44 | The Letter

692 64 3
                                    

Chapter 44

Errol

Ang buong paligid ay nilalamon ng apoy ngunit ako'y walang magawa. Nakasiksik sa gilid at nanginginig ang buong katawan. Gusto kong tumakbo't hanapin siya ngunit alam kong ako'y mawawala lang. Tumayo ako't sinandal ang aking ulo sa pader.

Nanginginig ang mga palad ko nang ito'y aking ibuka. Ito'y puno ng dumi't alikabok at ang mga kuko ko'y madumi. Tumingin ako sa damit kong pinagtagpi-tapi't puno ng butas. Ang pulang tela na nagsisilbing higaan ko sa malamig na lupa'y wala na. At ang mga butil ng kanin na kinuha ko mula sa basurahan ay nagkalat sa 'king paanan.

Ito ang aking buhay.

Pinagmasdan ko ang paligid. . . kung paano tumakbo't sumigaw ang mga tao. Huminga ako nang malalim at umihip sa ere't ang malaking apoy ay agad na nawala. Ang mga tao'y natigilan at ang iba'y nagalak sa nangyari. Hindi nila alam kung ano ang nangyari't siguradong papasalamatan nila'y si Bathala.

Muli ay pinagmasdan ko ang aking mga palad dahil sa nangyari at naghanap ng kasagutan sa nangyari kanina. Ito ang dahilan kung bakit ako'y iniiwasan. . . Ang sabi nila'y ako ay kakaiba. . . Ako'y isang halimaw.

Ang sabi nila'y ako ay malas kaya'y tinapon ako sa basurahan. Ako'y lumaki kasama ng isang itim na kuting ngunit ito'y walang awa nilang pinatay. Ang kuting na tanging karamay ko umulan at bumagyo'y pinaslang ng mga tao dahil sa paniniwala nilang malas ang mga itim na pusa.

Napahawak ako sa suot kong kwintas. Ito'y asul na diamante na dalawang pulgada ang haba't patusok. Sa hindi malaman na dahilan ay ito'y nagiging pula tuwing ako'y walang enerhiya't nanghihina. Simula nang ako'y dumilat, natutong gumapang at tumayo'y ang kwintas na ito'y nanatili sa aking leeg at kailan man ay 'di ko tinanggal.

Ako'y nanatiling nakatayo sa gilid. . . katabi ng masangsang na dumi ng mga hayop at mga tira-tirang putahe. Ang sampung taong gulang na katulad ko ay tila hangin lang sa paningin ng iba at karamihan naman ay ako'y binabato't dinuduro ng mga kaedad ko't sinasabing ako'y malas sa kanilang lugar.

Umupo ako sa dulo't sinandal ang ulo ko sa pader at pumikit. Paborito kong damhin ang simoy ng hangin. Ito'y madalas kong gawin tuwing kumakalam ang aking sikmura. Sa pagdilat ko'y isang tao ang bumungad sa akin. Ako'y agad na napatayo habang nakatingin sa kaniya.

Nanlaki ang mga mata ko dahil nakita ko itong may hawak na malaking karton at nakapatong ang isang puting tela sa kaniyang balikat. Diretso lamang ang tingin niya sa akin at sumilay ang ngiti sa manipis niyang mga labi. Dumako ang mga mata ko sa nakapusod niyang puting buhok. At una kong napansin na bakas ang maliliit na sugat sa kayumanggi't payat niyang pangangatawan.

"Tama nga ang hula kong nandito ka." Nanatili ang tingin niya sa akin ngunit ako'y hindi nagsalita. Sa kaniyang mga mata'y isang emosyon ang aking nakita. Nakangiti man siya sa akin ngunit alam ko'y siya'y nag-aalala sa akin.

Sa hindi malaman na dahilan ay nararamdaman ko kung ano ang kaniyang emosyon. Hindi ko alam kung bakit tuwing siya'y malayo'y ramdam ko ang lahat ng emosyon niya at kung siya'y malungkot at nasa panganib ay pakiramdam ko'y obligasyon ko siyang puntahan.

"Ikaw ba ang pumawi sa malaking sunog kanina?" Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sunod niyang sinabi. Pakiramdam ko'y napako ako sa aking kinatatayuan kaya ako'y walang tigil na umiling.

Hiraeth Play: Legend of Cantaga | TO BE PUBLISHED UNDER IMMACTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon