11 | The Treasure

2.7K 492 55
                                    

Empanada - A type of baked or fried turnover consisting of pastry and filling.

Oriesa - A traditional medicine.
(dried leaves and flowers)

________

Chapter 11

Alysa Espanosa

Napako ang mga paa ko sa tinatapakan ko at lahat ng mura ay nabanggit ko na sa aking isip. Pinagpawisan ako lalo dahil sa kaba at nanginginig na 'ko sa kinatatayuan ko. Nakaramdam ako bigla ng hilo kaya nasapo ko ang aking noo.

Pakiramdam ko ay umiikot ang paligid. Nawalan ako ng balanse at tumama ang aking likuran sa dingding. Humakbang ako ngunit mas lalo lang ako nahilo kaya nanatili akong nakasandal sa dingding na parang butiki.

"Ano'ng ginagawa mo?" Tumingin ako sa pinto at nakatayo don si Casco habang bitbit ang isang karton.

Humakbang uli ako pero nawalan lang ako ng balanse. Mariin akong napapikit at naramdaman ko na lang ang pagkahawak ni Casco sa aking beywang. Dumilat ako't bumungad sa akin ang nag-aalala niyang mukha, nakakunot noo siya habang nakatingin sa akin.

Hindi lang hilo ang naramdaman ko kundi pananakit din ng ulo. Napakagat na lang ako sa ibabang labi para tiisin ang sakit. Oh shit, ano ba'ng nangyayari sa akin?

"Ika'y nahihilo ba?" Inalalayan niya ako maglakad pabalik kung saan ako nakaupo kanina at bawat hakbang na ginagawa ko ay parang mas umiikot ang aking paningin.

Mahigpit kong hinawakan ang salamin habang nakapatong ang aking kamay sa balikat niya. Bakas sa mukha niyang nahihirapan siya sa liit niya. Saglit akong napapikit at hiniling na sana'y hindi kami matomba.

Umalis siya sa harap ko nang makaupo na ako't pagkatapos ng ilang segundo ay isang basong puno ng tubig ang inabot niya. Humihingal pa siya at mukhang pagod na pagod.

"N-nagugutom ka ba?" pinunasan niya ang namumuong pawis sa kanyang noo at mukhang naghihintay ng aking sagot.

Panay ang kabog ng dibdib ko nang itapat ko ang salamin sa aking mukha at kumunot ang aking noo dahil ang sarili kong repleksyon ang bumungad sa akin. Kumurap pa ako ng tatlong beses at nilapit ang salamin sa aking mukha. Namamalikmata lang ba ako kanina? Napasapo ako sa noo't napabuntong hininga, napagod yata ako at kung ano-ano na ang mga nakikita ko.

"Hindi ako nagugutom, nahilo lang ako bigla," diretso kong sagot sa kanya. Tumingin siya sa hawak ko at kumunot ang kanyang noo. Salitan niya pang tiningnan ang mukha ko't ang hawak kong salamin kaya pinagkunutan ko rin siya ng noo. Mukhang may gusto siyang sabihin pero tinalikuran niya lang uli ako.

Habang nakaupo ay nakipagtitigan ako sa repleksyon ko sa salamin at siningkitan ko pa ng mga mata ang mukha ko. Napagtanto kong para akong timang sa ginagawa ko kaya nasapo ko na lang ang aking noo at napabuntong hininga.

Mahigit dalawang oras na akong nandito pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung paano ako makakalabas. Iba rin ang mga nangyayari rito sa loob sa istoryang kinabisado't alam ko. Nandito ba talaga ako sa kwento ni Siena?

Naputol ang pag-iisip ko nang isang bagay ang inabot sa akin ni Casco. Hugis bilog at nakabalot sa isang manipis na itim na papel, nangunot naman ang noo ko dahil hindi ko alam kung ano 'yon. Ano naman ang gagawin ko rito?

"P-pasensya na't iyan lang ang kaya kong ibigay."

Lumipat ang tingin ko sa mukha niya at napansin kong hindi siya makatingin sa akin. Namumula rin ang pisngi niya't nang magtama ang mga mata namin ay agad siyang umiwas ng tingin.

Hiraeth Play: Legend of Cantaga | TO BE PUBLISHED UNDER IMMACTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon