'HEMODIALYSIS' ang salitang nakapaskil sa dingding.
Ito'y isang partikular na lugar ng ospital, at nasa unang palapag.
Tulala't malayo ang tingin, nakaupo si Jennalisa sa tabi ng asawang si Victor na nakasalang sa gamutan — sinasala ang dumi at tubig sa dugo, katulad ng ginagawa ng gumaganang kidney o bato.
Pinanghihinayangan nitong misis ang ibinayad niyang limandaang piso kay Alita, ang matandang manggagamot. Pakiramdam niya'y nabudol silang mag-asawa.
Para sa iba'y maliit na halaga lang ang limandaan — barya, madaling ipaubaya.
Pero para sa nagigipit na tao, ginto ang dilawang perang papel na may mukha ni Ninoy.
Sabado ang araw na iyon sa ospital, ikatatlumpu ng Setyembre.
Dalawang linggo na'ng lumipas mula nang ganapin ang pinakahuling exorcism ni Annalyn.
Buong maghapon, naliligalig si Jennalisa dahil sa pinanghihinayangang limandaang piso.
Basta na lang itong pumasok sa kukote. Walang kaabog-abog, at hindi maipaliwanag.
Nababagabag at nababalisa — ramdam ni Jennalisa na niloko siya, at kinuha lang ang pera nilang mag-asawa.
"Mrs. Narciso," tawag ng papalapit na babaeng nurse. "Tapos na po."
Tumayo itong tauhan ng pagamutan sa tabi ng dialysis machine, at tinanggal sa braso ni Vic ang nakatusok na dinadaluyan ng dugo.
Ilang sandali pa'y pauwi na ang mag-asawa. Tinulungan si Jennalisa ng mga nurse na isakay sa laspag na Mitsubishi Adventure ang paralisadong esposo.
Paglabas nila ng ospital, bumababa na ang araw. Ang oras ay pasado alas singko. Dahan-dahang humahayag ang dapithapon.
Minaneho ni Jennalisa ang lumang Adventure, at tinahak ang landas pauwing Sirang Lupa.
Mabigat ang trapik na sinuong. Lahat ng lansangang dinaanan ay maraming sasakyan kaya't napakabagal ng usad.
Gumaan lamang ang daloy pagsapit nila sa Don Bosco Street, ang kalsada kung saan matatagpuan ang kanilang tahanan.
Bente dos minutos lang kung tutuusin ang biyahe mula ospital hanggang bahay sa Sirang Lupa kapag maluwag ang agos ng trapik, pero inabot sila ng isang oras at kinse minutos bago makarating sa tapat ng kanilang tarangkahan.
Sadyang kanya-kanya ang bawat isa sa lansangan. Walang disiplina't walang pakialam kung makasagabal sa daan. Ayaw magbigayan at ayaw magmalasakit sa kapwa, kaya't kulang na kulang sa kaayusan ang sanlibutan.
Tunay na magulo, masalimuot at madamot ang mundo.
Pagtapat ng Adventure sa tarangkahan, pinagbuksan ito ni Andrea. Habang tumutugtog naman sa kapitbahay ang Pamaskong kanta ni Jose Mari Chan.
Tumuloy sa bakuran ang Mitsubishing dumating. Pinatay ni Jennalisa ang makina't umibis sa sasakyan.
Dinatnan niya ang bayaw na si Napoleon, at si Marites na nanay ni Jon Ronald.
Naparoon ang dalawa para tumulong buhatin si Victor papasok sa bahay at ilipat sa kama.
Sumisipol-sipol ang bayaw kasabay ng Pamaskong awit na tumutugtog sa kapitbahay.
"Nasa'n ate mo?" salubong na tanong ni Jennalisa kay Andrea.
"Ewan ko po," tugon nitong bunso.
"Andu'n sa kanila," sabat ni Napoleon sabay turo kay Marites. "Mag-iinom na naman 'ata, 'apakahilig mag-aya."
"Wiling-wili kay Jon Ronald si Annalyn," pakli ni Marites na misis ng Ronaldong kapatid nina Napoleon at Victor.
Pagkaraan ng ilang sandali, apat silang naghirap kargahin ang paralisado papasok sa loob ng bahay hanggang mailipat ito sa kama.
Napagod ang tatlong nakatatanda — Jennalisa, Napoleon, Marites.
Samantalang sumakit naman ang balikat ni Andrea, ngunit hindi ipinahalata.
Pagkatapos pasalamatan ng asawa ni Vic, kapwa umuwi ang dalawang kamag-anak na tumulong magbuhat.
Kinagabihan, bago matulog, gumugulo pa rin sa isip ni Jennalisa ang limandaang pisong nabudol ng manggagamot.
Si Napoleon at anak nitong si Diozel ang nagpayo kay Jennalisa na kumunsulta sa matandang Alita.
Oktubre ng nakaraang taon, unang nagpakita ng senyales ng karamdaman si Victor.
Nahihirapan magsalita. Nauutal. Nanghihina ang katawan — lalo na ang binti, hita at paa.
Lumala nang lumala hanggang hindi na makapaglakad mag-isa, nagagawang tumayo ngunit natutumba tuwing humahakbang.
Hinala ng mga kaanak ay unti-unting nalulumpo itong si Victor, ngunit hindi ito matiyak ng mga doktor. Hindi matukoy at hindi maipaliwanag ng mga espesyalista sa ospital.
Lumipas ang mga buwan, hanggang humantong sa Marso, namayat nang husto si Victor, at hindi makapagsolong tumayo.
Kaya't iminungkahi kay Jennalisa ng mag-amang Napoleon at Diozel na patignan si Vic sa matandang Alita.
Ang binanggit nila ay kilalang manggagamot. Alam din ng mga tao na ito'y manghuhula't marami nang kinulam.
Dinala si Vic kay Alita nuong Abril, isang buwan bago idulog sa exorcist na sinasapian si Annalyn.
Sinabihan ni Napoleon si Jennalisa na ang pinakamababang ibinabayad kay Alita ay trenta mil. Minsan pa nga raw ay pumapalo sa mahigit isandaang libong piso.
Walang ganu'ng halaga si Jennalisa nuon, subalit sumubok pa rin siya. Hindi niya alam ang kanyang ginagawa.
"Wala namang mawawala," paniwala ni Jennalisa.
Sa bahay ni Alita, mabuti ang pakitungo sa kanila ng matanda.
Nagulat si Jennalisa dahil kusa nitong ginamot si Vic kahit hindi nila pinag-uusapan ang kabayaran.
Pinahiran ni Alita ang asawang maysakit ng maitim na langis sa noo, lalamunan, palad at tiyan. Pagkatapos nito'y pinalis-palis naman ng isang tangkay ng halamang maasim ang amoy.
Ipinatong sa noo ni Victor ang pulang panyong may mga nakalimbag na salitang Latin. Hinipan-hipan siya ng matanda, at dinasalan ng orasyon.
Mahigit-kumulang sampung minuto lang ang ritwal ng panggagamot.
Agad umigi ang pakiramdam ni Victor, guminhawa, at lumakas bahagya ang pangangatawan.
Natuwa si Jennalisa, at nagtanong.
"Magkano po?"
"Hindi ako nagpapabayad," sagot ng manggagamot. "Donasyon lang ang tinatanggap ko."
Dahil dito'y bumunot ng limandaang piso ang misis sa pitaka, at ibinigay ito sa matanda.
"Maraming salamat po," sambit ni Jennalisa.
"Ang gusto ko lang ay makatulong sa mga nangangailangan," dugtong ng manggagamot.
Umuwing masaya ang mag-asawa. Buo ang pag-asang gagaling na si Vic.
Subalit mali ang kanilang akala.
Tatlong araw lang bumuti ang kalusugan ng maysakit. Pagkatapos nito'y lalong lumubha ang karamdaman.
Tuluyan itong hindi makapaglakad at hindi magawang tumindig.
Ni hindi magawang bumangon sa kama. Hindi kayang umupo mag-isa.
Naparalisadong lubos itong si Victor.
Kahit limang buwan na ang lumipas mula nang sila'y nagpunta kay Alita, hindi pa rin mabalewala ni Jennalisa ang palagay na nabudol sila nito.
At lalo pa ngang lumubha ang kalagayan ng tatay na Narciso.
Itong pagpapagamot kay Alita ay hindi nila binabanggit sa exorcist na mayhawak ng kaso ni Annalyn.
ITUTULOY
Ang susunod na kapitulo'y ilalabas sa Martes, 15 Pebrero 2022.
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.