Ipinagpatuloy ni Felix ang pagbasbas ng agua bendita kay Annalyn. Kasabay nito, binigkas ng pari ang mga panalangin para sa eksorsismo.
Walang patid ang paghihirap ng dalagang maysapi at ng diyablo.
Dinudulutan sila ng matinding parusa't pasakit.
Nagwawala't humihiyaw si Annalyn nang kaylakas. Nagpupumiglas sa pagkakahawak ng mga kamag-anak.
Sukdulang nagngingitngit sa galit ang diyablo. Hindi matanggap na nailantad sa liwanag ang kanyang ngalan.
Naintindihan ng pari ang sinabing 'siete puertas de la puta'.
Ito ay pariralang Kastila, at ang kahulugan ay 'pitong lagusan ng puta', o 'seven doors of the whore.'
Kaya't inabangan ng pari ang mga ibabatong banyagang salita — wikang Kastila, o kaya nama'y Latin.
Marami nang nasaksihan nuon si Felix na mga maysaping nagsasalita ng iba't ibang lengguwahe. Isa sa kanila si Jennifer na inosenteng siyete anyos na batang babae. Ang kanyang tanging alam lamang ay Waray at 'basag na Tagalog', ngunit tuwing sinusumpong ng sapi, nagsasalita ito ng 'tuwid at malalim' na wikang Griyego, Pranses at Aleman.
Nagbabago rin ang tono't punto ng pananalita. Sa halip na bata, parang 'sinaunang matanda' si Jennifer kung umasta't makipagtalastasan sa pari.
Naliligalig ang isip ng sinumang nakakarinig kapag banyagang lengguwahe ang sinasambit ni Jennifer.
Talaga namang nakakapagpabagabag, at ramdam na ramdam ang kababalaghan.
Paraan ito ng diyablo upang guluhin ang isip ng tao, at magdulot ng takot. Sanay na si Felix sa ganitong gawain ng masasamang nilalang.
Karaniwang karanasan na lang ito para sa exorcist.
"Magsasalita si Annalyn ng lengguwaheng hindi niya alam," hinuha ng kura sa sarili, ngunit mali ang kanyang akala.
Sapagkat nilalansi lamang siya ng diyablo.
Wala na itong iba pang sinambit na wikang banyaga.
Sa halip na magbitaw ng ibang lengguwahe, nagpahapyaw ito kung paano siya pumasok kay Annalyn.
"Sa bunganga ni Ann kami dumaan! At kami'y tumuloy sa pitong lagusan!" lahad ng masamang nilalang, habang nagbabasbas at bumibigkas ng dalangin ang pari.
Hindi ito pinagtuunan ng pansin ni Felix. Tinutukan niya ng krus ang dalagang sinasapian, at inutusang lumayas ang diyablo.
"Sa ngalan ng Panginoong Hesukristo, lumayas kayo! Beelzebub, magtungo ka sa paanan ng krus!"
"Ayaaawww!!!" suway ng maysapi, at umungol katulad ng asong nauulol.
Pagkapangyari nito'y tinapatan ng maruming espiritu ang panggigipit sa kanya ng exorcist.
"Una sa lahat, sugapa si Ann sa alak!" singhal nito. "Alak! Alak! Tunggain ang alak! Barek! Inom pa! Shot! Puno! Putang ina mo! Gago! Tagay pa! Ang gusto nitong puta ay lagi siyang lasing! Lasenggera! Manginginom! Una sa pito! Sinasabi ko sa inyo, una sa pito! Sugapa si Ann sa alak!"
Tinadyakan ni Annalyn ang nakahawak sa kanyang si Vino, pero hindi pa rin siya nakatakas sa kamay ng pinsan.
Dumaldal pa nang dumaldal ang diyablo sa katauhan ni Annalyn.
"Ikalawa sa pito, si Ann ay puta! Malandi! Pumapatol kung kani-kaninong lalaki! Hanap lagi ay lalaking makakalandian!"
"Haliparot! Pokpok! Hayok na hayok! Hitad! Palipat-lipat! Palit nang palit si Annnnn ng nakakalandian! Hindi nababakante!! Mumurahing uri ng babae!!"
"Nilalandi ni Annnnn ang lalaki ni Trishaaaaaaa! Matindi ang pagnanasa ni Ann kay Jericho!"
Bahagyang napabitaw ang mag-amang Eduardo at Glenpaul sa maysapi. Dagling sinidlan ng galit at pait.
Sapagkat si Trisha ay bunsong anak ni Eduardo at nakababatang kapatid ni Glenpaul.
At ang binanggit na Jericho ay kasintahan ni Trisha.
Napagtanto ni Felix na nagsisiwalat na naman ng kasalanan ang kaaway, katulad ng ginawa nito kay Jon Ronald.
Akmang uutusan niya itong tumahimik, ngunit inunahan siya nito.
"Subukan mo akong pigilan!" mapaghamong salita ng diyablo sa exorcist.
Ito nga ang ginawa ng pari. "Sa ngalan ni Hesus, tumahimik ka Beelzebub!"
"Aaaaaaaahhhhh!!!" tumataginting na hiyaw ni Annalyn. "Hindi mo ako mapapatahimik!!"
"Ikatlo sa pito," pahayag ng maruming espiritu. "Si Ann ay sinungaling! Mapanlinlang! Mapagpanggap! Mapagkunwari!"
"Tunay na napakasinungaling ni Annnnn!!!" mariing paratang nitong diyablo. "Sinasabi ko sa inyo, totoong manloloko ang putang inang hayop na 'to!"
ITUTULOY
Ang susunod na kapitulo'y ilalabas sa Biyernes, 03 Disyembre 2021.
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
رعب[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.