KAPITULO XXVII: ESTRANGHERO

693 33 3
                                    

Hindi alam ni Felix kung hangad ba talaga ni Annalyn ang makawala sa dagit ng diyablo.

"Gusto mo bang pagkalooban ka ng Simbahang Katolika ng eksorsismo?" tinanong ito ni Felix kay Annalyn, nu'ng unang dumalaw ang kura sa Sirang Lupa.

Tumango lang ang dalaga nang bahagya, ni hindi tumingin sa pari, pero nang mapansin niyang hinihintay ang kanyang sagot, bumuntong-hininga lamang siya ng mahinang 'opo'.

Tinanggap ni Felix ang tugon ni Annalyn, kahit duda siyang gusto nga nitong mapagkalooban ng eksorsismo.

Kung tutuusin, binibigyan lang naman talaga ng eksorsismo ang dalaga dahil sa kahilingan nina Vic at Jennalisa.

Kinikilala ni Felix ang 'awtoridad at kapangyarihan' ng ama at ina na magpasya para sa anak.

Walang pinagkaiba sa pagpapabinyag ng sanggol na anak. Ang mga magulang ang pumili ng pananampalataya para sa bata.

At kahit pa ang anak na menor de edad ay lumaki't tumuntong sa hustong gulang, hindi napuputol itong 'awtoridad at kapangyarihan' ng mga magulang.

Buhay ang ugnayang ito ng magulang at anak hanggang pagtanda.

Kaya't kahit bente dos anyos na si Annalyn, pinagkalooban pa rin siya ng eksorsismo ayon sa kahilingan ng mga magulang, at tinanggap ang kanyang sagot na buntong-hiningang 'opo' — kahit ito'y napakaalanganin.

At itong 'awtoridad at kapangyarihan' din ang dahilan kung bakit may mga anak na hinihingi muna ang 'pahintulot at basbas' ng magulang bago gumawa ng importanteng desisyon, kagaya ng pagpapakasal at pangingibang-bansa. Sapagkat batid nilang ang magulang ay may awtoridad at kapangyarihang basbasan ng biyaya ang kanilang hangarin sa buhay, para ito'y magbunga ng mabuti.

Isa pang palaisipan kay Felix ay paano nangyaring sinapian si Annalyn.

"Saan dumaan ang demonyo?" tanong niya sa isip.

Tanto ng pari na hindi ito nangyari nang basta lang. Tiyak na mayroon itong pinag-ugatan.

"Hindi basta-basta nakakapasok ang demonyo sa saradong pinto. Siguradong pinagbuksan ito." Ito ang napatunayan ng exorcist sa matagal at malawak niyang karanasan.

Sinabi nuon sa telepono ng sensitibong si Weng na naglaro si Annalyn ng ouija at humipo ng tarot. Pero iba ang pahayag ng dalaga nu'ng unang dalaw ni Felix sa Sirang Lupa.

"Wala po akong maalalang ganyan," sagot ni Annalyn sa pari nang tanungin kung lumahok o sumali ba siya sa kahit anong gawaing occult.

Hindi alam ni Felix kung alin ang totoo.

Pero may kutob siyang nagsinungaling ang maysapi.

Sa himpilan ng bus, may agam-agam din ang pari sa matangkad na lalaking lumapit.

"Paano n'ya nalaman ang apelyido ko?" tumawid sa isip ni Felix, nang tawagin siyang 'Padre Lucero' nitong estranghero.

"Ako po si Danilo," magalang na pakilala ng lalaki sa pari. "Ako po ang dumulog sa obispo para mahanapan ng exorcist si Annalyn."

Natigilan si Felix sa narinig. Hindi nakapagsalita. Hindi makapaniwala.

"Nais po kitang kausapin tungkol kay Annalyn," lahad ni Danilo. "Pero kumain po muna tayo ng tanghalian bago kayo bumiyahe pauwi, Padre. Marami pang ibang bus na masasakyan hanggang mamayang gabi."

Nagdalawang-isip si Felix. Ayaw niyang sumama't makipag-usap sa hindi kakilala, pero nagpaunlak pa rin ito sa paanyaya.

Sumugal ang kura, alang-alang sa kapakanan ng maysapi.

Sapagkat ang pari ang siyang pastol at ang sambayanan ay ang kawan, ika nga.

Bumubulong sa kanyang kalooban na maaaring makapangalap siya ng mahalagang impormasyon mula sa lalaking nagpakilalang Danilo.

ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon