Chapter 17

1.2K 31 0
                                    

Doon sa exclusive garden-terrace lang ng ABE sa ground floor nakarating si Madi bago siya tuluyang pinanlambutan ng tuhod. Sa sobrang panlalatang nararamdaman ay napaupo siya sa isa sa mga stone bench at isinubsob ang ulo sa tuhod niya.

"Nakakahiya ka, Magdalena Purisima," nanggigigil na wika niya habang ibinabaon ang mga kuko sa palad niya. "Huwag kang iiyak. Huwag na huwag kang iiyak."

Pero may dalawang makulit na luha pa rin ang kumawala sa pisngi niya na mabilis niyang pinunasan. Nagpupuyos ang loob niya. She felt stepped on by mystical Bigfoot itself. But worse than that, she felt frustrated because she couldn't do anything to rectify her situation.

Humugot siya nang pagkalalim-lalim na hininga. Hindi na siya bata. Only little kids cry over spilled milk, she reminded herself. Sa ngayon ay kailangan na muna niya ulit mag-isip ng kapalit sa trabahong nawala sa kanya.

Tumayo si Madi at nagsimulang pumunta sa parking area. Nasa akto na siyang tatawagan si Tito Do Ha para sabihin ang nangyari nang may makita siyang pamilyar na pigurang naglalakad sa kabilang panig ng terrace ng ABE.

Hindi na sana papansin ni Madi si Ilea. But she caught something on Ilea's expression that intrigued her. Kalimitan na kasi ay nakangiti si Ilea sa publiko. Pero ngayon, ang ekspresyon ni Ilea ay pinaghalong takot at pagkataranta. Pakiramdam ni Madi ay nakakita siya ng pusa na nakorner ng dalawang dosenang daga.

Si Ilea? Natataranta?

Kasunod niyon ay nakita ni Madi na may lalaking sumunod sa daang nilakaran ni Ilea na hindi niya nakikilala. Hindi basta-basta nagpapapasok ang ABE ng mga walang passes o mga ordinaryong bisita. Unless may connection ang taong iyon sa isa sa mga empleyado at arista ng ABE ay imposibleng makarating ito sa parte na iyon ng building.

Doon biglang naalala ni Madi ang plano niyang alamin ang baho ni Ilea. Hindi kaya ito na ang sagot sa lahat ng mga hinanaing niya patungkol kay Ilea?

Dahil sadyang desperada nga siguro siya, o dahil sadyang mainit lang ang dugo niya kay Ilea at gagawin niya ang lahat para iligtas sa mga kuko nito si Phil, ay hindi na niya napigilan ang sarili at sinundan ang superstar na hilaw. Doon sa parteng natatakpan ng mga halaman nakita ni Madi na tumigil si Ilea pati na rin ang lalaking sumunod dito. At sa nakikita ni Madi base sa hitsura ng dalawa, kung ano man ang namamagitan ay sigurado siyang hindi maganda.

Okay, Ilea. Let's see what ticks a flawless superstar like you.

Humanap si Madi ng magandang puwesto para marinig nang maayos ang usapan ng dalawa. Napadpad siya sa likod ng mga garden pines malapit sa puwesto ng dalawa. Masyado nga sigurong occupied si Ilea dahil mukhang wala itong awareness sa mga katulad niya.

"Ano bang ginagawa mo dito?" Narinig ni Madi na saway ni Ilea sa kausap na lalaki. "Hindi ba at sinabi ko nang huwag na huwag ka nang tutuntong dito?"

The guy gave Ilea a patronizing smile. Sa malapitan ay may hitsura ang lalaki pero malayong-malayo sa hitsura ni Phil. Medyo mukhang berdugo ang lalaki. Medyo nangingitim ang paligid ng mata at malaki ang katawan.

"O, sweetheart. Hindi ba kita pwedeng ma-miss?"

Hinawakan ng lalaki ang braso ni Ilea at hinila ito. Sa pagkagulat ni Madi ay hindi nagpumiglas si Ilea. Nakita pa ni Madi nang hagurin ng lalaki ang likod ni Ilea. Tumatawa ito pero hindi alam ni Madi kung bakit kinikilabutan siya sa tawa ng lalaki.

"Alam kong na-miss mo rin ako. Hindi ko alam kung bakit kailangan nating tikisin ang isa't-isa dahil lang nakahanap ka ng ibang lalaki," anang lalaki.

Sa harap mismo ni Madi ay niyakap ng lalaki si Ilea habang si Ilea naman ay isinandig ang ulo sa balikat nito. Pakiramdam niya ay umakyat pa lalo ang dugo sa ulo niya.

Ikaw Hanggang Ngayon Ang PangarapTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon