KAPITULO LXVIII: TINANGGIHAN ANG IKAWALO

450 16 0
                                    

Pagkaputol ng pag-uusap nina Jennalisa't Felix sa telepono, nilukuban ng hindi mabuting kutob ang exorcist.

"Parang may mali," puna ng pari.

Nang maibaba ang telepono, sinidlan siyang sandali ng kaba, at sinundan naman agad ng di maipaliwanag na masamang hinagap.

"Tumanggi ba talaga siya sa Birheng Maria?" katanungan niya sa isip, takang-taka sa tugon ni Jennalisa.

Hindi lingid sa kaalaman ni Felix na walang pasok ang petsang kanyang iminungkahi, sapagkat nakatakda ito sa kalendaryo.

Ang ikawalo ng Disyembre ay Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria, o mas kilalang 'Immaculada Concepcion'.

Pinaniniwalaan ng mga sumasampalatayang Katoliko na si Maria ay pinaglihi ng kanyang inang Santa Ana nang walang minanang kasalanang orihinal.

Ito ay dogma o katotohanan ng Simbahan.

Wagas at hindi matatawaran ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan. Ibinigay niya si Maria upang maging ina ng kanyang Anak na tutubos sa atin lahat.

At para mangyari ito, kinailangang ipaglihi ang Mahal na Ina nang walang minanang kasalanang orihinal, upang maging karapat-dapat siyang magdalang-tao sa Tagapagligtas.

Tama lamang na ang babaeng magbubuntis kay Hesus — ang siyang may sinapupunang paglalagyan ng Panginoon — ay walang dungis.

Walang bahid ng kasalanan.

Hindi kailanman pumailalim sa kapangyarihan ng diyablo.

Kaya't lubos ang takot sa kanya ni Satanas at lahat ng kampon nito. Nangangatog ang buong impyerno — mga bahag ang buntot, nagsisipulasan — tuwing sasambitin ninuman ang kabanal-banalang pangalan ng Mahal na Birhen.

"Napakainam sanang palayasin ang diyablo sa kapistahan ng Immaculada Concepcion!" sabi ni Felix sa sarili.

Subalit agad din niyang isinantabi ang nasambit sapagkat tinanggihan ang kanyang iminungkahi.

"Parang umayaw sila sa biyaya," puna ng kura sa mga Narciso.

Sapagkat ikaanim ng Disyembre ang pinaunlakan ni Jennalisa para mapagkalooban si Annalyn ng eksorsismo. Tinanggihan niya ang iminungkahing ikawalo ng buwan.

Samantala, tila tagtuyot sa Sirang Lupa mula huling linggo ng Nobyembre hanggang bumungad ang Disyembre.

Nakapagtatakang napakainit ng panahon, sobrang banas, kahit karaniwan namang lumalamig ang dulong yugto ng taon.

Dinadaan na lang ni Andrea sa paliligo nang dalawang beses kada araw — isa sa umaga, isa sa gabi. At dinadamihan niya ang inom ng tubig.

Hindi naman mabitawan ng Inay Lourdes ang kanyang malaking abaniko. Pamaypay niya itong walang humpay para maibsan ang sobrang banas.

Napakasaklap naman ang nararanasan ni Vic, sapagkat hindi siya maaaring paliguan at painumin ng maraming tubig, sanhi ng kanyang malubhang sakit sa balat at bato.

Wakwak na ang buong likod ng paralitikong tatay na Narciso dulot ng matagalang paghiga sa kama. Kaya't ang pagligo para sa kanya ay katulad ng hinuhugasang sugat.

Natutuyuan ang mga puno't halaman sa bukid ng mga Narciso. Pinaglahuan ng luntian ang kanilang mga sanga't dahon. Wari maaari nang ipanggatong dahil napakadaling silaban.

Tigang na tigang ang lupa.

Kulang sa dilig.

Uhaw na uhaw sa tubig.

At wala itong pinagbago hanggang sumapit ang gabi bago yaong ikapitong eksorsismo.

Habang nangyayari ang mga araw ng matinding init sa Sirang Lupa, minsan lang masilayan si Ann.

Halos magtago siya sa lahat ng tao, lalong-lalo na sa kanyang ina at bunsong kapatid.

Pilit umiiwas ang maysapi.

Humaharap lamang siya kay Jon Ronald, at sa kanyang Ate Angel tuwing umuuwi ito.

Nagpaparamdam pag may alak, nagpapakita para tumagay.

Sapagkat dumadalas ang kanyang sumpong — umuungol, tumitirik ang mata, naglalaway, naninigas, nangingisay.

Gayunpaman, hindi siya nababahala.

Sa katunayan, nakakaramdam siyang madalas ng mahalay na nasang ipaubaya ang sarili sa diyablo.

ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon