Maugong ang utos ni Padre Felix sa demonyo.
"Sa Ngalan ni Hesus, lumayas ka kay Annalyn!" malakas niyang binigkas habang hawak sa kamay ang krus.
Walang patid niyang sinambit ang mga dasal na nakasulat sa Roman Ritual.
Puspusan ang mga panalangin, inuutusan ang demonyo na lumisan at iwan ang dalaga.
Ngunit makalipas ang kalahating oras na exorcism, nagpasyang huminto ang pari, sapagkat walang anumang reaksyon si Annalyn.
Matamlay at tulala lamang ang dalaga habang nakaupo sa silya. Bangag na bangag ang hitsura, nangingitim ang ilalim ng mga mata.
'Kalma lang,' ika nga.
"Tama na muna ito sa ngayon," sabi ng kura. "Tayo'y magpahinga. Ituloy na lang natin sa susunod."
Umasa si Felix na lalantad ang diyablo sa katawan ng babaeng sinapian, pero kabaligtaran ang nangyari.
Walang naganap.
Hindi nagparamdam ang kaaway — wari ipinapahiwatig na walang bisa ang exorcism.
Pero hindi nabahala ang pari. Karaniwan lang na magkubli ang demonyo sa umpisa.
Gawain ni Satanas at ng kanyang mga kampon ay manlinlang — upang malaya nilang tuksuhin ang sanlibutan na magkasala't tumalikod sa Diyos, at itulak ang mga kaluluwa sa dagat-dagatang apoy ng impyerno.
Kung may pagkakataong nagsasabi ng totoo ang diyablo, ito'y upang manipulahin ang tao at ang sitwasyon.
Tinuldukan ni Felix ang exorcism sa pagbigkas ng isang 'Aba Ginoong Maria'.
At pagsapit sa parteng 'bukod kang pinagpala sa babaeng lahat', may nagbago kay Annalyn.
Umungol ito nang kung anu-anong salitang malabong maunawaan.
"nnnay-leyynn-annn... ny-ny... ann-nyyy-leynn... nyyy... lyynnn... nnnuuhhhh... leyyynnnn..."
Nanginig si Annalyn, habang unti-unting nag-iba ang tinig. Lumalim ang boses na animo'y hinugot sa hukay.
"NNNNnnnnnyyyy... NNnnnhhh... Hhnnnnnhhhh... Hhnnnnyyy..." tunog na nanggaling sa dalaga, parang bumubuwelong sumuka.
Hitsura niya'y nagbagong parang adik sa droga, nagigiyang at nangangatal.
Binuklat ng pari ang Roman Ritual, at nagtanda ng krus sa sarili.
"Mukhang mag-uumpisa pa lang ang laban," sumagi sa kanyang isip.
Matindi ang mga sumunod na sandali.
Nag-amok si Annalyn. Tinumba ang silya. Ibinabalibat anumang mahawakan.
Kaya't iginupo siya sa sahig ng mga lalaking kamag-anak.
Subalit sobrang lakas niya. Nagpupumiglas kahit mahigpit ang kapit ng tatlong tiyuhin at isang pinsang lalaki.
Tumutulong din si Jennalisa sa pag-awat.
Nagsisigaw si Annalyn.
"TANGINAMOOOOOO HESUSSSSSSS!!!"
"KING'INANGGG BABAE KAAAHHH!!!!"
Puro mura, pawang mga kalapastanganan sa Maykapal at sa Mahal na Birheng Maria.
"MANAHIMIK KA, PARI KA LANG!!! HINDI AKO MAPAPALAYASSSS!!! INANNGGG!! AKINNN'TOOOO!!! WALA KANG ALAMMM!! TANGINAMOKA!!!"
Dinig na dinig ng mga kapitbahay ang ingay na nanggagaling sa tahanan nina Vic at Jennalisa. Dali-dali silang umusyoso sa nagaganap.
Binigkas ng pari ang mga dasal sa Roman Ritual. Tahasang inutusan ang diyablo na umalis. Binasbasan ng holy water ang sinasapian. Hindi pa rin maawat si Annalyn.
Kinagat ng dalaga sa kanang braso si Jon Ronald, ang pinsang humahawak. Ramdam na ramdam na bumaon ang pangil, nginuya-nguya pa nga.
Napasigaw ang pinsang Ronald, napabitaw sa sakit.
Nakakapagtakang biglang kumalma si Annalyn, malaahas tumingin at nagsalita.
"Kaunting kamandag lang yan," nakangiti ito na tila tagumpay ang ginawang kasamaan.
Pagkasabi'y nawalan ang dalaga ng ulirat.
Tila binagyo ang loob ng bahay. Nagkalat ang mga gamit sa sahig. Nagulo nang husto lahat. Naalis sa puwesto ang mga kasangkapan.
Tatlong minuto lang lumantad ang sumapi kay Annalyn, pero ang tatlong minutong iyon ay parang impyerno.
Sobrang pagod ang tinamo ng bawat isang tao sa exorcism, at hinablot sila ng matinding takot — maliban kay Felix — sapagkat iyon ang unang pagkakataong humarap sila sa diyablo.
Hindi tulad ni Felix na maraming beses nang sumagupa kay Satanas.
Sinuri ni Jon Ronald ang kagat sa kanya. Hindi ito dumugo, at kakaiba ang hugis ng sugat — parang hindi ngipin ng tao ang maygawa.
Bago magtanghalian, ang brasong kinagat ay namaga't nangitim. At si Jon Ronald ay nilagnat, nahilo at nagsuka.
Dali-dali siyang isinugod sa ospital.
ITUTULOY
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.