Madaling-madali si Madi nang makarating sa condo unit niya. Pero nang buksan niya ang pintuan ay hindi niya inaasahan ang sumalubong sa kanya.
"Welcome home, Adeng!"
Kasabay nang sigaw na iyon ay nabalutan si Madi ng confetti. Nagugulumihanan pa rin siya nang tumingala siya at salubungin ng nakabungisngis na si Pol. Sa kamay nito ay may hawak itong confetti popper.
"Ano'ng nangyari sa'yo?!" bulalas niya. Inilibot niya ang tingin sa unit niya na nagmistula nang miniature ng town fiesta dahil may mga nakasabit na banderitas na gawa sa art papers "Ano'ng nangyari sa bahay ko?!"
"This is to commemorate our first day together as housemates together," pakantang sabi ni Pol.
Hindi ito ang inaasahan ni Madi kaya napanganga na lang siya kay Pol. May suot pa ang loko na party hat sa ulo. Sa paligid ng unit niya ay may mga makukulay na papercuts na nakasabit. Nilapitan niya ang isa na talaga namang kumuha ng atensyon niya. Papercut iyon ni Alice at ni Hatta habang nagsasalo ng iniinom na tsaa sa lamesa.
Others were papercuts of little flowers, carrots, and butterflies in intricate designs. Nakalagay sa isang vase ang ilan sa mga papercuts ng bulaklak mula sa iba't-ibang species. Ang boring niyang bahay ay biglang nagkaroon ng buhay.
Wow. Just wow.
"Huwag kang masyadong ngumanga sa effort ko," ani Pol nang hindi siya makapagsalita. "Wala pa 'yan sa kalingkingan ng willing akong gawin para sa'yo."
Tumaas lang ang kilay ni Madi, pagkatapos ay hinila niya ang isang papercut na nakasabit mismo sa harapan niya at idinuldol iyon sa mukha ni Pol. Nakagupit doon ang 'Happy Anniversary.'
"You idiot. Hindi pa ako pumapayag na tumira ka sa bahay ko."
Hindi natigatig si Pol. Lalo lang tila nasilaban ang saya sa mukha nito.
"As if naman matitiis mo ako." Nag-beautiful eyes pa ang bata. "Alam ko naman kung gaano mo ako kamahal."
Parang napasok si Madi time warp dahil pamilyar na pamilyar sa kanya ang sitwasyong ito. Kapag nag-aaway ang batang Pol at ang tatay nito ay sa kanya ito nananakbo. Sa totoo lang ay hindi na niya mabilang ang mga pagkakataon noong high school pa lang si Pol na kapag ayaw nitong umuwi sa bahay nito ay nagsu-sumiksik ito sa kakapiraso nilang apartment ni Becca.
Noong junior year nito sa high school ay napasama ito sa isang rambol at dinala sa presinto... noong 16th birthday nito pero walang bumating mga magulang dahil um-attend sa Young Entrepreneurs awarding ni Phil... Noong gabi bago ang flight nito papuntang California...
Pol, for whatever reason, made her house his safe refuge. Ang yaman-yaman ng mga Gallego pero ito si Pol, kumakayod mag-isa at sinusunod ang mga pangarap nito.
"Hindi pa rin ba kayo nagbabati ng tatay mo?" pananantiya ni Madi. Alam niya kasing sensitive ang paksa na iyon kay Pol.
Nagkibit-balikat lang si Pol. "You know how my father is. Tatanda rin 'yon at papatawarin din ako no'n."
Hindi nakaligtas kay Madi ang bahid ng pait sa tinig ni Pol kaya hindi na siya nag-usisa. Naiintindihan ni Madi kung gaano kahirap para kay Pol na suportahan ang sarili sa kabila ng pagtutol ng lahat.
Moreover, Pol was right. Hindi niya kayang magmatigas dito. Not after the pains he took to make her house look homey and inviting.
"Fine." Nang lumapad ang ngiti ni Pol at akmang yayakapin siya ay mabilis siyang humakbang patalikod at itinaas ang daliri. Nagbababalang ikinampay niya ang daliri. "Pero hindi pa rin kita napapatawad sa ginawa mo kagabi."
BINABASA MO ANG
Ikaw Hanggang Ngayon Ang Pangarap
RomanceMalaki ang problema ni Madi-"Madeline Puerto" sa kanyang fans at bashers sa mundo ng showbiz, "Magdalena Purisima" sa mga nakakakilala sa kanya noong kulay-uling pa ang kanyang balat-at mas malala pa iyon kaysa sa pagkasangkot sa isang panibagong sc...