Hindi iyon ang unang pagkakataong biniro ni Annalyn ang pari at nilaro ang sakramento ng kumpisal.
Ang pangyayaring iyon ay ang ikawalong beses.
Ang una ay nuong Mayo — nang ibilin ni Felix na kailangan munang mangumpisal bago pagkalooban ng exorcism.
Hindi kumibo si Annalyn, pero ayaw na ayaw niya itong gawin.
"Wala akong kasalanang aaminin," kanyang saloobin.
Habang siya'y papalapit nu'ng Mayo sa confessional, mayro'n siyang naramdamang parang gumagapang sa lalamunan, nagpupumilit kumawala.
Paglapat ng tuhod niya sa luhuran ng confessional, kusang lumabas sa kanya ang boses-bata.
Para sa kanya, ito'y tila tinig ng limang taong gulang na paslit.
Mayroong nag-udyok sa kanyang mag-imbento ng mga kasalanan, at ito ang binanggit sa nagpapakumpisal na kura.
"Ako ang pumatay kay Magellan... Ako ang nagsulsol kay Hudas na magbigti... Paborito kong himasin ang balahibo ng pusa ko..."
Pagkasabi nito, di niya napigilan bumungisngis, at agad siyang umalis sa confessional.
Magmula nu'n, gawain na ni Annalyn ang magsabi ng kung ano-anong hindi totoo gamit ang tinig-paslit tuwing kumpisal. Tinuring niya itong laro at biro, hindi sineseryoso ang sakramento.
Umuungol pa nga siya kung minsan sa confessional, gumagawa ng malaswang tunog. At may pagkakataon nga rin, sinabi niya ang mga kasalanan ni Jon Ronald na isiniwalat ng diyablo.
Tuwang-tuwa si Annalyn sa taglay na pambihirang kakayahan, kahit hindi niya alam kung ano ang pinagmulan.
Wala siyang sinumang pinagsabihan tungkol sa nadiskubreng boses. Paulit-ulit na rin niya itong ginamit.
Itong mga pagsaglit ni Annalyn sa confessional ay napansin na ni Jennalisa mula pa nu'ng una. Sinubukan ng ina pakiusapan ang anak na seryosohin ang sakramento, aminin lahat ng kasalanan, tanggapin ang absolusyon ng pari, at humingi ng kapatawaran sa Maykapal, para siya'y unti-unti nang gumaling.
Kaya lang, hindi pinapakinggan ni Annalyn si Jennalisa. Tuloy pa rin sa kalokohan, biro at laro. Ayaw gawin ang tama.
Nu'ng simula rin, sinusundan ng ina ang maysaping anak tuwing ito'y lumalabas ng simbahan. Subalit nang nakatatlong beses nang mangyari, sinawaan na siyang humabol. Hinayaan na lang niya si Andrea ang tumingin kung saan pumunta si Annalyn.
Ganito palagi ang dalaga tuwing nasa misa — magmula nang sapian ito.
Tumatakas. Lumalayas.
Kaya't tunay na nababatid nitong ina, 'hindi nila natutupad ang mga espiritwal na gawain'.
Hindi alam ni Jennalisa kung hanggang kailan niya mapagtatakpan ang kanilang mag-anak kay Felix.
Samantala, sa labas ng simbahan, habang ipinagdiriwang ang Banal na Misa, hinahapo si Annalyn sa isang gilid.
Malayo sa misa. Kinakapos ng hininga, parang hihikain.
Pabulong-bulong pa rin ang dalaga. Walang matinong salita mula sa kanya. Pawang pagmumura't kalapastanganan ang lumalabas sa bunganga. Yamot na yamot, at naliligalig.
Walang magawa si Andrea kundi magmasid lamang.
Ilang ulit na itong nasaksihan ng nakakabatang kapatid, pero kinakabahan pa rin siya tuwing namamasdan, kahit ilang beses na itong nangyari sa kanilang pagpunta sa simbahan.
Isang palatandaan ng sapi ni Annalyn ay ayaw na ayaw nitong dumalo sa Banal na Misa. Nabanggit ito ni Jennalisa kay Felix, bago ipagkaloob ang unang eksorsismo.
"Umiiwas sa mga lugar at bagay na banal," ika ng kura nuon sa panayam nila sa Sirang Lupa, at tinandaang maigi ang detalyeng ito.
"Inaayawan ng diyablo ang kahit anong banal," dugtong ng exorcist.
Kaya't nang dumako ang misa sa Liturhiya ng Eukaristiya, lalong nairita si Annalyn sa labas ng simbahan.
Nilagay ng dalaga ang kamay sa ulo, wari nanggigigil, pero nagpipigil sabunutan ang sarili. Nagngangalit kanyang mga ngipin. Kitang-kita sa kanyang mata ang pagkasuklam.
Nagsalita ang pari sa Pakikinabang, inilagay ang mga kamay sa ibabaw ng ostya at kalis.
"Kaya't sa pamamagitan ng iyong espiritu, gawin mong banal ang kaloob na ito upang para sa amin ay maging katawan at dugo ng aming Panginoong Hesukristo."
Sinabayan itong sinambit ng tunog na kumuliling — na parang tinig na kumikinang.
Biglang sumuka si Annalyn sa kinalalagyang gilid.
Nagwikang muli ang pari sa altar. "Tanggapin ninyong lahat ito at kanin, ito ang aking katawan na ihahandog para sa inyo."
Kanyang itinaas ang ostya, ipinapakita sa langit at sa lahat ng tao.
Muling kumuliling ang parang tinig na kumikinang.
Ang tinapay ay ganap nang Katawan ni Kristo.
Sumuka na naman si Annalyn, lubhang nahihirapan. Nababahala si Andrea, sapagkat napapatingin sa kanila ang mga tao.
Nagpatuloy ang pari. "Tanggapin ninyong lahat ito at inumin, ito ang kalis ng aking dugo ng bago at walang hanggang tipan, ang aking dugo na ibubuhos para sa inyo at para sa lahat, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin."
Ang kalis ng alak ay kanyang itinaas na parang inaabot sa langit at sa sanlibutan.
Muling kumuliling ang parang tinig na kumikinang.
Ang alak ay ganap nang Dugo ni Kristo.
Sa ikatlong pagkakataon, sumuka si Annalyn sa gilid.
Tumindig ang balahibo ni Andrea.
Hindi pa rin nasanay ang bunsong kapatid kahit natunghayan na niya ito dati.
Ramdam na ramdam ng maysapi — mula ulo hanggang talampakan, sa kaibuturan ng buto't laman — na mayroong Kabanal-banalang nag-aalay ng sarili para sa kapakanan ng sanlibutan.
Lubusang nababatid ng sumusukang dalaga ang tunay na presensya ni Hesus sa Eukaristiya.
ITUTULOY
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.