Chapter 27: Resolve

755 65 0
                                    

Chapter 27

Resolve


ZIE


Isang buwan na ang nakalilipas matapos ang infiltration ng royal family ng bansang Old Silkwood sa Bloodstone Academy. Literal na akong hindi na nakakatanggap pa ng anumang tawag o text mula sa napakagaling kong guardian, napa-busy ata ng matanda este ng Lolo ko kaya hindi man lang niya ako napaglalaanan ng oras. Hindi ko tuloy nabanggit sa kanya ang napag-usapan namin ng isa kong nakalaban. Kailan kaya ako magkakaroon ng oras upang ipaalam sa kanya ang mga nalaman kong gagawin ng mga taga-Old Silkwood sa bansang 'to.

May isa rin tanong ang nasa isip ko, kailan kaya ang susunod na pagpula ng buwan? Hindi ko pa kasi na-search sa internet ang tungkol sa bagay na 'yun.

Mas lalong humigpit ang seguridad hindi lamang ng buong Academy, pati na rin ang buong bansa. Nagkalat sa kalsada ang mga pulis at mga sundalo, may mga checkpoints din sa buong syudad. Hindi na rin basta-bastang nagpapapasok ng mga outsiders sa Academy. May curfew din sa buong bansa, hindi lang para sa kabataan kung hindi para sa lahat mismo. Mainit pa rin kasi ang isyu ng infiltration o ng mga kalaban. Feeling ko tuloy nasa ilalim ng martial law ang buong New Silkwood.

Maraming mga magulang ang kumestiyon sa kakayahan ng Academy na pangalagaan ang seguridad ng mga ito habang nasa loob. May mga nagalit at nainis pero may mga nakaintindi naman sa sitwasyon lalo na't hindi inaasahan iyon. Mabuti nga wala namang namatay sa amin. Partida, royal family ang nakalaban namin ng Class 1-A.

"Jusko, hanggang sa mga social media dito sa mundong 'to. Hindi mamatay-matay ang nangyari nung nakaraang buwan. Hindi ko na nga pinoproblema 'yun, hindi pa rin sila maka-move on." inis kong saad sa aking sarili habang nag-sscan ako ng aking news feed.

Hindi ko na nga iniisip ang mga nangyaring 'yun, stress na kasi ako sa pag-rereview sa aming nalalapit na Midterm Exams sa susunod na linggo. Parang nung nakaraan lang sinabihan ako ni Dex na aralin ang kakayahan at kahinaan ng mga mahika ng mga classmates ko. Nahahati kasi sa dalawang bahagi ang exam, ang written at practical.

Sa written exam, mostly lahat ng lecture namin sa bawat subject ay magkakaroon niyan. Sa practical exam naman, more on tungkol sa aming mga trainings at activities na nagawa nitong mga nakaraang linggo. At sa practical exam ako medyo kinakabahan.

Napahinto na lamang ako sa aking iniisip nang mapasadahan ko ng tingin ang isang babaeng kadarating lang na may maikling dark ash blonde na buhok at ginintuang mga mata. Napalunok ako ng mariin, isang buwan na rin pala ang nakalipas simula nang may aminin sa amin. At dahil doon, napalatan ng kakaibang aura ang relasyon namin.

"'Tol, ayos lang ba kayo ni Grace? Bakit parang ang tagal ko na kayong hindi nakikitang nag-uusap? Saka ba't nag-back out na siya sa pag-support sa'yo sa mga training regimes natin?" nagtatakang tanong sa akin ni Ki habang pinapaikot-ikot ang kanyang magandang ballpen sa mga daliri niya.

Bahagyang tumagilid ang ulo ko na para bang nagkukunyaring nagtataka sa sinabi niya "Hindi ko rin alam eh, nagulat nga rin ako nang mag-back out siya sa pag-support sa akin. Hindi ko alam kung anong espiritong o kaluluwang sumapi sa katawan niya." nagmamaang-maangan kong sagot sa kanya.

Bumuntong hininga siya "Mag-iisang buwan na kayong ganyan. Ano bang nangyari? Saka kinausap mo ba siya tungkol doon? Baka naman may nagawa kang hindi niya nagustuhan." nagtatakang dagdag tanong niya pa.

Nagkibit balikat ako "Sinubukan ko naman siyang kausapin kaso hindi ako maka-tyempo ng oras. Napaka-busy niya kasing tao." pagsisinungaling ko pa.

Simula nang mangyari ang pag-uusap na iyon pareho na kaming umiwas sa isa't-isa. Kahit papaano naman ayaw ko siyang supladuhan dahil marami siyang naging pakinabang sa akin. Iyon nga lang, mag-iisang buwan na rin akong naging laman ng Clinic dahil nga wala nang taga-heal ng mga sugat ko. Ayaw ko naman na palaging inumin ang mga concocted energy drinks ni Dex dahil baka mamaya ay may long-term effect ito sa katawan ko. Ayaw kong maging guinea pig niya.

Bloodstone AcademyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon