Sa kuwarto, kinapanayam ng pari si Jennalisa sa harap nina Vic, Andrea at Annalyn.
Isinusulat ng pari lahat ng mahahalagang detalye upang makilalang lubos ang pamilya ng hinihinalang maysapi.
'Victor Narciso, 47 years old, nagtuturo ng humanities sa kolehiyo, sa isang unibersidad sa Paciano. Jennalisa, 45 years old, empleyado sa Santa Rosa Hospital and Medical Center. Tatlong anak na babae. Angeline. Annalyn. Andrea.' — ito ang nilalaman ng papel ni Felix.
Sapagkat danas na danas na ni Felix ang kasabihang 'the devil is in the details.'
Talaga nga naman, ang demonyo ay nasa mga detalye.
"Nasa'n si Angeline?" tanong ng pari.
"Nasa trabaho s'ya," sagot ng ina. "Angel ang tawag namin sa kanya dito sa bahay."
Parang katulad ng mga sikat na artista, Angel Aquino at Angel Locsin, para madaling tandaan at tawagin.
"Saan siya nagtatrabaho?" usisa ng kura. "Ilang taon siya?"
"Sa NAIA," malutong at mariin ang pagbigkas ni Jennalisa, tila ipinagmamalaki. "Twenty three na siya."
Ninoy Aquino International Airport ang tinutukoy ng ina at alam naman ito agad ng nagtanong na pari.
"Ano po trabaho niya du'n?" patuloy ni Felix.
"Passenger Service Agent, NAIA Terminal 1." Bahagyang nilakasan ng ina sa boses niya.
Nakahalata si Felix sa pananalita ng kausap. Bigla tuloy sumagi sa kanyang isip, 'parang nagyayabang s'ya sa sinabi niya.'
Ang mag-asawa'y tuwang-tuwa sa panganay nila sapagkat nagtatrabaho ito sa tanyag na kumpanya sa bansa. Gayundin si Annalyn, ibinibidang madalas ang trabaho ng kanyang Ate Angel.
Bumaling naman ang pag-uusisa ni Felix kay Annalyn.
"Ilang taon ka na?"
"Twenty two," matamlay na tugon ng dalaga. Walang gana, walang sigla.
"Nagtatrabaho ka na rin?"
Umiling lang ang dalaga, kaya't ang ina ang sumagot.
"Napatigil siya sa pag-aaral, dahil hindi gumaling-galing ang sakit."
Nag-usisa naman si Felix tungkol kay Andrea.
"Sa'n ka nag-aaral?"
"Sa Sirang Lupa Elementary School po," tugon ng bata.
Humaba pa ang pag-uusap, at natuklasan pa ni Felix na si Annalyn ay nag-aaral sa unibersidad sa Paciano, kung saan nagtuturo ang kanyang tatay. At si Vic ay may malubhang sakit sa bato kaya't dalawang beses isang linggo kailangan siyang dalhin sa ospital para sa dialysis.
Humantong ang pari sa isang mahalagang tanong para kay Annalyn. "May pagkakataon bang lumahok ka, o nakisali, sa kahit anong occult?"
Nagtaka ang dalaga, hindi naintindihan ang tanong.
Ipinaliwanag ito ni Felix. "Ang 'occult' ay mga bagay na may kinalaman sa paranormal at lihim na karunungan."
Umiling ang dalaga, tumanggi ito. "Wala po akong maalalang ganyan."
Marami pang natuklasan si Felix sa halos isang oras na panayam — mga nagpapakita't nagpaparamdam, mga kababalaghang nangyayari sa bahay, mga kakila-kilabot na ikinikilos ni Annalyn.
Sumapit ang pari sa puntong sa kanyang palagay ay sapat na ang kanyang paunang nalalaman. Minabuti niyang tuldukan na muna ang pag-uusap.
Humingi ng pahintulot si Felix sa ina para basbasan si Annalyn. "Pwede ko ba siyang bigyan ng simpleng blessing?"
Pumayag naman ito.
Nagpatong si Felix ng kasuotang istola sa sarili, at kinuha ang kanyang Roman Ritual — itim na libro na kasinlaki ng karaniwang kuwaderno.
Nagtanda ng krus ang pari. "Sa ngalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo. Amen."
Binuklat ng kura ang kanyang hawak na aklat, ipinatong ang isang kamay sa ulo ng dalaga, at sinimulang magbigkas ng katagang 'Exorcize te' — ito'y wikang Latin, kung isasalin sa ingles ay 'I exorcise you'.
Sa karanasan ni Felix, walang masamang epekto kung bigyan ng maiksing eksorsismo ang walang sapi, subalit napakalaking pagkakamali kung hindi mapagkalooban ng sakramental na eksorsismo ang totoong mayroong sapi.
Ang binanggit ng pari na blessing, sa katunayan ay maiksing eksorsismo talaga. Sinabi niya lamang na blessing para huwag mabahala ang makakarinig. Sapagkat kapag narinig ang salitang 'eksorsismo', inaakala kaagad na may sapi ang binabasbasan kahit hindi pa naman ito natitiyak.
Ang pakay lamang ni Felix ay obserbahan ang reaksyon ni Annalyn kapag binigyan siya ng simpleng eksorsismo.
Ilang minuto lang ang dumaan. Natapos agad ang pari sa pagbasbas, at dinugtungan niya rin ito ng maikling panalangin kay San Benito.
Ang reaksyon ni Annalyn — noo'y nakakunot, aburido.
Sa isang napakabilis na saglit, nahagip ng tingin ni Felix na parang inirapan pa nga siya ng dalaga.
ITUTULOY
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.