Habang umuusad sa dulong bahagi ang pag-uusap, muling binanggit ni Felix ang mga gawaing espiritwal sa tatlong naro'n sa kuwarto — Jennalisa, Andrea at Vic.
"Huwag ninyo kaligtaan," paalala ng pari. "Sama-samang magdasal ng rosaryo."
"Ginagawa po namin yan, Padre," tiniyak ng nanay ni Annalyn.
Kahit nakakakutob na hindi sila tumutupad, nagtiwala pa rin ang pari sa pamilyang Narciso na gagawin nila ito nang tapat.
Sa katunayan, ang tingin ni Jennalisa sa sariling pamilya ay relihiyoso't makadiyos, sa kadahilanang si Angeline at Annalyn ay nagsipagtapos ng elementary at high school sa eskuwelahang pagmamay-ari't pinangangasiwaan ng mga Salesyanang madre.
Palibhasa may sakit sa bato si Vic, at ginagastusan sa dialysis dalawang beses kada linggo, ang magkapatid ay parehong naikuha ng scholarship at naiagdon sa pribadong Catholic School.
Ang 'scholarship' na iyon ay laan sa mahihirap kahit hindi matalino.
Mas angkop itong tawaging 'charity' kaysa scholarship.
Si Andrea ang hindi pinalad kaya't sa public school lang ang kanyang bagsak.
"Maayos naman kaming Katoliko," saloobin ni Jennalisa tungkol sa kanyang pamilya. "Yung iba nga, hindi talaga sumisimba."
Kaya't kahit hindi dumadalo nang matino sa misa, at pumapalya sa pagtanggap ng mga sakramento, ang turing pa rin ni Jennalisa sa mag-anak niya ay 'mabubuting' Katoliko.
Nang magsabi si Felix ng paalalang 'sama-samang magdasal ng rosaryo', sumabat si Andrea.
Ang batang babae ay nakatayo sa gilid ng nakabukas na pinto ng kuwarto.
"Paano po magrosaryo?" tanong nito.
Nagitla ang ina, nanlaki ang mga mata, sapagkat malalaman ng pari ang kanilang pagkukulang.
Hindi niya inasahan ang lumabas sa bibig ng bunsong anak.
Natunghayan ng exorcist ang reaksyong ito, at naunawaan ang ibig nitong sabihin.
Agad nagpalusot ang nanay. "Hindi ba naturuan na kita? Tuturuan kita pag-alis ni Padre. Anak, nakakalimutan ko lang palagi dahil abala ako sa trabaho."
Nakailang ulit nang nagpaturo si Andrea sa kanya, pero hindi ito maasikaso sa dami ng dapat unahing responsibilidad. Idagdag pang madalas siyang pagod at puyat.
"Magrorosaryo tayo mamaya," pangako ni Jennalisa sa bunso.
Sinubukan pa rin sagutin ng pari ang nais matutunan ni Andrea.
"Ang rosaryo ay limampung ulit na Aba Ginoong Maria," ito ang naisip niyang pinakapayak na paliwanag para magawang dasalin ng batang dose anyos.
"Huwag kalimutan ang sama-samang pagdarasal ng rosaryo," ipinabatid ulit ni Felix kay Jennalisa.
"Sabi nga ng santong si Padre Pio, ang rosaryo ay siyang 'sandata' para sa panahon ngayon," idinugtong ng exorcist.
Ang pagdarasal ng santo rosaryo ay isa sa pinakamalakas na armas laban kay Satanas.
Bago umalis si Felix, napagkasunduan nila ni Jennalisa ang petsa ng susunod na eksorsismo. Setyembre kinse.
Ang panauhing pari ay nagpaalam nang umuwi sa mag-anak na Narciso.
Kumagat nang tuluyan ang dilim nang lisanin niya ang dinalaw na tahanan.
Paglulan ni Felix sa kotse, nangamoy asupre na naman.
"Papaslangin kita mamayang gabi sa pagtulog mo," anas ng isang napakahinang tinig.
Hindi matukoy kung babae o lalaki ang nagbanta.
"Sasakalin kita hanggang malagutan ka ng hininga," sabi pa nito.
Lumingon-lingon si Felix, ngunit walang sinuman sa paligid.
"Hahatakin namin si Marites sa impyerno," bulong muli ng munting tinig.
Nang hindi mahanap ng pari ang nagsasalita, nagtanda siya ng krus sa sarili.
Umungol ang makina, at nagmaneho palayo ang exorcist.
Habang nasa biyahe, nasa isip ni Felix ang tanong ni Andrea.
Sapagkat batid niyang ang mag-anak na Narciso ay hindi sama-samang magdasal ng rosaryo, kaya nagtanong ang kanilang bunso.
ITUTULOY
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.