KAPITULO XLIII: PAGPUPUNYAGI

600 29 0
                                    

Ang gabing iyon ay unang pagkakataong inabutan si Felix ng dilim pag-uwi mula sa bahay ng mga Narciso.

Hindi siya pamilyar sa mga kalsada't lugar kapag walang araw, ngunit hindi siya nangamba. Kahit natatandaan pa niyang siya'y nagkandaligaw-ligaw nu'ng una siyang dumayo sa Sirang Lupa.

Tinalunton ni Felix ang Don Bosco Street, at tiwasay siyang nakarating sa expressway, maliban sa isang sandaling sinidlan siya ng alinlangan sa tinatahak.

Huminto ang kanyang minamanehong sedan sa gilid ng kalsada, ibinaba ang bintana nito, nagtanong sa isang matandang lalaking nakatambay sa tindahan.

"Manong, ang daan po bang ito ay patungong SLEX?"

"Dun ka dumaan," sagot nito at tumuro sa direksyong tinutumbok ni Felix. "Wag ka pumaritong umuukilkil, mayapa rodriguez ann'nandirito."

Hindi naintindihan ng pari ang sinabi sa dulo. Tila wala itong katuturan, pero nakahalatang itinataboy siya nitong kausap. Nalabuan siyang bahagya sa matandang napagtanungan.

Gayunpaman, nagpasalamat ang kura at tumuloy sa binabagtas na lansangan.

Nakarating siya sa SLEX nang walang hadlang.

Alas dyis ng gabi, nakauwi siya nang ligtas.

Samantala, sa oras na iyon, nakatulog na si Jennalisa. Nakahiga ito sa kutsong inilatag sa sahig, sa gilid ng kama kung saan nakaratay si Vic.

Nakaligtaan na namang magrosaryo at hindi na naman naturuan ang bunsong anak kung paano ito dasalin.

Lingid sa kaalaman ng ina, lumapit na nuon si Andrea sa kanyang Tita Malou at Inay Lourdes, nagpaturong magrosaryo pero hindi niya pa rin natutunan.

Hindi siya pamilyar sa Sumasampalataya at Panalangin ng Fatima.

Dumagdag pang may kanya-kanyang araw para pagnilayan ang iba't ibang misteryo — luwalhati, liwanag, tuwa at hapis.

Wala si Ate Angel niya para turuan siya. Madalang na itong umuwi sa bahay.

Minsang nagpaturo rin si Andrea kay Annalyn. Hindi nito pinansin ang kanyang hiling at inirapan pa siya nito, tinitigan nang masama ang bunso.

Natakot ang bata, kaya't hindi na muling inungkat ang rosaryo sa nakakatandang kapatid.

Nang makalimutan ng nanay niyang turuan siya magrosaryo, sinubukan pa rin ni Andrea.

"Limampung ulit na Aba Ginoong Maria," ika nga ni Padre Felix sa kanya.

Ito nga ang ginawa ng batang babae. Binibilang sa daliri ng kamay ang bawat Aba Ginoong Maria'ng kanyang dinasal.

Magbuhat nu'ng unang sumpungin si Annalyn, kataka-takang naglahong lahat ng kanilang rosaryo sa bahay. Hindi nila malaman saan mga napatago.

Hindi nila alam na ito'y ibinaon nang lahat ni Annalyn sa lupa.

Kaya't nang unang magsabi si Padre Felix na kailangang sama-samang dasalin ng pamilya ang rosaryo, gumawa ang bata ng paraan.

Kay Inay Lourdes, humiram si Andrea — antigong rosaryong yari sa kamagong.

Itinago ito ng batang apo sa ilalim ng kanyang unan habang natutulog sa gabi. Subalit nakapagtatakang ito'y nawawala pagkagising niya sa umaga.

Mangiyak-ngiyak si Andrea sa sama ng loob. Natatakot mapagalitan.

Dahil dito, natuto ang bata. Hindi na muling humiram, at ginamit na lamang ang mga daliri sa kamay.

Kahit hindi naturuan ng ina, at walang rosaryong hawak, sinikap pa rin itong dasalin ni Andrea ayon sa simpleng sinabi sa kanya ni Padre Felix.

Habang papalapit ang Setyembre kinse, inaraw-araw niya ang pagbigkas ng mga Aba Ginoong Maria, kahit hindi siya umaabot sa limampu.

Nakakatulugan niya ito sa gabi. Minsa'y nalilito't nawawala siya sa bilang.

At may mga pagkakataong sadyang hindi niya mabuo ang isang Aba Ginoong Maria.

Gayunpaman, pinilit pa rin niyang ibigay ang makakaya ng isang batang dose anyos.

Samantala, sa malayong lugar, umuusal ng dasal si Padre Felix.

"O Hesus ko, Patawarin mo ang aming mga sala, iligtas mo kami sa apoy ng impyerno, hanguin mo ang mga kaluluwa sa purgatoryo, lalong-lalo na yung walang nakakaalaala."

"Aba po Santa Mariang Reyna, Ina ng Awa, Ikaw ang kabuhayan at katamisan; Aba pinananaligan ka namin, ikaw nga po ang tinatawag naming pinapanaw na taong anak ni Eba. Ikaw rin ang pinagbubuntuhang hininga namin, ng aming pagtangis dito sa lupang bayang kahapis-hapis. Ay aba pintakasi ka namin, ilingon mo sa amin ang mga mata mong maawain, at saka kung matapos yaring pagpanaw sa amin, ipakita mo sa amin ang iyong anak na si Hesus. Santa Maria, Ina ng Diyos, maawain, maalam at matamis na Birhen."

At pagsapit ng bisperas ng ikalimang eksorsismo, huwebes ng gabi, nagkaro'n ng inuman sa 'bahay ni Ronald'.

Ang bisita ay bakla. Nagdala pa nga ito ng cake na may ganitong nakasulat— 'Hi, pwedeng mag-hello? Ampogi mo, Babaero!'

Ang cake ay regalo kay Jon Ronald.

Silang dalawa'y nagpakalasing at nagpakaligaya — nagliwaliw si Jon Ronald at ang bisitang bakla.

Hindi imbitado ang pinsang maysapi.

"Kala ko makaka-shot ako ngayong gabi ih," naiinggit na binanggit ni Annalyn, alas dyis ng gabi.

Umasang makatitikim, ngunit bigong masayaran ng alak ang lalamunan.

Ang sinabi ni Annalyn ay hindi sinasadyang naulinigan ni Andrea.

Nakaramdam ang bunsong kapatid na dininig ng Diyos ang kanyang dalangin.

ITUTULOY


Abangan ang paglalahad ng 5th exorcism.

Ang susunod na kapitulo'y ilalabas sa Miyerkules, 17 Nobyembre 2021.

Maraming salamat po sa inyong lahat na bumabasa't sumusubaybay!

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon