KAPITULO LXI: UMUWI SA BAHAY

484 18 0
                                    

Lumipas ang isang linggo bago pinayagan ng doktor na makalabas si Padre Felix ng ospital.

Habang nagpapagaling sa pagamutan, at nakakulong sa kuwarto, hindi naiwasang sidlan ng inip ang pari.

Sadyang walang mapaglibangan. Ang tanging nasa isip lagi ay ang kanyang tinamong pinsala sa baga't paghinga.

Ginugol na lamang niya ang mahahabang bakanteng oras sa pananalangin, at itinaas sa Maykapal ang paghihirap na dinaranas bilang pakikiisa sa ibang maysakit.

Kaya't nang muling tumapak sa gusaling tinitirhan, labis ang pasasalamat ni Padre Felix. Laking tuwa niya nang makauwi sa komunidad ng mga pari.

Tunay na may katiwasayang taglay ang tahanan.

Lubos ang ginhawa nang lumaya sa lugar ng dusa't pasakit. Sapagkat kanyang nilisan ang kanlungan ng may mga karamdaman, pinaglalahuan ng pag-asa, nag-aalalang kaanak, naghihikaos, naghihingalo't nasa bingit ng kamatayan.

Kaya't ang unang-unang misang ipinagdiwang ni Padre Felix magbuhat nang makalabas sa ospital ay inialay niya para sa mga maysakit.

Oktubre tatlumpu't isa, kinausap ng kura sa telepono si Jennalisa.

"Wala munang exorcism sa susunod na buwan," abiso niya sa ina ni Annalyn. "Nagpapagaling pa ako, inoobserbahan ang aking kalusugan."

"Ayos lang po, Padre," naunawaan ng nanay na muntik nang mamatay ang kausap na pari.

"Napakadali ko hapuin. Kinakapos ang hininga ko."

"Magpagaling ka po."

Umiba ng paksa ang pari.

"Huwag kaligtaang magsimba't magdasal," paalala niya. "At mangumpisal. Magrosaryo kayo."

"Tumanggap sa Eukaristiya," kanyang idinagdag. "Gumawa ng kabutihan. Magmalasakit sa kapwa. Umiwas sa kasalanan."

"Tinutupad po namin yan," ani Jennalisa, kahit hindi ito totoo.

"Manalig tayo sa Diyos," panghuling bilin ni Felix.

"Opo, Padre."

Sila'y nagpaalam sa isa't isa, bago ibinaba ang telepono.

Pagkatapos nilang mag-usap, lumipad palayo ang isip ni Jennalisa. Inagaw agad ng ibang bagay ang kanyang atensyon.

Sapagkat umuwi ang anak niyang si Angel.

"Tao po! Tao po! Mommy, pakibukas po ang gate!"

Sa labas ng tarangkahan, kumakatok ang panganay ni Jennalisa, habang nakahinto ang naghatid na taxi.

Napabalikwas sa sofa si Andrea na nanunuod ng TV, at sumilip sa bintana.

Dumungaw din ang kanilang ina.

Lumabas naman ng kuwarto si Annalyn, sabik na nagsabi, "Andyan na si Ate?!"

Tumango't ngumiti ang bunsong kapatid.

Silang tatlo'y masayang sumalubong kay Angel, at nakalimutang agad ni Jennalisa ang pinag-usapan nila ng exorcist.

Nuon ay Oktubre tatlumpu't isa, katapusan ng buwan, bisperas ng Undas.

ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon