Nagambala ang paghimbing ni Andrea sa gitna ng gabi dahil sa pamilyar na tunog ng nagsusuka.
"Uuuwwhhaaakkkhh!!! Huhhhuuwwaaakkk!!!"
Napabalikwas siya, at kinilabutan.
"Nangyayari ba ulit?" napatanong siya sa sarili.
Bumaling siya sa kanyang tabi. Wala ang kanyang Ate Ann sa higaan.
Dahan-dahan siyang bumaba sa kama, at sumilip sa labas ng silid.
Patay ang ilaw sa kusina't salas. Ang ilaw lang na may liwanag ay ang nasa banyo.
May amoy-maasim na umaalingasaw.
"Nakananggg... Uuuwwhhaaakkkhh!!!" narinig ng bata mula sa sumusuka.
Naaninag ni Andrea ang bakas ng suka sa sahig — nagsimula sa pinto ng harap ng bahay papuntang banyo.
Nakahayag ang dinaanang sinukahan, at nakabuyangyang ang pambungad na pinto ng kanilang tinitirhan. Umiihip tuloy papasok ng bahay ang maginaw na hangin.
Lalong natakot ang batang babae.
Sinipat niya ang orasang nasa dingding kahit madilim. Alas tres ng madaling-araw.
Lakas-loob siyang lumabas ng kuwarto at tumawid papunta sa silid-tulugan ng magulang.
Naro'n ang kanyang Tatay Vic, gising at nakaratay sa higaan. Umuungol at humahagulgol ito. Utal at hindi makapagsalita.
Kanina pa niya naririnig ang tila tunog ng pinupunit na lawanit sa banyo.
Kahit hindi makagalaw gawa ng karamdaman, pilit siyang gumawa ng ingay upang tawagin ang atensyon ng asawang natutulog sa sahig.
Ganito rin ang ama habang nagaganap ang ikalawang eksorsismo ni Annalyn. Naro'n siya sa silid, nakahiga at hindi makasalita, habang nagkakagulo't sinasapian ang dalagang anak. Narinig niyang lahat ng nangyari, subalit wala siyang nagawa kundi umungol at humagulgol.
Ginising ni Andrea ang kanyang nanay. "Si Ate Ann sinusumpong na naman!!"
Agad napukaw ang diwa ng ina, naalimpungatan nang banggitin ng bunsong anak ang salitang 'sumpong'.
Nagmadali sila para tignan ang nagsusuka sa banyo.
Binuksan ng ina ang ilaw sa kusina't salas, at lumantad ang bakas na dinaanan ng suka. Napansin rin niya ang di maitatangging amoy-maasim na masangsang sa pamamahay.
"Sinusumpong na naman ba si Ann—" naputol ang pag-uusisa sa isip ni Jennalisa, sapagkat sinidlan siya ng kaba.
Kumabog-kabog ang kanyang dibdib.
Kapapangyari lang kahapon ng madaling-araw ang mawala si Annalyn at natagpuan sa matandang kubo.
At kahapon lang din ng umaga naganap ang ikalawang eksorsismo.
Sariwa pa sa kanilang isip ang huling ginawa ng sinasapiang dalaga — sumuka ito nang sumuka, katulad nitong nasa banyo.
Sumilip si Jennalisa.
At natagpuan niya si Annalyn, nakaluhod at nakasubsob ang mukha sa inidoro. Walang patid ang pagsuka nito kahit wala nang ilabas ang sikmura.
Sandaling napahinto ang dalaga. Subalit sinundan naman agad ng pamimilipit. Namaluktot si Annalyn, sinakitan nang matindi ang tiyan. Napaungol siya sa sakit.
Pagkatapos ay sumuka siyang muli.
"Uuuwwaaakkkhh!!!"
Ang dalaga wari'y manikluhod na nagmamakaawa, dumaraing na tapusin na ang sobra-sobrang pagdurusa.
Sumuka siya nang sumuka. Gusto nang sumuko.
Lumapit ang ina, awang-awa, at hinagod ang likod ng nahihirapang anak.
Subalit napansin ni Jennalisa na 'amoy-tsiko' ang kanyang dalaga, at siya'y nagduda.
"Hindi ito sumpong," nawika niya sa sarili.
Pagkalipas ng ilang saglit, lalong sumubsob si Annalyn sa inidoro. Nanlulupaypay. Hinang-hina. At nawalan ng malay — sa sobrang kalasingan.
ITUTULOY
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.