KAPITULO XXXIII: BIRO AT LARO

662 34 0
                                    

Kumakalembang ang kampana. Umaabot ang maugong na tunog nito hanggang sa dulo ng Sirang Lupa.

Ito'y hudyat na inuumpisahan na ang Banal na Misa.

Pinunan ang buong simbahan ng pambungad na awit mula sa grupo ng koro.

"Sa ngalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo," pasimula ng pari sa altar.

"Amen," tugon ng sambayanang dumalo sa pagdiriwang.

Naro'n sa unahang bahagi ng simbahan si Jennalisa. Malapit sa altar. Mag-isa.

Nakatungo ang kanyang ulo. May luhang namumuo sa mga mata, pilit itinatago.

Dumadalangin siya sa Maykapal, nagmamakaawa, humihiling ng kagalingan para sa kanyang mag-ama.

Ang araw na iyon ay Linggo. Alas singko, dapithapon. Limang araw makalipas ang ikaapat na eksorsismo.

Dati-rati, buong pamilya silang nagsisimba. Kasama ang asawa't tatlong anak. Pero sa pagkakataong iyon, mag-isa lang si Jennalisa.

Naiwan si Vic sa bahay, pansamantalang ihinabilin sa pangangalaga nina Raisa at Trisha, mga dalagang anak ni Eduardo. Nasa labas naman ng simbahan sina Annalyn at Andrea.

Ang panganay na si Angel ay madalang nang umuwi sa Sirang Lupa dahil may tinutuluyan nang bahay sa Pasay, namumuhay kasama ang nobyo.

Dati-rati rin, tuwing sama-samang magsimba ang mag-anak, hindi nila pinipili ang puwesto sa unahang bahagi ng simbahan.

Sa gitna lang sila madalas, o kaya'y sa likod lamang.

"Para makauwi agad pagkatapos nitong misa," paliwanag nga nuon ni Vic at Jennalisa sa kanilang tatlong anak.

Samantalang sa pagkakataong iyon, ang pinili ng ina ay lugar sa unahan.

"Baka-sakaling dinggin agad ng Diyos ang aking dasal kung lalapit ako sa altar," kanyang palagay.

Hindi maitago't hindi maitatanggi, desperada na si Jennalisa.

Habang naro'n sa simbahan, hindi siya makatutok sa liturhiya.

Hindi mawaglit ang isip sa mag-ama. Maysakit ang kabiyak, maysapi naman ang dalagang anak.

Mabigat ang dala-dalang suliranin, labis ang hinagpis, kaya't di napigilang mangilid ang luha sa pisngi.

Dagli niya itong pinawi bago may makapansin.

Samantala, katatapos lang ipahayag ang Unang Pagbasa sa mga dumalo sa pagdiriwang.

"Ang Salita ng Diyos," wika ng lektor sa kaliwang gilid ng altar.

"Salamat sa Diyos," sama-samang tugon ng sumisimbang sambayanan.

Dumating si Jennalisa sa simbahan kasama sina Annalyn at Andrea. Nakapangumpisal pa nga silang tatlo bago simulan ang misa.

Habang kanilang hinihintay umpisahan ang pagdiriwang, kakaiba ang ikinilos ng dalagang anak. Ito'y nayayamot, naliligalig. Hindi mapakali.

Bumubulong-bulong ng mga salitang hindi maintindihan, kunot-noo, aburido, at sumisingang paulit-ulit na parang barado ang ilong.

Ngunit kung hindi nagkakamali si Andrea, naringgan niyang magmura ang nakakatandang kapatid.

"Syet, buwisit—" sinabi nito sa ilalim ng hininga. Halatang-halata ang matinding pagkairita. Parang sinisilaban sa loob ng simbahan.

Kinilabutan ang batang babae. Hindi siya kumportableng makarinig ng pagmumura, lalo na sa loob ng simbahan. Natatakot din siyang basta na lang sumpungin ang kapatid sa harap ng maraming tao.

Bago kumalembang ang kampana bilang pasimula ng misa, tumindig bigla si Annalyn at nagmadaling lumabas ng simbahan. Sinundan naman siya ni Andrea.

Kaya't naiwang mag-isa ang ina. Walang magawa kundi ipagsimba na lang ang pamilya.

Naalalang bigla ni Jennalisa ang nangyari bago magmisa. Sa oras ng pangungumpisal.

Nagtataka siya sa anak, sapagkat walang isang minuto ang ginugol ni Annalyn sa 'confessional'.

Ang confessional ay puwestong parang kahon, may silya sa loob para sa pari at may luhuran sa gilid para sa nangungumpisal.

Pagkagaling ng dalaga sa confessional, napatanong si Jennalisa sa sarili, "Nangumpisal ba siya talaga?"

Lingid sa kanyang kaalaman ang ginawang 'biro at laro' nitong anak.

Sa oras ng kumpisal, bago ang misa, lumapit si Annalyn sa confessional. Pero sa halip na lumuhod, siya'y nanatiling nakatayo, bahagya lang na yumuko para bumulong sa maliliit na butas ng kahoy na nagsisilbing harang sa pagitan ng tao at ng pari.

Hindi niya binanggit bilang pasimula ang 'Basbasan mo po ako, Padre, sapagkat ako ay nagkasala. Ang huling mabuting kumpisal ko ay noong'

Bagkus, lumabas sa bibig ni Annalyn ang kung anu-anong pagbibiro, gamit ang boses-batang babae.

"Inagawan ko ng kendi ang kalaro ko... Kinain ko ang baon ng kaklase ko... Kumupit ako ng piso sa pitaka ng nanay ko... Dinakma ko ang puwit ni teacher... Binobosohan ko ang kapitbahay namin..."

Nagulumihanan ang pari sa narinig. "Bakit may batang nagsabi ng kasalanan?"

Sapagkat ang tinig-paslit ay tila mas bata sa siyam na taon, at ang mga ganu'ng murang edad ay hindi pa pinapangumpisal.

Pagkatapos ay umungol si Annalyn na parang siya'y nalilibugan at nakikipagtalik.

"Uhmmnnn... Aaahh... Aaahh..."

"Huh?" nagulantang ang pari. "Anong—??"

Tuwang-tuwa si Annalyn, tumawang parang nauulol, at iniwan ang confessional. Mabilis lang ang pangyayari. Walang isang minuto.

Takang-taka ang pari. Ninais niyang silipin kung sino ang nagsalita, subalit hindi niya ito ginawa.

ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon