Chapter 23
March of the Dead
ZIE
"Mukhang masyadong napadaldal ang kapatid ko..." walang ganang saad ng isang binata na nasa harapan ko.
Mariin akong napalunok habang pinagmamasdan ang kanyang itsura. Para ko siyang maihahalintulad sa isang bangkay. Ang payat, ang haba ng buhok, lubog ang pisngi, namamalat ang maputla niyang labi, napakaputi at lubog na lubog ang mga mata nito. Papaos-paos pa ang tunog ng boses niya. Para bang namamalat ang boses niya at mukhang may problema sa lalamunan. Hindi ko maiwasan na kabahan sa presensya niya, bukod na nakakakilabot ang mukha niya ay hatid niya ang isang malakas na pwersa na para bang gumagapang sa aking katawan.
Kinamot ko ang aking batok "Pasensya na, hindi ko naman sinasadyang mapakwento ang iyong kapatid sa akin." nakangiting sagot ko.
Mula sa tono ng pananalita niya ay para itong isang patay na may katawan. Walang kagana-gana ang monotono niyang boses. Pati ang tindig niya animo'y pagod na pagod na hindi mo malaman kung may malalang sakit ba ito. Ngayon lang ako nakakita ng ganitong tao na animo'y buto't balat na naglalakad. Hindi ko maintindihan kung maaawa ba ako sa kanyang itsura.
"Alam mo wala naman talaga akong balak na pumunta dito sa bansa ninyo..." dagdag niya pa.
Nginitian ko siya bago magsalita "Paano mo naman nasabi?" patay malisya kong tanong.
Kinamot niya ang tuyo't niyang leeg "Ito kasing Lola ko ang laki ng galit sa inyo..." walang gana at papaos-paos niyang sagot.
Hindi pa rin ako makapaniwala na magkapatid itong matandang este ang Lolo ko at ang Lola nila. Anong kailangan nila sa Bloodstone, ang kapangyarihan na taglay nito? Ano ba ang taglay na mahika nito? Hindi kaya ipinamana ng Tatay ng aking Lolo sa kanya ang Bloodstone at hindi doon sa kapatid niya kaya ngayon ay naghahabol sila? May kinalaman ba ang Bloodstone na ito sa pagkakawatak-watak ng nag-iisang bansang Silkwood? Kaya gusto nila ang Bloodstone dahil ito ang magiging instrumento nila upang pag-isahin ang mga nagkawatak-watak na bansa?
Napakagat ako ng aking pang-ibabang labi. Habang nag-iisip ng mabuti. Talagang ang kapal ng mukha kong mag-isip pa ng mga ganitong bagay kahit na nasa bingit na ng kamatayan ang mga paa ko. Gagamitin nila ang Bloodstone upang sakupin ang bansang 'to.
"Wala akong magagawa kundi ang kalabanin ka hanggang sa ikaw ay mamatay para makuha ko ang iyong katawan at ang kaluluwa mo naman ay ibibigay ko sa kapatid ko... Ako nga pala si Shun Shendelzare, ang ikalimang-anak ni Escanor Shendelzare ang sumunod na tagapagmana ng kaharian ng Old SIlkwood. Taglay ko ang mahikang March of the Dead..." mahabang pagpapaliwanag niya.
Bago pa akong makasagot sa paliwanag niya ay mabilis niyang itinaas ang kanyang kanang kamay. Ilang sandali pa ay naglabas ito ng bilog na kulay itim na mahika. Ang mahikang itim ay nagkaroon ng ilang strands na parang maihahalintulad sa isang kuryente na isa-isang nagsitamaan sa sementadong lupa. Rinig na rinig ko ang matining nitong tunog pati na rin ang pagdagundong ng pagbibiyak ng lupa.
"Itsu no mani?" gulat kong saad habang dahan-dahan na umaatras sa aking pwesto.
Nanlaki na lamang ang mata ko sa nakita. Kaya pala nabibiyak ang sementong lupa dahil nagsilabasan ang sampung bangkay na deformed ang mga mukha. March of the Dead Magic, ibig sabihin kinukuha niya ang mga katawan ng mga napatay niya upang gamitin ito sa pakikipaglaban. Imbes na siya ang humarap sa akin, itong mga alagad niya ang kakalaban muna sa akin.
Hindi ko maiwasan na manginig dahil naglalabas ito ng maalingasaw na amoy. Napatakip ako ng aking ilong at bibig dahil ang sakit sa ulo ng amoy nila. Mas malala pa ang amoy nila sa isang naaagnas na daga. Nanliit ang mga mata ko sa mga nakitang uod na naglalabasan sa katawan nila. Pakiramdam ko ay biglang bumaligtad ang sikmura ko sa nakita. Feeling ko biglang lumaki ang ulo ko na para bang ilang sandali na lang ay mahihilo na ako.
