KAPITULO XXX: HAIL MARY NG DIYABLO

661 30 2
                                    

Kitang-kita ng exorcist ang maigting na pagngangalit at panggagalaiti ng maysapi. Ramdam na ramdam naman ng mga kamag-anak na lalaki kung gaano ito kalakas.

Wala halos magawa sina Eduardo, Napoleon, Glenpaul at Vino kay Annalyn. Hindi nila lubusang maawat sa pag-aamok.

Kahit anong higpit ng kanilang kapit sa dalaga, nakakaalpas pa rin ito at sinasaktan sinumang mahablot.

Nang mabitawan nga saglit ni Vino si Annalyn, siya ay sinampal nito at dinagukan sa dibdib, bago isinalya sa sahig.

Tumutulo naman ang dugo sa nguso't ilong ni Glenpaul nang sikuhin siya sa mukha ng dalagang pinsan.

Puro pasa't lamog ang mukha ni Napoleon. Kahit anong salag niya, lumulusot ang mga suntok ng pamangking nanlalaban.

Habang kalmot sa mukha't braso ang inabot ni Eduardo, at may tiyempong sinabunutan pa nga itong tiyuhin, kaya't napakahapdi ng kanyang anit. Sumabit-sabit ang buhok niya sa mga daliri ng anak ni Vic.

"Demonyo at pagkapoot ang lumukob sa kanya," tumawid sa isip ni Felix habang inoobserbahan si Annalyn.

Sa kanyang estima, hindi lang dumoble ang dahas at lakas nito. Ito'y parang triple pa nga kung tutuusin.

Suminghal si Annalyn ng kung anu-anong masasamang salita.

"Putang ina ninyo! Bitawan ninyo ako!"

"Tanggalin ninyo'ng mga nanlilimahid ninyong kamay sa akin! Mga hayop kayo!"

"Gago! Puta! Walang'ya!"

At napagbuntunan nito ang nanay na nakamasid.

"Putang-ina ka!! Jennalisa!! Wala kang kuwenta, inuuod pukemoooo!!!"

Tuloy-tuloy na sinasambit ng exorcist ang mga nakalimbag na panalangin sa Roman Ritual. Itinutok ang hawak niyang krus sa sinasapian. Itinataboy ang diyablo, paulit-ulit na inuutusang iwan ang dalaga.

"Sa ngalan ni Hesus, lumayas ka kay Annalyn!" maigting niyang bigkas. "Sa ngalan ni Hesus, lubayan mo siya!"

"Hindi ako aalisssss!!!" boses-demonyong isinagot ng sinasapian. "Akinnnnn itoooo!!!"

Manaka-naka'y inuutusan ni Felix na ito'y pumirmi, dulot ng pangambang makapangagat muli gaya ng ginawa nito nu'ng una kay Jon Ronald.

"Sa ngalan ni Hesus, pumirmi ka! Magtigil ka, demonyo ka!"

"Ayyaaaaaaawww!" At lalo itong nag-amok.

Tila hindi siya tinatablan ng mga panalangin ng exorcism. Hindi nasasaktan.

Binasbasan siya ni Felix ng holy water.

Labis lang lumiyab ang galit. Uminit ang katawan ni Annalyn, at napaso ang mga humahawak sa kanya. Natuyo agad ang agua bendita nang dumampi ito sa kanyang balat.

Tuluyan siyang nakaalpas sa kapit ng mga tiyuhin at pinsan.

Sa isip ng pari, hindi dapat patagalin ang session na iyon. Sobrang binubugbog ang mga kamag-anak. Baka lalo lang silang malagay sa alanganin at mapahamak.

Malinaw ang ipinapakita ng maysapi. Napakalakas ng kaaway, wari walang bisa ang mga panalangin sa Roman Ritual.

"Tapusin na natin ito," sinabi ng exorcist sa lahat.

Sinimulan niyang wakasan ang session na iyon sa pamamagitan ng pagdarasal sa Mahal na Birhen.

"Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya, ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo. Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus."

Natigilan bigla si Annalyn. Malaahas ang tingin sa exorcist. Nakangising parang may maitim na balak. Bumubulong-bulong na parang inuulit ang sinasambit ni Felix.

"Santa Maria, ina ng Diyos," patuloy ng pari. "Ipanalangin mo kaming makasalanan, ngayon at kung kami'y mamamatay. Siya nawa."

"Puwede bang ako naman? Puwedeng ako rin?" tanong ng diyablo. "Huwag kang madamot."

Nagtaka ang kura. Hindi siya nakatugon, at hindi niya inasahan ang mga sumunod na lumabas sa bunganga ni Annalyn.

"Aba ginagong marya, napupuno ka ng gahasa, ang tarantado ay sumasaiyo, bukod kang isinumpa sa babaeng lahat, at isinumpa naman ang anak mong ulupong. Puta ka marya, haliparot ni satanas, hindutin mo kaming makasalanan, ngayon at kung kami'y mamamatay. Yawaaaa!!"

"HAHAHA!! HAHAHAHA!!" Humalakhak nang napakalakas si Annalyn. Galak na galak sa kanyang ipinahayag.

Hindi makapaniwala ang kura. Ito ang unang pagkakataong nakarinig siya ng ganu'ng uri ng kalapastanganan.

Dahil dito'y malumanay na gumanti ang exorcist sa demonyo.

"Nasa kanan mo ang reyna, maningning sa ginto't ganda."

Tumigil ang halakhak ng kaaway. Galit na galit ang tingin nito sa nagsalita. Suklam na suklam sa sinabi sa kanya.

Iniunat ng maysapi ang kanang braso at balikat. Suminga ang ilong na parang torong susugod at manunuwag.

Sa isang kurap, binigwasan ni Annalyn si Felix. Sumalpok ang kamao sa kaliwang bahagi ng ulo.

Bumagsak ang exorcist, habang tumilapon sa malayo ang tangan niyang krus at libro.


ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon