Malapit sa himpilan ng bus, natagpuan nina Danilo at Felix ay isang disenteng karinderya. Nakakuha sila ng puwesto sa isang sulok kung saan maaari silang makapag-usap nang walang nakikinig o nakikialam, habang nagtatanghalian.
Walang pumapansin sa dalawang lalaki dahil napakagulo't napakaingay sa karinderya — kasagsagan sa tanghali, maraming kostumer na kumakain, mga bumibili ng ulam at kanin.
"Paano mo nalaman ang apelyido ko?" usisa ni Felix.
"Sinabi po sa'kin ng tiyahin ko," tugon ni Danilo. "Siya po kasi ay isa sa mga tagalinis ng tinitirhan ng obispo. Nabanggit sa kanya ang pangalan ng exorcist na may hawak ng kaso ni Annalyn."
"Sa kanya ko rin po pinadaan ang paghingi ng tulong," dugtong ng lalaki. "Tiyahin ko po ang nag-akyat sa obispo. Pero ang payo sa kanya, hayaang magulang o kaya kapatid o kamag-anak o ang mismong tao ang kusang lumapit."
Unti-unting naidugtong ni Felix ang mga sinabi ni Danilo sa pahayag ng kapwa-pari na si Tony nu'ng Mayo.
Ayon sa kura parokong si Tony, mayroong mag-inang Jennalisa at Andrea na humihingi ng tulong sa kanya para kay Annalyn na maysapi. Ang ginawa ng pari ay inakyat sa obispo ang problema nila sapagkat siya ay isang parish priest — hindi exorcist.
"Matanong ko lang," nagtataka si Felix. "Kaanu-ano mo si Annalyn?"
Natigilan si Danilo, nag-alinlangan, ngunit umamin din ito. "Dati po kaming magkasintahan."
Tumango-tango ang pari. Naintindihan niyang si Danilo ay nobyo nuon ng maysapi, at kahit papaano'y mayroon itong koneksyon sa obispo ng San Pablo.
"Kung ikaw pala ang dumulog sa obispo, ano'ng nag-udyok sa'yo para gawin ito? May suspetsa ka bang sinasapian nuon si Annalyn?"
"Magkasama po kami nu'ng isang pagkakataong sinumpong siya," lahad ni Danilo. "Sa palagay ko, 'yun ang unang beses na siya'y sinapian."
"Kailan ito? Ano'ng nangyari?"
"Tandang-tanda ko pa po, ikaapat ng Setyembre nu'ng isang taon. Linggo ng gabi. Nandu'n kami sa kubo. Naalimpungatan ako. Pagmulat ko, nakita ko siyang nakatayo malapit sa paanan ko, nakatitig sa'kin. Namumula ang mga mata niya. Galit na galit. Parang papatayin ako."
"Takot na takot ako nu'n," dugtong ni Danilo. "Ann'sama ng tingin niya sa'kin, Padre. Parang hindi siya si Annalyn. Hindi ko pa alam na maysapi siya nuon."
Napatigil ang lalaki sa pagkukuwento, at nagmadaling nagtanda ng krus sa sarili.
"Habang sinasapian si Annalyn," bulong ni Danilo. "Mayroon akong nakitang nakatayong demonyo sa likod niya. Matangkad na anino, parang lalaki na may sungay. Pulang-pula ang mata. Galit na galit kung tumingin sa'kin. Nuon lang ako nakakita ng demonyo sa buong buhay ko, pero sigurado akong totoong demonyo yung nakita ko. Sa sobrang takot ko, Padre, nahulog ako mula sa kinauupuan ko."
"Pagkatapos ay hinimatay si Annalyn at nawala ang demonyo," dagdag pa ng lalaki. "Sinubukan kong gisingin si Annalyn. Nang mahimasmasan, wala siyang maalala. Kalahating minuto siguro siyang sinasapian. Dalawa hanggang tatlong minuto naman siya walang malay."
Hindi binanggit ni Danilo na hubo't hubad si Annalyn nang magisnan niya itong nakatayo sa kanyang paanan. Hindi niya rin sinabi sa pari kung anong ginawa nila sa kubo bago mangyari ang hinihinalang unang sumpong ng sapi.
Totoong nahulog ang lalaki, ngunit hindi mula sa upuan. Nalaglag siya mula sa papag nilang higaan.
"Disyembre nu'ng isang taon nang maghiwalay kami ni Annalyn," lahad ng lalaki. "At kakaumpisa pa lang nitong taon, nakarating po sa'kin ang balitang siya ay maysapi at may sayad ang pag-iisip. Usap-usapan si Annalyn sa Sirang Lupa. Pebrero po, bumisita ako sa kanila, pero ang bunsong kapatid niya lang ang humarap sa'kin."
"Si Andrea ba ang tinutukoy mo?" tanong ng kura.
"Opo, naikuwento ni Andrea sa'kin na may sakit ang ate niya," patuloy ni Danilo. "Sinusumpong daw... Di pa nila matukoy kung ano... Sa kanya ko lang din nabanggit ang nakakapangilabot na pangyayari sa kubo..."
Tumigil saglit ang salaysay ng lalaki. Lumingon-lingon muna sa nagkakagulong karinderya bago muling nagsalita. Tiniyak na walang nakakarinig.
"...at ibinilin ko kay Andrea, Padre, na humanap sila ng exorcist."
Ang KAPUTOL ng kapitulong ito ay nasa SUSUNOD NA BAHAGI.
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.