52 | The Class A Familiar

593 52 5
                                    

Chapter 52

Errol

Habang buhat ko siya sa aking bisig ay lumuhod ako sa damuhan. Isang pulang tela ang lumitaw sa aking harap at siya'y maingat kong hiniga rito. Nanatili ang titig ko sa maamo niyang mukha habang siya'y nakapikit. Pilit kong iniisip kung totoo ba ang nakita ko kanina o hindi.

"Huwag kang mag-alala. Kung ano man ang nasilayan ko'y hindi ko sasabihin sa iba." Lumingon ako kay Eaton nang lumuhod siya sa gilid ko. Sa bisig niya'y buhat niya ang walang malay na si Shaja. Kung buhatin niya ito'y tila kasing gaan lang ito ng isang pirasong balahibo ng manok.

"Iniisip mo kung totoo ba ang nakita mo kanina, tama?" Nang hindi ako kumibo'y sumilay ang ngiti sa mga labi niya. Sa bisig niya'y buhat niya si Shaja. Tinapunan ko ito ng tingin at pansin kong wala itong ano mang galos sa katawan.

Hindi ko alam kung ano ang nangyari kanina't kung paano sila napunta sa sitwasyon na gano'n. Sa paglalakad ko ay nakasalubong ko sa daan si Eaton. At ang sabi niya sa akin ay kung sino man ang hinahanap ko'y alam niya kung nasaan.

"Hindi p'wedeng mangyari ito." bulong ko habang nakatingin sa mukha ni Siena. Pinagmasdan ko siya't inangat ang aking kamay at hinawakan ang kaniyang pisngi.

Nakaramdam ako ng kirot sa aking puso nang maisip ko kung ano ang maaring mangyari sa susunod na mga araw. Kung ano ang maari niyang pagdaanan 'pag nalaman ng mga tao kung ano ang meron sa loob ng kaniyang katawan.

Pinapangako ko sa sarili ko na gagawin ko ang lahat upang iligtas siya sa kamay ng mga sakim sa kapangyarihan.

Nanatili ang tingin ko sa kaniyang mukha habang ginagalaw ng hangin ang kaniyang itim na buhok. Hinawi ko ang buhok niya upang masilayan ang maganda niyang mukha.

Ipagtatanggol kita kahit ano pa ang kapalit.

"Kahit ayaw mo'y wala tayong magagawa. Nangyari na ang nangyari." diretsong sabi ni Eaton sa aking tabi. Nagkibit-balikat ito at maingat na hiniga si Shaja sa isang mahabang puting tela. Pinagmasdan namin ang dalawa't kami'y nanatiling nakatayo sa kanilang harapan.

Sa isang tagong kuweba ng nayon kami lumitaw. Sa lugar na ito kami dinala ng aming mga paa. Sa gitnang bahagi ng kuweba'y matatagpuan ang rumaragasang tubig. Ito'y malinis at tila maiinom. Hindi ko alam kung ano'ng tawag at saan ang kuweba na ito.

Ang kapaligiran ay puno ng patusok na mga bato ngunit ang itsura ng mga ito'y kakaiba. . . sapagkat ang mga ito ay tila isang salamin. Kung tititigan ko ang mga bato'y makikita ko ang repleksyon ng aking mukha. Ang itaas na bahagi ng kuweba ay napuno rin ng mahahaba't patusok na bato.

"Kumurap ka at baka makita mo ang 'yong hinaharap. Hindi mo dapat titigan ang mga bato na ito." Nilihis ko ang aking tingin sa kaniyang mukha. Isang nagtatakang tingin ang binigay ko sa kaniya. Paano niya nalaman ang tungkol sa mga bato na ito?

"Ano ang lugar na ito?" Nagtataka kong sabi sa kaniya't nanatili ang tingin niya sa aking mukha at hindi siya kumurap.

"Ang lugar na ito'y ang kasagutan sa lahat." Ako'y napakunot noo dahil sa naging sagot niya. Ano ang ibig niyang sabihin?

Ang loob ng kuweba ay kumikinang sa paningin ko. Tumingala ako't tiningnan ang malaking butas sa sentro na nagbibigay liwanag dito sa loob. Tumatama ang sinag ng araw sa rumaragasang tubig. Ako ay napalunok nang titigan ko ang tubig dahil ang itsura nito'y nakakauhaw.

"Huwag na huwag kang iinom." Lumipat ang tingin ko sa mukha ni Eaton. Diretso lamang ang tingin niya sa kawalan na animo'y iniiwasang titigan ang ano mang bato rito sa loob.

Hiraeth Play: Legend of Cantaga | TO BE PUBLISHED UNDER IMMACTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon