KAPITULO I: ISANG HIBLA NG BUHOK

4.6K 101 1
                                    

Sa paningin ni Virginia, humahalakhak si Annalyn na parang si Satanas. Hagalpak sa tawa, galak na galak, sapagkat napapalibutan ng maraming kahuntahan. Aliw na aliw sa barkadang kaumpukan.

Grupo sila ng mga lalaki't babae. Walang humpay ang kanilang gulo't ingay na umaabot hanggang sa malayo.

Wala silang pakialam sa mga nakakakita't nakakarinig. Hindi alintana ang mga nakakapansin. Hindi nahihiya sa ibang tao sa hallway ng campus.

"Marupok!! Hahahaha!" tukso kay Annalyn ng isa sa mga kabarkada niyang lalaki na mataba, may salamin sa mata, at tinatawag nilang Benedict.

"Hoy! Hahahahahaha! Isa kang uri ng demonyo talaga!" pakli ni Annalyn. "Tarantado! Amputa! Hahahahaha! Wala kang patunay!!"

Lalong umingay ang tawanan sa kanilang umpukan.

"Hindi ako marupok!" tanggi ni Annalyn. "Pero ako'y babaeng makasalanan! Amen! Hahahaha!"

Nanlilisik ang tingin ni Virginia kay Annalyn, nagngingitngit sa galit, ganap ang pagkasuklam. Sa isip niya, "Si Annalyn ay ang diyablo at ang mga kaumpukan naman nito ay mga alagad na demonyo."

Nakatayo at tawa nang tawa sa hallway si Annalyn, kaya't lantad ang kanyang tangkad — kasingtaas ng pangkaraniwang lalaki. Kayumanggi ang kanyang kutis at siya'y nakaunipormeng puti. Malusog at may bahagyang katabaan ang pangangatawan. Matambok ang pisngi. Mahaba ang kanyang buhok, umaabot hanggang likod, halos sumayad ang dulo sa puwitan. Ito'y natural na itim, pero hindi siya kuntento, kaya't ito'y pinakulayan niyang blonde.

Maraming nagsasabing maganda ang mahabang buhok ni Annalyn.

Samantala, si Virginia naman ay maliit at payat na babae. Maamo't marikit ang mukha. Mahaba't itim ang buhok. Tahimik madalas, bihirang kumibo.

Kapwa nasa kolehiyo ang dalawang dalaga. Pareho silang estudyante sa campus ng unibersidad na yaon.

Habang nagmamasid sa gilid, lalong tumitindi ang muhi ni Virgina. Gusto niyang dumampot ng patalim, at paulit-ulit saksakin si Annalyn.

"Dadanak ang dugo," saloobin ng napopoot na dalaga. "Annnnimal ka, Annalyn! Ahasss!!"

Nasa kamay ni Virginia ang isang maliit na litrato ng lalaki. Ito'y 2x2 inch na picture, kinupit niya sa bulletin board ng faculty.

Ang nasa litrato ay mukha ni Vic Narciso — tatay ni Annalyn.

Buo ang pasya ni Virginia na singilin ang mag-ama sa kasalanang ginawa sa kanya. Kaya't pumunta siya sa likuran ng babaeng kanyang kinamumuhian na nuo'y nakatayo't tawa pa rin nang tawa.

"Aray!" galit na sinabi ni Annalyn. "Yawa!!"

Ramdam niya ang sakit ng pagbunot ng buhok, at dagling napakamot sa anit.

Paglingon niya, naro'n si Virginia.

Nagtataka si Annalyn sa nangyari, subalit bago pa siya makapagtanong dito, agad na itong tumalikod at humakbang palayo.

Nagtataka rin ang mga nasa umpukan. Walang sinuman sa kanila ang nakapunang mayroong pasimpleng bumunot ng buhok.

"Puta ka," pabulong na sinabi ni Annalyn, ngunit narinig pa rin ito ni Virginia.

Hindi kumibo ang pinaringgan ng mura. Sa halip, kuntento itong lumakad palayo, tangay ang isang mahabang hibla ng buhok ni Annalyn.


ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon