Bago dumating sa exorcism, hindi naniniwala si Jon Ronald na maysapi si Annalyn.
Pero ang palagay niyang ito ay marapat nang baguhin, sapagkat isang linggo na siyang nasa hospital ward, nagpapagaling at inoobserbahan ang kalagayan.
"May lason sa dugo mo, kamandag ng ahas," sabi ng doktor na tumingin kay Jon Ronald. "Buti kaunti lang at mild venom lang, at higit sa lahat, naagapan natin."
Nang isinugod si Jon Ronald sa pagamutan, inamin nila sa emergency room na ang kumagat sa kanya ay tao, kaya pinagtakhan siya nang husto ng doktor at napabulalas ng tanong.
"Di ba pinsan mo ang kumagat sa'yo? Bakit may kamandag? Pa'no nangyaring parang ahas ang tumuklaw sa'yo?"
Pinasuri rin sa dentista ang kagat sa braso, at kinumpirma nito na ang kagat na iyon ay hindi gawa ng ngipin ng tao.
At matapos patignan ang kagat sa braso sa isang herpetologist sa UPLB o kilala rin sa tawag na Elbi — Unibersidad ng Pilipinas Los Baños — kinumpirma nito na ang kagat ay gawa ng ahas.
"Malamang alagang ahas na nakawala ang tumuklaw sa'yo," haka-haka ng herpetologist habang binabasa ang resulta ng test na ginawa sa dugo ni Jon Ronald.
"Walang ahas na may ganitong kamandag dito sa Luzon o sa buong Pilipinas," dagdag ng herpetologist. "Marahil binili sa ibang bansa, tapos inuwi rito."
Takang-taka si Jon Ronald sa mga natuklasan. Hindi siya makapaniwala't hindi niya maintindihan. Kilala niyang lubos ang gawi't asal ng pinsan. Wika nga niya sa sarili, "Walang sapi yun! Meron lang ugaling pasaway at malalang pag-iinarte!"
Hindi sa kanya lihim na si Annalyn ay madalas tumakas sa bahay at gumagala kung saan-saan kasama kung sino-sino, maraming nilalanding lalaki at ang bisyo'y alak.
Malimit siyang yayain ni Annalyn na mag-inom, at hindi rin naman siya tumatanggi. Kapwa sila sabik, masigasig maglasingan.
"Demonyo ang alak na yan pero gusto ko yan," pabirong sabi nuon ni Annalyn, sabay tawa nang malakas.
Hindi rin sikreto na puro 'di kaaya-aya' ang lumalabas sa bunganga ng pinsang babae, lalo na pag nariyan ang tropa nito — labis na pagmumura't kalapastanganan, kasinungalingan, kakupalan, kabulgaran, walang galang, mapanakit sa damdamin ng kapwa.
Alam ni Jon Ronald na palaging may ginagawang isyu't drama ang pinsan sa bahay.
"Maigagaya siya sa batang sobrang tigas ng ulo. Maligalig. Ayaw pumirmi. Dapat palaging pagpasensyahan at pagbigyan. Bawal sermunan. Hindi mapagsabihan. Sarili lang ang pinakikinggan at sinusunod." Ito ang saloobin ni Jon Ronald tungkol kay Annalyn na hindi niya binanggit kahit minsan kahit kanino, dahil sila'y magkadugo at magkasundong-magkasundo pagdating sa alak.
"Tama na 'yang pag-iinarte," malimit na linya ni Jennalisa kay Annalyn. Madalas tuloy may hidwaan ang mag-ina.
At itong 'pag-iinarte', para kay Jon Ronald, ang pinag-ugatan ng lahat ng dusa't pasakit ni Annalyn.
Mayroong isang pagkakataon, halos dalawang taon na ang nakalipas, buwan ng Agosto, aksidenteng nadinig ni Jon Ronald na nag-aaway ang mag-inang Jennalisa at Annalyn.
Todo-bulyaw ang dalagang anak na nuo'y bente anyos.
"Ewan! Sana makalayas na dito at makalayo na sa bahay na ito! Kaya ko mabuhay mag-isa! Wala na'kong pakailam sa inyo dahil naturuan na naman ako sa mga gawain sa bahay, at mag-asikaso! Nakakasawang tumira dito sa lugar na nagdudulot ng attacks ko!"
Naunawaan ni Jon Ronald na ang 'attacks' na tinutukoy ay anxiety.
Hindi nakahanda ang pinsang lalaki sa sumunod na mga salita. Minura ni Annalyn si Jennalisa.
"Nakakapagod makarinig ng 'tama na yang pag-iinarte'! Aba! Putanginamo!"
Parang dinagukan si Jon Ronald sa dibdib nang marinig ito mula sa pinsang babae.
"Kahit kailan hindi madali para sa'kin kayanin ang mga bagay-bagay! Pinipilit ko lang, pero walang kahit sino sa bahay na 'to ang nakakaintindi sa akin — sa damdamin ko! Andito lang ako dahil kay daddy, kasi alam kong walang mag-aasikaso dito pag wala ako. Si Andrea ay 10 years old pa lang, ano ba naman alam n'yan sa gawaing bahay?! Kawawa lang si Daddy sa'yo dito kasi inuutusan mo at sinusumbatan mo! Hayop! Sinasabi ko lang itong nasa isip ko, pero hindi ibig sabihin malilimutan ko mga hinanakit ko sa bahay na ito!"
At hindi rin makalimut-limutan ng pinsang lalaki ang tagpong iyon.
"Grabe pagsalitaan, napakalutong magmura, parang hindi nanay ang kausap," nawika niya nuon sa sarili.
Kung kaya't ito talaga ang tunay na palagay ni Jon Ronald bago magtungo sa exorcism. "Wala talagang sakit o sapi si Annalyn! Umaarte lang iyan!"
Tinignan niya ang brasong kinagat. Ito'y namamaga't nangingitim pa, at namamanhid na rin, pero tiniyak ng doktor na unti-unti itong gumagaling.
"Ahas na ba siya? Dinedemonyo ba talaga si Ann—" naputol ang pag-iisip ni Jon Ronald habang nakaratay sa hospital bed. Gusto na niyang maniwalang maysapi ang pinsan.
"Pengeng alak," ungot niya sa langit. Humihingi't nananabik na ang lalamunan.
Si Jon Ronald ay malaking lalaki na may malaking tiyan, bigatin sa timbang, at kumpleto sa bigote't balbas.
Mas matangkad siya ng apat na pulgada sa pinsang Annalyn, na para sa isang babae ay malaki, dahil kasingtangkad ang karaniwang mga lalaki.
'Bulas,' ika nga. Katangian nila ito pareho magpinsan.
Pero balewala gaano man kalaki ang pangangatawan, sapagkat ang kaunting mild venom ay higit pa sa sapat upang itumba si Jon Ronald, at pahigain sa pagamutan.
"Gusto ko nang umuwi," basta na lang nasambit ng pinsang nabuburyong na sa hospital ward, di maiwasang indahin ang braso, naiinip gumaling.
"Penge alak," ungot nitong muli.
ITUTULOY
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.