Ipinarating kay Padre Felix ang nangyari sa naospital na pinsang lalaki — ang kagat sa braso nito ay katulad ng tuklaw ng ahas, at tinurukan ng kamandag.
Napagtanto ni Felix na kailangang dagdagan ang pag-iingat.
Ang masamang espiritung sumanib kay Annalyn ay may kakayahang makapanakit, at lalong higit, maaaring pumatay na parang ahas.
"Ang susunod na exorcism ay sa Hunyo 24," mungkahi ni Felix kay Jennalisa habang magkausap sila sa telepono. Ang petsang iyon ay Sabado at Kapistahan ni San Juan Bautista.
Pumayag naman ang nanay ni Annalyn.
Umaasa ang kura na pamagitanan ng santong may kapistahan ang ibibigay niyang exorcism.
Ipinaabot ng pari sa mag-anak ang paalalang mangumpisal, magsimba't tumanggap sa Eukaristiya, sama-samang magdasal ng rosaryo, magkaroon ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria, gumawa ng mabuti, umiwas sa kasalanan, mamuhay nang ayon sa halimbawa at salita ni Hesus.
Nang malaman ni Andrea kung kailan ang susunod na session, kinilabutan siyang kaagad, sapagkat hindi pa nawawala't lumilipas ang takot na idinulot ng unang exorcism.
Maya't maya bumubulong sa tainga ng bata ang mga pumailanlang na mga sigaw at kalabugan. Tumatawid palagi sa kanyang paningin ang imahe ng dinatnang pamamahay na ginulo ng sinapian.
Nu'ng pinagkalooban ng exorcism ang nakatatandang kapatid, naro'n ang batang babae sa bahay ni Inay Lourdes, kasama ang kanyang Tatay Vic.
Si Inay Lourdes ay lola ni Andrea at nanay ni Vic, pitumpu't tatlong taon na siya sa mundo, biyuda, at tinatawag na 'Inay' ng mga apo.
Mula sa bahay ng lola, abot-tanaw ang tinitirhan ng mag-anak ni Vic, at naririnig ni Andrea ang nagkakagulong ingay — sigaw ng sinasapian, pakikipagbubuno at pagbabalibat ng gamit.
Si Vic nuo'y hapong-hapo kahit nakaratay sa katre, habol-hininga't umiiyak, sapagkat walang magawa para sa dalagang anak.
Humahagulgol naman ang bunso, nakayakap sa kanyang Inay na tumatangis din.
Pagkatapos ng eksorsismong yaon, usap-usapan si Annalyn sa buong barangay.
Samantala, sa dulo ng Sirang Lupa, namamalagi ang isang binatang kung tawagin ay Danilo.
"Naganap na," wika nito nang makarating sa kanya ang balitang binigyan ng exorcism si Annalyn.
ITUTULOY
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.