Chapter 6

1.3K 40 0
                                    

Sapo-sapo ni Madi ang tiyan habang binubuksan ang condo unit niya nang umagang iyon. Umaatake na naman ang gastritis niya. Sumasakit din ang ulo niya dahil sa sobrang puyat sa pag-ngawa kay Janice kagabi.

"Hinding-hindi mo na talaga ako madadala sa company events niyo, Philip," himutok niya.

Binalaan na siya dati ng doktor na bawas-bawasan ang pag-inom ng softdrinks dahil nga sa sakit niya. Pero kagabi ay halos naubos nilang dalawa ni Janice ang six-pack na 1.5 na Coke. Gustuhin man niyang hindi pumasok sa trabaho ay hindi naman pwede. Marami siyang kailangang bayaran kaya hindi niya afford na hindi kunin lahat ng nakahain na raket.

Nang makapasok si Madi sa condo unit ay dumiretso siya kaagad siya sa refrigerator para uminom ng tubig. Tinutungga na niya ang pitsel nang may mapansing kakaiba sa unit niya. Hindi nga lang niya matukoy kung ano.

Pinakatitigan niya ang dining room, pagkatapos ay kusina. Sunod ang living room. Doon niya naibaba ang hawak na pitsel. Pati gastritis niya ay nawala.

"What the—!"

Malinis ang bahay niya!

Kasama niya si Janice kagabi at unless may teleportation power si Janice ay imposibleng malinis nito ang sangkaterbang kalat ng bahay niya. Gamit ang daliri ay pinahid niya ang isang malaking divider. Spotless.

Doon na mabilis na naglakad si Madi papunta sa kwarto niya para makita kung nakasama ang parteng iyon sa milagro. Hindi niya napaghandaan ang sumalubong sa kanya.

Nakaupo si Pol sa sahig at nakasandal sa paanan ng kama niya. May yakap itong walis at sa tabi nito ay ang dustpan. Nakasuot lang ito ng sando na itim at boxer shorts. At naghihilik pa ito!

Mabilis niyang nilapitan ang magaling at niyugyog ang walis na yakap-yakap nito.

"Pitoy! Bumangon ka riyan!"

Bahagya lang gumalaw si Pol. "Hmm..."

Tsk. Lalong ginalaw ni Madi ang walis. "Pitoy!"

Dahan-dahang nagmulat ng mata si Pol. Tila nalilito pa ito nang tumingala. When he probably finally recognized her, a lazy smile graced his lips.

"Nandito ka na pala, Adeng." Humikab ito. "Ano'ng oras ka nakauwi?"

Na-meywang si Madi, lalo at napaka-kaswal ng pagbati nito.

"Hoy, Pitoy, ano'ng ginagawa mo dito sa bahay ko?" Nang hindi pa kaagad kumilos si Pol ay hinila niya ang kamay nito patayo. "Umayos ka nga at mag-usap tayo."

"Pwedeng mamaya na? Tutulog muna ulit ako."

Nang akmang hihiga si Pol sa kama niya ay buong lakas nang hinila ni Madi ang kamay nito. "Pitoy!"

"Hay. Highblood na naman ang ale." Kakamot-kamot pa ito habang naghihikab. "Ano bang pag-uusapan natin?"

Aba! "Ano'ng ginagawa mo dito? Paano ka nakapasok sa bahay ko? Ano'ng karapatan mong pakialaman ang lahat ng mga gamit ko?"

"Ano namang papakialaman ko sa gamit mo? Inayos ko lang. Nagkandatila-tilapid na ako kagabi—"

"Wait, what? Kagabi ka pa nandito?!"

"Oo nga, 'di ba. Dumiretso ako dito pagkatapos ng party. I actually thought I'd find you sulking here." Then he chuckled, as if he remembered something funny. "Akala ko, may multo sa unit mo nang makakita ako ng nakasabit na puti. Mga damit mo lang pala na nakakalat."

Pinandilatan niya ito ng mata. "Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Ano'ng ginagawa mo dito? Sinong nagpapasok sa'yo?"

"Ah, 'yon?" Nagsimula na si Pol na maglakad dala-dala ang walis at dustpan kaya wala nang nagawa si Madi kundi sundan ito. "Hindi ba nabanggit ni Kuya sa'yo? Dito na ako titira kasama mo."

"What?!"

Nag-peace sign ang loko. "Araw-araw na kitang makikita. Yay."

Nasapo ni Madi ang ulo. Ang dami na niyang idinaldal pero hanggang ngayon ay hindi pa niya alam kung bakit nasa iisang bahay na sila ng magaling na 'to.

"Ipaliwanag mong maigi," napapagod na naiirita nang angil ni Madi.

Bumuntong hininga si Pol. Tila ito pa ang napu-frustrate sa kanya.

"I'd be staying here in the meantime. Hindi ba nabanggit ni Kuya sa'yo? Sabi niya sa'kin na siya na daw ang magsasabi sa'yo. Saka sabi mo daw dati sa kanya, open ang unit mo para sa bisita niya. So here I am."

Sinabi nga ni Madi iyon kay Phil. Gallego kasi ang may-ari ng condominium building na iyon. Si Phil mismo ang nag-ayos ng unit niya noong panahon na nagsisimula pa lang siya sa industriya. Mapapalagay daw ang loob nito kapag nalaman nito na nasa maayos siyang lugar at maganda ang seguridad ng tinutuluyan niya.

Ayaw pang magpabayad ni Phil sa kabila ng pag-i-insist ni Madi. Ang sabi nito ay sa hospital na lang niya ilaan ang mga kinikita niya. Praktikal lang si Madi kaya pumayag na rin siya. Pero dahil malaki naman iyong lugar, sinabi ni Madi kay Phil na kung may kaibigan siyang patitirahin doon ay okay lang sa kanya.

Phil had never bothered to bring anyone there. Until today.

Parang bumalik ulit ang gastritis niya sa mga pangyayari.

"Humanap ka ng matitirhang iba," angil pa rin ni Maid. "Ang dami-daming bahay dito sa buong ka-Maynilaan. Bakit ba dito mo pa naisipang sumiksik?"

"Hah. Hindi mo ba alam na naghihikahos ako?" Pinukpok pa nito ang sariling dibdib. Nakikinita na ni Madi ang ma-dramang pag-mo-monologue ng bruho. "Artist ito, Adeng. Bawat sentimo ay mahalaga sa'kin. Bakit pa ako magbabayad sa ibang bahay gayong ang laki-laki ng unit na 'to? Isa pa..." Itinuro ni Pol ang isang kwarto sa second floor na hindi niya ginagamit. "Alam kong may isang kwarto dito na hindi nagagamit. At alam ko din na nasa blueprint na gawing working room ang kwartong 'yon. Sayang naman. Praktikal lang tayo."

Lalong naningkit ang mga mata ni Madi sa sinabi ni Pol. Malakas ang kutob niya na hindi mauubusan ng pagdadahilan ang lalaking ito sa kanya. Noon pa man ay hindi siya nananalo sa kakulitan nito.

Doon naman nag-ring ang cellphone niya. Si Tito Do Ha ang tumatawag. Napatingin tuloy siya sa oras sa screen.

"Oh, shoot!"

Nilampasan niya si Pol at basta na lang kumuha ng dalawang pares ng sapatos sa cabinet niya. Kinuha niya rin ang mga pamalit na damit na naihanda na niya noong isang gabi pa. Dinampot niya ang malaking bag at inilagay naman doon ang tsinelas niya bago nagmamadaling lumabas sa living room.

Madi pointed an accusing finger at Pol.

"Mag-uusap pa tayo mamaya," mariing habilin niya.

Ngumisi ito. "Huwag kang mag-alala. Wala akong balak umalis."

"You—!" Bumuntong hininga siya at nag-face muscle exercise. Hindi siya pwedeng magmukhang aburido sa buhay. Sapilitan siyang ngumiti kay Pol. "Mahaba na ang listahan ng utang mo sa'kin."

"Handa naman akong magbayad habambuhay," nangingiting sabi nito.

Binigyan niya ito ng nagbababalang tingin bago lumabas ng unit.

"May nakalimutan ka!" Napalingon ulit si Madi kay Pol. Intinuro nito ang pisngi. "Goodbye kiss ko."

Grr!

"Ingat, Adeng!"

Narinig pa ni Madi ang tawa ni Pol bago siya tuluyang sumakay sa elevator pababa ng unit.

Great! sarkastiko niyang turan sa sarili. My life is really great!

Ikaw Hanggang Ngayon Ang PangarapTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon