho sa hinaharap.

Muling tumayo si Mama at hinawakan ang aking kamay. Agad din kaming nagpatuloy sa aming paglalakad hanggang sa makarating kami sa lugar kung saan nagparada ng kotse si Mama. Tanaw ko sa hindi kalayuan ang pagkukumpulan ng tatlong mga nanay na parang mga nanay ng mga kaklase ko.

Bloodstone AcademyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon