Chapter 15
I am thou...
ZIE
"Sorry Professor Yuki kung na-late ako. Nag-usap pa po kasi kami ni Ki para sa susunod namin na training regime. Sorry po talaga, hindi na mauulit." paghingi ko ng paumanhin kay Professor Yuki na seryosong nakaupo sa teacher's table na para bang kanina pa akong hinihintay.
Tumango na lamang kaya dali-dali akong lumingon sa paligid kung nandito na ba si Grace. Hindi ko kasi siya nakita ko nakasabay na pumunta dito sa training room kaya baka may inasikaso at susunod na lang. Natanaw ko ang masayang pagtatawanan ni Grace at ni Mr. Nathrezim sa isang tabi. Agad akong kinawayan ni Mr. Nathrezim dahil napansin niyang nakalingon na ako sa kanila.
Ngumiti ako at nagkunyaring walang nakita. Ano bang pakialam ko kung nagtatawanan silang dalawa, wala akong pakialam kung magtawanan sila magdamag. As if naman na makakatulong sa training ko ang pangingialam sa kung anong relasyon ang meron sila. Napalingon din sa akin si Grace at kinawayan ako habang maaliwalas na nakangiti, tipid akong ngumiti at ibinaling kay Mr. Nathrezim ang aking tingin.
"Ano pa lang gagawin nating training ngayon? Mr. Nathrezim?" mahinahon kong tanong.
Ngumiti siya "Huwag mo na akong tawagin Mr. Nathrezim, bro. Tom na lang. Madali lang ang gagawin natin ngayon. Kailangan mo lang pumunta sa isang espirituwal na mundo upang magising ang mahikang kasalukuyang natutulog dyan sa katawan mo." kalmadong saad niya.
Tumango ako "Okay Tom, maraming salamat pala sa pagtulong mo sa training ko. Pasensya na kung nakakaistorbo ako sa oras mo." muling paghingi ko ng dispensa sa kanya.
Umiling siya "Ayos lang, basta matulungan kita bro okay lang. Saka dapat dito ka kay Grace magpasalamat, naikwento niya sa akin na noong isang linggo na siyang naka-support sa'yo."
"Pwede na ba tayong magsimula? Gusto ko na kasing magising itong mahika ko para hindi naman na ako mapahiya sa susunod natin mga activity. Kotang-kota na ako sa kahihiyan." natatawang pag-iiba ko sa usapan.
Tumango siya at mabilis akong ipinaupo sa isang hugis square na carpet na may kung anu-anong marka at may magic circle sa gitna. May mga ancient runes ang nakapalibot doon na naglalabas ng puting liwanag. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kaba. Para bang niyayaya ako ng carpet na iyon na umupo sa kanya.
Pagkaupo ko sa gitna ng pa-indian seat ay sinabihan ako ng Tom na pagdikitin ang aking dalawang kamao. Hindi ko alam kung para saan 'yun pero sinunod ko na lang ang sinabi niya. Bago ako pumikit ay nagsalita siya.
"Bro, medyo risky itong gagawin natin. Itong magic circle na kinauupuan mo ay isang traditional carpet na ginagamit ng angkan namin para gisingin ang mahika na natutulog sa katawan ng isang tao. Ipupunta ka nito sa'yong masasayang alaala upang gisingin ang kapangyarihan mo. Kapag nasa loob ka na ng espirituwal na mundo, hayaan mo na gabayan ka mismo ng mahika mo. Makikita ko ang kanilang anyong tao." kalmado at mahinahon na pagpapaliwanag ni Tom.
Huminga ako ng malalim "Bakit naman napa-risky nito?" nagtatakang tanong ko.
Kinamot niya ang kanyang batok "Makakaranas ka ng matinding sakit ng ulo kapag kasalukuyang ginising ang mahika mo. Hindi kasi normal na gisingin ang isang mahika dahil kusa itong lumalabas sa katawan natin, at masyado kang late bloomer. Hindi ko alam kung anong magiging epekto nito sa'yo. Basta manalig ka lang na magising mo sa iyong paglalakbay ang mahika mo."
Bigla akong napalunok ng mariin sa kanyang sinabi. Pakiramdam ko ay dahan-dahan nang naghaharumentado ang dibdib ko. Palakas ng palakas ang tibok at kabog ng puso ko. Nagbubutil-butil na rin ang malamig na pawis sa aking noo. Nanginginig na ang magkabila kong mga kamay. Ilang sandali pa ay naramdaman ko na rin ang pangangalos ng katawan ko.
