Hindi alam ni Felix kung paano siya napadpad sa lansangang hindi niya dinaanan papuntang bukid ng mga Narciso.
Napawika siya habang nagmamaneho. "Parang ibang lugar na ito. Saan ako nagkamali ng lusot? Tinutunton ko lang naman ay Don Bosco Street."
Nag-umpisang makahalata ang pari nang makakita siya ng bakang humahatak ng karitelang naglalaman ng mga walis, basket, bilao, mesa, upuan, duyan at iba pang kagamitan.
Lalong nagulumihanan siya nang may nakakasalubong siyang mga kalesa. Ang mga nalalampasan din niya sa magkabilang panig ng kalsada ay bahay-kubong yari sa pawid.
"Nasa Sirang Lupa pa ba ako?"
Nagtaka't nagulat ang kura nang mapadaan siya sa harap ng isang simbahan. Tila magsisimula pa lang ang misa, sapagkat nagsisipagdatingan pa lang ang mga tao. Ang mga tao ay nakabihis ng barong tagalog at baro't saya. Nakabelo rin ang mga kababaihan, bata man o matanda. Parang ibinalik siya sa nakaraan, panahon ng mga Kastila.
At kung hindi siya nagkakamali, may nakita siyang prayle — isang nakaabitong lalaki na hitsurang Europeong banyaga.
"Parang panaginip," puna ni Felix sa lahat ng namasdan.
Kanyang nilisan ang tinitirhan ng mga Narciso dakong ikasampu ng umaga.
Tumingin siya sa kanyang wristwatch. Sa dyis nakaturo ang maikling kamay at nakaturo naman sa dose ang mahabang kamay, at huminto ang kamay na nagsesenyas ng pagpatak ng bawat segundo.
'10:00 am' ang makikitang kumukurap sa orasan ng dashboard ng kotse. Paulit-ulit lang sa ganu'ng oras, at hindi nagbabago. Hindi lumilipat sa '10:01 am'.
"Tumigil yata ang oras," sabi ni Felix sa sarili.
Dinukot niya sa bulsa ang kanyang cellphone, at natuklasang ito'y namatay, kahit fully charged naman ang baterya nito bago siya umalis ng kumbento.
Sa tantya ni Felix, sampung minuto lang ang layo ng bahay nina Andrea papuntang South Luzon Expressway. Pero pakiramdam niya'y mahigit isang oras na siyang takbo lang nang takbo, walang patutunguhan.
Kumakalam pa ang kanyang sikmura. Nakaramdam na siya ng gutom.
Napagtanto ni Felix na siya ay naliligaw na nga, at napaglalaruan.
Kaya't kinuha niya ang rosaryong nakapulupot sa rearview mirror, at nag-umpisang magdasal.
Pagkalipas ng labinlimang minuto at limampung paulit-ulit na 'Aba Ginoong Maria', biglang mayroong magandang babaeng tumawid sa kalsada, masasagasaan ni Felix.
Napatapak ang pari nang mariin sa preno. Pagkahinto, umibis siya ng kotse upang silipin ang babae, pero wala ito sa kalsada.
"Nasaan siya?" hinahanap ni Felix ang babaeng muntik maaksidente.
Alam ng pari na hindi niya ito nabangga, dahil wala naman siyang naramdamang nahagip ng sasakyan.
Beep! Beep! Beeeeeeeeeeppp!
Bumusina ang malaking trak na nasa likuran ng kotse ni Felix.
Nagkaro'n na rin ng pila ng mga jeepney sa hulihan ng trak.
Humingi ng pasensya ang pari sa nagmamaneho ng trak, at agad siyang sumakay ng kotse. Pag-andar niya, dagling natanaw niya ang kurbadang kalsada na tutumbok sa expressway.
"Salamat po Mama Mary," nakahinga nang maluwag si Felix.
Subalit hindi pa natapos ang kanyang kalbaryo.
Pagdating ni Felix sa expressway, napakabigat ng trapik. Hindi umuusad ang mga sasakyan.
Bumaling siyang saglit sa orasan ng dashboard, '01:00PM'. Nakakapagtakang nagbago ang oras nito.
Tumingin siya sa wristwatch, sa uno nakaturo ang kamay na maikli at nakatutok naman sa dose ang mahaba, gumagalaw na rin ang segundong kamay.
"Alauna na!" nagulat ang kura. "Tatlong oras akong naliligaw ng landas!"
Sinilip niya ang kanyang cellphone, at himalang sumindi ito.
'01:00PM' ang oras na sinasabi nito, 97% naman ang baterya.
'Kataka-taka,' ika nga.
Huminto si Felix sa isang gasoline station upang bumili ng pagkain at inumin.
Nangangatal na siya sa gutom.
Pagkatapos niyang bumili, lumabas siya ng tindahan sa gasolinahan, dala-dala ang pagkain at inumin, nang matanaw ang isang pusang itim na nakamasid sa kanya.
Sumagi sa alaala ang nakita niyang hayop sa bakod nina Andrea, pero agad din niya itong isinantabi.
Napakabagal ng daloy at napakaraming sasakyan sa expressway.
Nang maubos niya ang pagkain at inumin, maiksi lang ang iginapang ng kanyang kotse. Pero pinili ni Felix magtimpi't huwag mainis, sa kabila ng pagod at inip.
Sa halip, ang pari ay nagpasalamat, sapagkat nalamnan ang tiyan ng pantawid-gutom.
Inabot ng tatlong oras bago siya sumapit sa Nichols tollgate — na dapat ay 45 minuto lang na biyahe.
Gumugol ng isa pang oras si Felix upang suungin ang matinding trapik ng EDSA, bago nakarating sa opisina. Office of Exorcism.
Sa opisinang ito, dito niya ginagawa ang kanyang 'kakaibang gawain'.
Talaga namang masalimuot ang biyahe mula Sirang Lupa hanggang opisina. Sinubok nitong lubos ang pasensya ng pari.
Buti na lang ang tinutuluyan ng mga pari ay nasa kabilang gusali lamang. Lalakarin lang niya ito mula opisina.
Pagbaba niya ng sasakyan, nakita na naman niya ang pusang itim.
Dito siya kinutuban na siya ay sinusundan.
'Ito ang pusa sa Sirang Lupa at sa gasolinahan,' nasabi sa isip ni Felix.
Dali-dali siyang pumasok sa opisina, bitbit ang kanyang mga gamit.
ITUTULOY
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.