Nu'ng unang buwan na nagsisimula pa lang silang magkasintahan, nag-usisa si Danilo kay Annalyn. "Pangarap mo ba talagang maging doktora?"
"Oo, siguro," sagot ng dalaga. "Yun daw ang sinasabi ko nung bata pa ako."
Hindi naniwala si Danilo. Sinidlan siya ng pagdududa. May kutob siyang hindi totoo ang tugon sa kanya.
Lumipas ang mahigit isang taon. Kayrami nang nangyari, kayrami nang naganap. Paralitiko na'ng amang Narciso at sinasapian naman ng diyablo si Annalyn, hindi pa rin kumbinsido si Danilo.
"Walang kakayahan si Vic na pag-aralin ng medisina ang anak," hinalang nakatatak sa isipan ng nakahalatang binata.
Sapagkat nasaksihan niya nuon si Annalyn. Sobra itong magreklamo tuwing magbabayad ng matrikula sa pinapasukang unibersidad.
"Hindi po TUMATAE ng pera ang mga magulang ko!" tumataginting na ibinulalas ng bunganga ni Ann.
Halos magmakaawa rin ang dalaga kapag nagbebenta ng t-shirt para kumita ng kaunting perang pandagdag sa pagpapagamot ng tatay niyang may 'chronic kidney disease' o malalang sakit sa bato.
"Kami po ay muling kumakatok sa inyong busilak na puso at inaanyayahan ko po kayong bumili ng t-shirt dahil ito po ay malaking bagay upang makatulong sa aking ama lalo na sa kanyang patuloy na pagpapagamot," alok nuon ni Ann sa isang kumpulan ng mga kalalakihan sa Barangay Majada Labas.
"Kung kinakapos sila ng perang pampagamot at pambayad sa dialysis, paano nila tutustusan ang pag-aaral ni Ann ng medisina?" tanong ni Danilo sa sarili, takang-taka. "Sa tingin ko, nagyayabang lang itong si Sir V kapag binabanggit niyang tutuloy sa med school si Ann. Sa palagay ko, wala naman talaga siyang hawak na sapat na halaga, at kakarampot lang ang sinasahod."
"Hindi biro ang magpaaral ng medisina," batid ng binata. "Mapapagastos ka nang husto."
Tama lahat ang kanyang haka-haka.
'When I grow up, I want to be a doctor.' Ito ang inilagay nuon ni Vic sa bibig ng batang Ann.
Sapagkat pangarap nitong tatay na magkaroon ng anak na doktora.
At ito'y dulot ng matinding pagkainggit sa mga kamag-anak na nagsipagtapos sa kolehiyo ng nursing, pharmacy, physical theraphy, med tech, rad tech — lalo na ng medisina.
Hangad niyang pumantay sa mga kaanak na may mga mataas na edukasyon.
Sa katunayan, may pinsan si Vic na 'Doc Jonathan' na otolaryngologist o espesyalista sa tainga, ilong at lalamunan.
Ang pamangkin naman niyang si Raisa ay propesyonal at lisensyadong medical technologist.
Ang pangarap na ito ng ama ay naipasa't naisalin sa pangalawang anak, sapagkat ang inaasam ni Jennalisa para sa kanilang panganay ay makalipad bilang isang flight stewardess.
Kaya nga't kumuha ng trabaho sa NAIA si Angel upang tuparin ang nais ng ina para sa kanya. Gumagawa ng mga hakbang, nagtitiyaga, at nagtitiis pansamantala bilang Passenger Service Agent sa Terminal 1.
Habang si Ann naman, kapag napagkakamalang doktora sa ospital kung saan ginugol ang internship, kinikilig siya nang higit pa sa sobra. At sinasadya niyang huwag itama ang nagkamali. Pinangangatawanang lubusan ang pagpapanggap.
Pero sa mga pagkakataong tinatawag na 'X-ray technician' si Ann, sobra siyang nabubugnot at napipikon.
Sapagkat ayaw niya ng ganu'ng titulo.
'Radiologic technologist' ang nais niyang turing sa kanya, o kaya nama'y 'Doc Ann' — kahit malayo ito sa katotohanan.
Ang madalas laman ng kuwentuhan ng mag-amang Sir V at Ann ay ang pagpasok sa college of medicine, at mga pantasyang puwedeng mangyari kapag doktora na ang dalagang anak.
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.