PAGE ONE HUNDRED FIFTEEN
Nagui-guilty ako. (´・ω・`)
Maghapon lang tuloy akong nagkulong sa kuwarto. No'ng Friday kasi, kuhaan namin ng card. Si Mama ang kumuha.
Nasa room kami at nagulat ako nang bigla akong kinalabit ni Bebs at sinabing tumatawag si Mama. Shookt ako siyempre. 'Di ko alam kung bakit kailangan pa niyang tumawag at wala pa rin akong cellphone kaya kay Bebs na lang siya tumawag dahil alam niyang palagi kaming magkasama. Pagkabungad niya sa 'kin, "Larisse." Napa-uh-oh na 'ko sa isip ko dahil iba ang tono niya. Kakaiba. Pero pinilit ko pa rin kumalma. "Hello, 'Ma? Nakuha mo na yung card ko? Nakauwi ka na?" Lahat ng tanong ko, hindi niya sinagot. "Mamaya, umuwi ka kaagad. Mag-uusap tayo." Iyon ang linya niyang nagpakaba sa 'kin.
Hindi ko pa alam no'n kung bakit. Kung ano'ng problema. Kung bakit tumawag pa si Mama kay Bebs, hindi na lang pumunta sa room o sabihin sa 'kin sa bahay. Pero nang pumasok sa room 'yung adviser namin at in-announce ang Top 10 Outstanding Students, hindi natawag ang pangalan ko. Wala na pala 'ko sa Top. Si Bebs, Top 6 na. I'm so happy for her.
Aaminin kong nag-expect din ako na kasama pa 'ko, dahil no'ng nakaraan naman Top 5 naman ako at Top 8 si Bebs. Sabi tuloy niya, "Bebs, anyare? Ba't wala ka do'n? Teka, paulit natin baka namali lang ng mention si Ma'am." Ngumiti ako at saka dahan-dahang umiling, "Okay lang, Bebs. Alam ko na kung bakit wala na ako doon." Bigla kong naalala 'yong sinabi ni Mama na mag-uusap kami pag-uwi ko. Mukhang tungkol ito sa card ko. Parang binalaan na niya 'ko na lagot ako sa kan'ya mamaya.
Pag-uwi ko, kalmado lang si Mama pero napapatingin siya sa 'kin. Si Papa naman nginitian ako ng pilit. Hanggang sa sinimulan na nga ni Mama ang ritual---este panenermon sa 'kin. Sabi niya, "Bakit biglang bumaba ang grades mo? Siguro kung ano ano ang inaatupag mo. Hindi ka nag-aaral mabuti. Hindi ka naman dati gan'yan ha? Ano ba'ng nangyayari sa 'yo, Larisse?" Hindi naman siya sumisigaw. Mahinahon naman ang boses niya, pero alam kong disappointed siya sa grades ko. Yumuko na lang ako at huminga ng malalim. "Sorry, Mama. Sorry, Papa. Alam kong na-disappoint ko kayo. Babawi na lang po ako susunod. Pagbubutihan ko po, promise."
Napailing no'n si Mama at huminga ng malalim. Parang pinakakalma ang sarili niya. Nasabi ko bang mas takot ako kay Mama kaysa kay Papa? (Pero may takot naman ako sa kanilang dalawa. Siyempre mga magulang ko sila kaya nirerespeto ko silang dalawa) Si Papa kasi hindi pa nagalit sa 'kin/sa 'min na aabot sa point na sisigawan o sasaktan kami. Basta pag galit siya sasabihin lang niya ang buong pangalan namin, gets na namin 'yon. Mas nakakatakot magalit si Mama dahil kahit mahinahon naman siyang magsalita at hindi sumisigaw, tumatagos pa rin sa dibdib ang mga sinasabi niya at parang sinasampal ka ng katotohanan na kasalanan mo. Nakaka-guilty. Sobra. Lalo na nang sabihin niyang, "Dapat lang na bumawi ka, Larisse. Isipin mo na lang na nagpapakahirap magtrabaho ang Papa mo, para lang may mapangtustos tayo sa pag-aaral niyo. Pag-aaral muna ang unahin ninyo, dahil iyon ang mahalaga. Hindi tayo mayaman. Wala kaming ipamamana sa inyo, iyon lang. Kaya sana naman, pagbutihin ninyo ang pag-aaral niyo. Hindi 'yan para sa 'min, para rin sa inyo 'yan."
Inaamin ko naman. Kasalanan ko ang lahat. Tama naman si Mama. Kailangan pag-aaral muna ang unahin ko. "Hindi naman namin pinipilit na dapat maging first honor o Top 1 kayo. Na dapat palaging matataas ang grades niyo. Hindi namin kayo pinepressure. Okay nga lang sa 'min ng Papa niyo kahit most o best lang ang makuha niyo. Basta makatapos kayo ng pag-aaral." Dagdag niya. Totoo naman yon. Hindi grade conscious ang mga magulang ko, kung ano lang ang kaya namin magkakapatid, masaya na sila doon. Natatandaan ko no'ng naging salutatorian si Limuel no'ng grumaduate siya ng kinder garden, bumili pa ng lechon si Papa at ang daming handa. Kahit mga Top lang ang nakuha namin, binibigyan pa rin nila kami ng regalo para raw pagbutihin pa namin. Gano'n kabait ang mga magulang ko.
No'ng chineck ko 'yung card ko, bumaba nga halos lahat ng grade ko sa bawat subject. Talagang nakakagulat at the same time nakakadisappoint bilang magulang kung gano'n ang makikita mong grades ng anak mo. Kaya hindi na ako nagtataka kung bakit gano'n ang reaksyon ni Mama. Ang laki ng nawala. Hindi ko na-maintain. Masyado akong naging pabaya.
Marami pang sinabi si Mama no'n. Pero hindi ko napansin na sunod sunod na pala ang pagtulo ng luha ko. Naramdaman ko na lang na tinapik ni Papa ang likod ko at sinabi kay Mama, "Leng, tama na 'yan. Alam kong hindi na iyon uulitin ni Larisse. May tiwala ako sa batang 'to." Deym. Nang marinig ko yon, muli kong tinatak sa isip ko na dapat akong bumawi. May tiwala sa 'kin si Papa at alam kong si Mama rin, ayoko na silang biguin. Ayokong madisappoint ulit sila sa 'kin. Magsusumikap na 'ko para maging worth it lahat ng paghihirap nila.
At sisimulan ko na 'yon ngayon. Lahat ng bagay na gumugulo sa isip ko, pipilitin kong alisin. Lahat ng bagay na hahadlang sa pag-aaral ko pipilitin kong tanggalin. Tulad na lang ni Miro. Nitong mga nakaraang araw, na-realize ko lang na puro pala ako Miro. Wala akong bukambibig kundi Miro. Pikachu. Miro. Pikachu. Miro. Pikachu. Siguro palagi siyang nasasamid o nakakagat ang dila niya. Wala atang araw o oras na lumipas na hindi ko man lang siya naiisip. Nawawala na ako sa focus dahil puro siya na lang ang iniisip ko. Ngayon, pipilitin kong burahin na siya sa isip at sana sa puso ko rin.
How to uncrush you, Pikachu? Uncrush? Mali ata ang term. Hindi ko naman siya crush. Dapat unlove dahil mahal ko siya. Hays. Pipilitin kong isipin na hindi na siya nag-eexist sa mundo ko, dahil gano'n din naman ako sa mundo niya. Pipilitin kong iwasan, tanggalin, alisin, burahin, ierase, i-delete. Name it. Basta lahat gagawin ko para mawala na 'tong nararamdaman ko at sana lang kayanin ko kahit mahirap.
Katulad ng pangako ko kay Mama at Papa, magfo-focus muna ako sa pag-aaral ko. Babawi pa ako sa kanila. Yes, magfo-focus na lang ako sa mga bagay na mas mahahalaga. Wala na munang crush o boyfriend. Wala munang lovelife. Aral muna para sa future! ♡
P.S. Baka ito na rin muna ang huling sulat ko dito. Baka. Baka magsulat pa rin ako ng mga ganap sa buhay ko. Baka rin hindi na. Ayoko na rin maging update sa buhay si Miro. Hindi ko alam. Basta magpapaka-busy muna ako.
BINABASA MO ANG
Love's Journal (Love Duo #1)
Dla nastolatkówThis journal belongs to Larisse Enriquez. 📕