Prologue

5.1K 57 1
                                    

Valentines Day, '97

"Phil, I love you."

Napahugot si Adeng ng maraming-maraming hangin pagkasabi no'n.

"Naku, naku. Hindi ito pwede. Kailangan mas sweet."

Valentines' Day at as usual, nagkalat na naman ang kulay pula sa buong campus. Alam na niya kung bakit kulay pula ang theme color tuwing Valentines' Day: pula ang kulay ng dugo. Dumadanak ng dugo tuwing Araw ng mga Puso dahil sa pakikipag-unahan ng lahat para mahabol ang kanya-kanyang minamahal.

Hindi exempted sa eksena si Adeng. Ayun nga at puyat na puyat siya pagsunod sa cookbook na hiniram pa niya sa katabing panaderya. Naki-gamit pa siya ng oven para lang magawa ang heart-shaped chocolate biscuit na pinag-effort-an pa niyang gawan ng mukhang mamahalin na kahon.

Pero nasaan na ang pagbibigyan niya ng kahon na puno ng pag-ibig at pagsinta?

"Madi!"

Bigla ang pagtigil sa pagtibok ng puso ni Adeng. Mga two seconds.

Kahit hindi siya lumilingon ay alam niyang siya ang tinatawag ng magandang boses na iyon. Napapikit pa siya at pasimpleng hinawakan ang dibdib. Kapag naririnig niya ang boses na iyon na tinatawag siya sa pangalan, pakiramdam niya ay narating na niya ang langit.

Kung ang lahat ay tinatawag siyang 'Adeng' dahil iyon ang palayaw ng ka-proud-proud niyang pangalan na 'Magdalena,' ang lalaking ito ay binigyan ng bagong twist ang pangalan niya.

Nang lumingon siya ay sinalubong kaagad siya ng nakangiting mukha ng gwapong lalaki.

"Uy, Phil!" bati ni Adeng, sa tono na parang ngayon lang niya naalala ang presensiya nito sa mundo.

Tinakbo ni Phil ang distansya sa pagitan nilang dalawa. Medyo hinihingal pa ito nang makalapit sa kanya. Samantalang si Adeng naman ay pigil na pigil ang sariling yakapin ito at hindi na pakawalan pa.

"Tapos na ang klase mo, Madi?"

Madi. He had called her that one fateful morning a year ago. Hindi pa sila magkakilala ni Phil noong mga panahon na iyon. Well, technically, hindi siya kilala ni Phil, pero ito ay kilala niya.

Sino bang may hindi kilala kay Philip Gallego?

He was the school's most popular student. Gwapo na ay matalino pa. Sa katunayan ay candidate ito for Valedictorian ng Batch '97 ng Holy Angels College kahit na nga ba nasa junior year lang si Phil noong panahong iyon. Ito rin ang reigning champion for two years straight ng Annual Math and Science Quiz Bee sa probinsya nila. Kilala rin ang pamilya ni Phil na may-ari ng ngayon ay namumukadkad na steel company na ang main branch ay nakabase sa China.

At sobrang bait.

Patunay iyon na kaibigan niya si Phil ngayon. Siya - si Magdalena Purisima, ang resident delinquent ng eskwelahan na palaging laman ng guidance office dahil palaging napapaaway sa mga ka-eskwela - ay isa sa mga masasabing kaibigan ni Phil gayong kung tutuusin ay hinding-hindi sila mag-ka-lebel. Naglalabandera lang ang nanay ni Adeng na si Aling Becca paminsan-minsan sa bahay ng mga Gallego. Second year lang siya samantalang senior na si Phil. In short, higit pa sa langit at lupa ang agwat nilang dalawa ni Phil.

Kaya naman nagulat si Adeng na alam ni Phil ang pangalan niya.

Nasa guidance office siya noon isang taon na ang nakalipas. Kinalmot niya ang mukha ni Eunice nang sabihin nitong baduy ang suot niyang polka-dots na palda na siyang pamana pa sa kanya ng kamamatay niyang lola. Hindi lang naman si Eunice ang nasaktan dahil nakalmot din naman siya nito sa braso.

Ikaw Hanggang Ngayon Ang PangarapTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon