Interlude III

1.2K 28 1
                                    

Three months before summer, '06. Adeng, 23; Pitoy, 17.

"Adeng!"

Nagkunwa si Adeng na hindi naririnig ang boses ni Pitoy. Binilisan niya ang paglalakad na halos tumakbo na siya.

Alam na niya ang dahilan kung bakit nasa kolehiyo niya si Pitoy ng hapong iyon gayong alam niyang hindi pa tapos ang klase nito at nasa kabilang ibayo pa ang Holy Angels.

"Magdalena Purisima, stop right there!"

Ugh, Ingles. Kapag nag-i-Ingles na si Pitoy ay talagang galit na ito.

Tumigil sa paglalakad si Adeng. Lumingon siya habang nagpapa-inosente ang mukha.

"O, Pitoy. Napadayo ka dito?" aniya kahit lagi naman talagang dumadayo si Pitoy sa eskwelahan niya.

Natigilan si Adeng nang sa malapitan ay matitigan niya si Pitoy. Sanay naman na siyang mukhang galing sa bakbakan si Pitoy. Simula ata nang mag-high school ito ay nakalimutan na nitong sundin ang mga rules ng Holy Angels para sa mga lalaki. Kagaya ng bawal ang buhok na hanggang batok at lalong bawal na may hikaw ang magkabilang tenga.

Pero hindi niya inaasahan ang hitsura ni Pitoy na tila sa balikat nito bumagsak ang kalawakan. Mapula ang ilong nito at namumula din ang mga mata. Umiyak ba ito?

Bago pa nakapagtanong si Adeng ay may kinuha si Pitoy sa bulsa ng uniporme at mabilis na inabot sa kanya. Agad na nakilala ni Adeng ang nakatuping stationary envelope na kulay violet.

"Ano'ng ibig sabihin nito, Adeng?" galit na tanong ni Pitoy.

Alam ni Adeng na wala na siyang lusot kaya hindi na siya gumawa pa ng dahilan.

"Love letter 'yan, 'di ba?"

"Alam kong love letter 'to. Ako pa nga ang nagsulat nito, hindi ba?" Pinakatitigan ni Pitoy si Adeng na parang may hinahanap sa mukha niya. "Ang sabi mo ay gumawa ako ng love letter para sa'yo. Ipinabasa ko pa 'to sa'yo, 'di ba? Tapos ang sabi mo, tanggalin ko ang pangalan mo at palitan ko ng endearments."

Kinagat ni Adeng ang ibabang labi. Alam na niya ang kasunod na sasabihin ni Pitoy.

"Kaya hindi ko maintindihan kung bakit na kay Risha ang sulat na 'to, Adeng."

Bukod sa pagkalito ay narinig ni Adeng ang pait sa tinig ni Pitoy. Kahit ginawa naman niya iyon para dito, pakiramdam pa rin ni Adeng na may malaki siyang ginawang kasalanan.

"Ibinigay ko 'yan kay Risha, Pitoy," aniya. Ngumiti siya nang malapad kay Pitoy. "Mabait si Risha, saka sobrang maganda pa. Matalino pa. Saka ka-klase mo siya buong high school, 'di ba? Gustong-gusto ka niya kaya."

Totoo iyon. Sa scale ng 1 to ten ay 12 si Risha Valle. Galing pa ito sa mayaman at disenteng pamilya. Sa pagkakatanda ni Adeng ay matagal nang may gusto si Risha kay Pitoy. At higit sa lahat, magka-edad ito at si Pitoy.

In short, perfect match ni Pitoy si Risha.

Nang manatiling nakatitig lang si Pitoy sa kanya ay pinalo ni Adeng ang braso nito. Sinisikap niyang pagaanin ang sitwasyon.

"Bigyan mo lang kayo ng chance ni Risha. Malay mo naman. Saka 'di ba, pareho kayong mag-aaral sa UC Berkeley? Oh, 'di hindi ka na malulungkot sa ibang bansa dahil may kasama ka na."

Hindi pa rin umimik si Pitoy. Humakbang ng isa patalikod si Adeng dahil hindi niya nagugustuhan ang mga bagay na nakikita niya sa mga mata ni Pitoy habang nakatingin ito sa kanya.

Makalipas ang mahabang sandali ay nagsalita sa wakas si Pitoy. Mahinang-mahina na hindi halos marinig ni Adeng.

"Kailangan mo ba talagang gawin sa'kin 'to, Adeng?"

Hindi alam ni Adeng kung bakit tumagos hanggang puso niya ang sakit sa boses ni Pitoy. Hindi niya napigilan ang panginginig ng tinig. "P-pasasalamatan mo rin ako balang araw, Pitoy."

Mas kayang pakitunguhan ni Adeng ang galit ni Pitoy. Pero hindi ang lungkot, hindi ang pait na pumuno sa mata nito. Sa unang pagkakataon ay hindi alam ni Adeng kung ano ang tamang sabihin para bawasan ang sakit na nararamdaman ni Pitoy. Dahil sa unang pagkakataon ay noon lang niya naintindihan na siya ang may kagagawan niyon.

"This is the first time that I'm disappointed in you, Magdalena Purisima," anito sa tinig na mabilis na tinangay ng hangin. Pero hindi bago umukilkil sa isipan ni Adeng at mapanaginipan niya sa mga sumunod na mga gabi.

Tumalikod na si Pitoy at nanakbo palabas ng eskwelahan. Hindi ito nagpakita at nagparamdam sa kanya sa loob ng tatlong buwan.

Pagkatapos ng tatlong buwan ay nabalitaan ni Adeng na girlfriend na ni Pitoy si Risha. Dalawang buwan naman pagkatapos niyon ay nasa pintuan ng bahay ni Adeng si Pitoy at nagpapaalam na mag-aaral na sa ibang bansa.

Inabot pa ng lampas kalahating dekada bago muling bumalik si Pitoy sa piling ni Adeng.

Ikaw Hanggang Ngayon Ang PangarapTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon