Interlude II

1.5K 41 4
                                    

Prom Night, '99. Adeng, 16; Pitoy, 10

"Huy, Adeng, tumabi-tabi ka riyan at baka masagasaan ka ng sasakyan!"

Inambaan ng suntok ni Adeng ang pangangantiyaw ng kaklase niyang si Berso na tinawanan lang lahat ng nakarinig.

"Wow, ang pogi mo ha!" sarkastiko niyang balik.

"Kawawa ka kapag wala kaming preno, Adeng!" patuloy na kantyaw pa rin ng isang kaklase niya.

Binato ni Adeng ng napulot na bato at ibinato sa kumpulan ng mga lalaki. Tumatawa pa ang mga ito habang nananakbo palayo.

Grr! Nakakainis talaga!

Dali-dali siyang nagpunta sa madilim na sulok ng covered court. Hindi niya gustong uma-attend ng JS Prom at kahit na ano'ng event sa eskwelahan. Kaya lang, noong nakaraang taon ay nag-absent na siya sa JS at sinabi sa adviser na nag-e-LBM siya. Mag-dadahilan na naman dapat siya ngayong taon, kaya lang ay nagrenta na ang nanay niya ng damit na isusuot para sa kanya. Nanghinayang naman si Adeng sa pera at effort ni Becca.

Kaya lang ay neon green ang kulay ng damit. Na dahil isinuot pa ng kulay-uling na katulad niya ay kitang-kita sa ilalim ng disco lights.

"Huy, may stop light sa sulok!"

"Tse!" inis na sigaw ni Adeng. Buong gabi na niya atang naririnig iyon.

Kung pwede lang ay aalis na siya. Pero nakita niya si Miss Cuervas na nakikipag-tsikahan sa guard sa covered court. Tiyak na kagagalitan siya no'n kapag sumibat siya sa kalahatian ng program.

Mas hinila na lang ni Adeng ang bangko sa mas madilim pang sulok ng court. Naiinggit siya kahit paano sa mga classmates niyang babae. May hawak-hawak ang mga iyon na dilaw na daisy - ang bulaklak na i-a-abot ng escort ng mga ito. Samantalang siya ay wala ng ngang escort ay nalalait pa.

"Hmph. Maghahabol din kayo sa akin balang araw," sumpa niya sa hangin.

Napapasarap na ang pagupo-upo niya doon nang biglang magkagulo ang mga classmates niyang babae. Nakatingin ang mga ito sa entrance ng covered court. Na-curious na si Adeng. Pilit niyang sinisilip kung sino ang pinagkakaguluhan ng mga ito. Hanggang sa may marinig siyang pangalan.

"Escort ni Jeanne si Phil?"

"Ang swerte ni Jeanne! Inggit ako!"

Si Jeanne ay member ng sorority sa IT department at president din ng Wide Reader's Club. Kaklase ito ni Phil sa ibang mga subjects dahil minsang pauwi sila ni Phil ay nanghiram si Jeanne ng notes kay Phil.

Si Phil naman ay naroroon dahil alam niyang isa ito sa mga judges para sa JS Prom. Pero bakit kasama nito si Jeanne?

"Bakit magkasama si Jeanne at Phil?" tanong na naman ng isang babae. "Sila na ba?"

"Siguro. 'Di ba sabi ko sa inyo, nakita ko sila last week sa canteen na sabay nag-la-lunch?"

Si Phil at Jeanne? Sabay na nag-lunch sa canteen?

Nang sa wakas ay makita ni Adeng si Phil at Jeanne ay kaagad siyang nakaramdam ng panlalamig. Hindi niya alam kung bakit nagseselos siya dahil wala siyang karapatan. Kaya lang, maliban sa kanya ay wala naman talagang malapit na babae kay Phil. Totoong maraming may crush dito, lalo na sa college department, pero siya pa lang ang sinasabayan nitong mag-lunch. Pero mukhang ngayon ay may kaagaw na siya sa atensyon nito.

"At ang ganda-ganda pa ni Jeanne," lumong bulong ni Adeng. "Hindi siya nakasuot ng neon green."

Kinusot niya ang mga matang nag-u-umpisa nang magtubig.

Ikaw Hanggang Ngayon Ang PangarapTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon