Chapter 46
Beneath the Mask
ZIE
"You're already succumbed in this battle Zie. You already lost your fight." mahina at walang kagana-ganang wika sa akin ni Rep habang bahagyang tinatapakan ang aking ang tiyan.
Hindi niya siguro alam na conscious ako all the time. Wala pang ilang segundo ng itarak niya sa aking puso ang kanyang ultimate spell na siyang magiging katapusan na rin niya. Wala akong ginawa sa loob ng halos iilang segundo kung hindi ang magpanggap. Nakakatawa man isipin na nasa akin na ang alas ngayon dahil sa pagpapanggap.
Mahina kong pinakiramdaman ang buong paligid na naghihiyawan dahil sa nangyari sa akin. Ngunit alam kong ilang sandali pa ay magsisimula ng magbilang si Professor Yuki at kapag hindi pa ako tumayo ay tuluyan akong matatalo sa laban na ito. Hindi maaaaring mangyari iyon. Sa dinami-rami ng masasakit na karanasan sa aking buhay, wala akong laban na hindi nai-panalo.
Nawalan ako ng mga magulang sa murang edad na halos wala pang kamuwang-muwang sa buhay at mundong ibabaw. Nabuhay ako na parang isang daga sa puder ng aking mapang-maltratong at may sa-demonyong tiyahin. Kamuntik-muntikan pa akong halayin at gahasain ng aking adik na tiyuhin. Nabulag ang aking kaliwang mata ngunit nagpatuloy ako sa aking buhay. Nagkaroon ako ng nag-iisang kaibigan at ng nag-iisang kasintahan ngunit pareho nilang dinurog ang puso ko. Ngunit hanggang ngayon ay nakatayo pa rin ako.
Kaya ito ang aking mga pinanghuhugutan sa buhay upang magpatuloy sa paglakad at takbuhin ang mga pangarap. Ang mga karanasan ko noon ang bumuo ng pag-uugali at personalidad ko ngayon.
Huminga ako ng malalim at dahan-dahan kong idinilat ang aking mga mata. Agad akong nakipagtitigan sa mga mata ni Rep na ngayon ko lamang nakitaan ng emosyon. Gulat, oo gulat na gulat siyang pinagmamasdan ang nakadilat kong mga mata. Ilang sandali pa ay unti-unti akong tumayo mula sa pagkakasalampak ko sa malamig na semento ng podium.
Ngumisi ako bago magsalita "Alam ko ang nasa loob ng isipan mo ngayon. Nakakagulat bang hindi ako naapektuhan ng ultimate spell mo kuno? Anong akala mo sa akin? Ganun lang kadaling patumbahin?" sarkastikong wika ko sa kanyang habang pinakikinggan ang malakas na hiyawan ng mga kapwa kong estudyante na kasulukuyang nanonood sa amin ngayon.
Nilingon ko si Professor Yuki na tumango lang sa akin. Nilingon ko rin ang mga kaklase ko sa kabilang bahagi ng stadium kung saan sila naka-pwesto na hindi magkandaumayaw kakahiyaw at kaka-cheer sa akin. Ilang sandali pa ay muli kong pinagmasdan ang kanyang gulat na mukha.
Dahan-dahan akong humakbang papalapit sa kanyang mukha at sinisindak siya. Pinanlalakihan ko siya ng mga mata upang mas lalo siyang kabahan. Isang may sa-demonyo itong nasa harap niya ngayon. Isang taong marami nang karanasan sa buhay. Isang taong marami ng nalusutang mga problema sa buhay. Isang taong hinding-hindi na papayag pa na muling matalo ng buhay.
"P-paanong hindi tumalab sa iyo ang ultimate spell ko?" nauutal niyang tanong sa akin habang dahan-dahan na umaatras na para bang hindi siya makaisip ng paraan upang lusutan ang problema.
Muli akong ngumisi sa kanya "Nakakalimutan mo ba ang kakayahan ng aking aking mahika? Hindi ba kaya kong sapilitang kontrolin ang loob ng pag-iisip ng isang tao o ng aking mga kalaban? I'm not an exception, pero may isa ka pang bagay na nakalilimutan. Ang ating mga passive spells." marahan at naninindak kong pagpapaliwanag sa kanya.
Buong akala ko katapusan na ng laban na ito kanina nang itarak niya sa aking dibdib ang isang corrupted blade na wala naman pisikal na naging pinsala sa aking katawan kaya agad na pumasok sa aking isipan na utak at ang pag-iisip ng tao ang tinatarget niya. Naalala ko ang mga huling salitang binitawan niya bago ako magpanggap na nawalan ng malay.
