Kinabukasan nang tanghali ay natagpuan ulit ni Madi ang sariling binabagtas ang hallway ng ABE patungong Studio 17, ang kauna-unahang lugar sa mundo na hindi niya naisip na babalikan pa niya. Siguro nga ay naririnig ng Diyos ang dasal niya dahil kaninang umaga ay ginising siya ni Tito Do Ha para sabihing pumunta siya sa casting callback ni Direk Joey.
Sa labas ng Studio 17 ay agad niyang nasipat si Tito Do Ha. Bago pa nakuha ni Madi ang atensyon ng huli ay nakita na siya nito at mabilis na nakalapit sa kanya.
"Galingan mo, Madeline." Mababa at nagbababala ang tono ni Tito Do Ha. "Hindi madaling kumbinsihin si Direk Joey. I staked my career on this, kaya siguraduhin mo'ng paglabas mo ng silid na 'yan ay nakuha mo na ang deal."
Nagpapasalamat man si Madi sa tsansa ay hindi pa rin niya maiwasang magtaka, lalo at sariwa pa sa kanya ang rejection na natanggap sa Studio 17.
"Bakit biglaan naman ata, Tito? What changed?"
Inirolyo ni Tito Do Ha ang mata. "Hanupaba. Namuti na mata ko pag-ko-convince kay Direk na bigyan ka pa ng isa pang pagkakataon. Sinabi kong mas madali kang makasundo kaysa kay Ilea."
Parang may tumunog na kampana sa ulo ni Madi sa narinig na pangalan.
"Si Ilea? What do you mean?"
"Apparently, siya ang choice ni Ingrid Ventura umpisa pa lang."
Nakabusangot ang hitsura ni Tito Do Ha. Kapag si Ilea ang pinag-uusapan ay default na nitong hitsura iyon. Because there were rumours that Ilea ditched Tito Do Ha when she started becoming famous. Hindi iyon basta-basta natanggap ni Tito Do Ha.
"Pero nabalitaan ko galing sa mga sources na hindi sila magkasundo ni Direk Joey. I heard that they dropped her from the show."
So, Ilea was their first choice...
Gustong mainggit ni Madi kay Ilea dahil nakuha nito ang approval ni Ingrid Ventura. Pero nagtataka rin siya kung ano'ng naging sigalot sa pagitan nito at ni Direk Joey. Ito ang unang beses na narinig niyang may hindi "satisfied" kay Ilea Valencia.
Bumalik ang atensyon niya kay Tito Do Ha nang mabilis itong umiling sabay 'tsk tsk tsk.'
"Ano ba naman 'yan, Madeline. Bigating direktor ang haharapin mo. Ayusin mo nga ang suot mo."
Hindi na nakapagprotesta si Madi nang inirolyo pa ni Tito Do Ha pataas ang blusa niya at itinali sa may itaas ng pusod niya. Pagkatapos ay tinanggal nito ang dalawang butones sa may dibdib niya. Umiiling pa rin ito nang tapikin ang balikat niya.
"Tandaan mo, hija. Nakasalalay dito ang kapupuntahan ng career mo. Don't disappoint me."
"Don't disappoint me."
Palagi naman iyong sinasabi ni Tito Do Ha sa kanya. Pero sa pagkakataong ito ay alam ni Madi na wala na siyang lugar sa isa pang pagkakamali. She had already made a lot of mistakes in the past few weeks alone that she had probably reached her quota for the rest of her life.
"Pagbubutihan ko, Tito Do Ha. Don't worry."
Palakad na siya nang hawakan ni Tito Do Ha ang shoulder bag niya.
"At iwan mo na muna ang gamit mo dito, Madeline. Ayaw ni Direk Joey na may kaagaw sa atensyon."
Pero nang makapasok na si Madi sa loob ng Studio 17 ay nagtaka pa siya dahil maliban kay Direk Joey na nakaupo sa table para sa casting panel ay walang katao-tao sa loob ng silid.
Si Direk Joey naman ay agad na tumayo mula sa pagkakaupo nang makita siya.
"Lock the room, Madeline."
BINABASA MO ANG
Ikaw Hanggang Ngayon Ang Pangarap
RomansaMalaki ang problema ni Madi-"Madeline Puerto" sa kanyang fans at bashers sa mundo ng showbiz, "Magdalena Purisima" sa mga nakakakilala sa kanya noong kulay-uling pa ang kanyang balat-at mas malala pa iyon kaysa sa pagkasangkot sa isang panibagong sc...