KAPITULO XIII: SINDAKIN SI ANDREA

819 43 0
                                    

Humiga si Andrea sa kama alas nuwebe ng gabi, at nakatulog siyang kaagad.

Panatag ang kalooban ng bata, sapagkat paggising niya kinabukasan ay unang session ng exorcism ng kanyang nakatatandang kapatid.

"Lord, sana po gumaling na si Ate Ann," kanyang dalangin bago pumikit.

Mahimbing na ang tulog ni Andrea nang tabihan siya ng kanyang kapatid na ipinagdasal.

Nangangalumata. Lubog ang pisngi. Numinipis ang buhok. Ito ang hitsura ni Annalyn — mukhang hindi natutulog.

Ilang linggo nang hindi nakakatulog ang dalaga, kahit painumin ng high dosage na sleeping pills — drogang pampatulog na kayang magpahimbing ng kabayo.

Bangag na bangag. Puyat na puyat. Subalit hindi pa rin siya tablan ng antok.

Hindi makaidlip kahit anong gawing pagpikit.

At kapag umiiral ang inip sa magdamag, nakahiga't nakamulat lamang siya sa kama — nakatunganga't tulala sa kisame.

Ilang oras nang tulog si Andrea nang siya'y maalimpungatan. Mayroong kumikislot sa kanyang tabi na malikot at hindi mapakali.

Napukaw ang diwa ng bata, sapagkat nakaramdam ng ikinatatakot.

Lumingon si Andrea sa kanyang tabi. Kahit madilim, naaninag niya ang kanyang Ate Annalyn na nangigisay na parang may epilepsy, namamaluktot at namimilipit ang katawan nito.

"Uuuhhhh... Uuuhhhrrrrmmmm... Huhhhummmm..." umungol si Annalyn na parang nahihirapan.

Lalong kinilabutan si Andrea nang biglang tumuwid ang katawan ng nakakatandang kapatid. Nakahiga at naninigas ito, bago dahan-dahang umangat mula sa higaan.

Lumutang sa hangin si Annalyn.

Humagulgol sa takot si Andrea.

Tumapon ang luha sa mukha ng bata. Napabalikwas at napalundag siya pababa ng kama, at kumarimot ng takbo palabas ng kuwarto. Halos madapa sa pagmamadali.

Hindi ito ang unang pagkakataon. Ilang beses na itong nangyari. Kaya't unang kumislot pa lang sa kanyang tabi, napukaw agad si Andrea.

Pumunta ang batang babae sa silid-tulugan ng kanyang nanay at tatay.

Pero bago siya makapasok sa pinto ng kuwarto, naaninag niya sa salas ang nakatindig sa dilim — wari isang matangkad na anino. Nakita na niya ito dati. Ito ang 'ang itim na tao na may sungay.'

Lalong napahagulgol si Andrea, tarantang tumuloy sa kuwarto. Iyak siya nang iyak habang ginigising ang mga magulang.

ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon