KAPITULO XXIV: ANG PABORITONG PINSAN

712 41 0
                                    

Itinakdang muling bigyan ng exorcism si Annalyn sa Hulyo 26, Miyerkules, Dakilang Kapistahan nina Santa Ana at San Joaquin.

Ang dalawang santong ito ay ang mga magulang ng Mahal na Birheng Maria.

Naisip ni Felix na piliin ang Kapistahan ni Santa Ana, sapagkat mayroong tradisyon na ang kapangalang santo ng isang tao ay siyang patron nito.

Sa madaling-salita, ang santong patron ni Annalyn ay si Santa Ana, sapagkat magkapangalan sila, o mas mabuting sabihing 'iisa ang pinaghanguan ng kanilang pangalan'.

Ito ang dahilan ni Felix, kaya't naisipian niyang bigyan si Annalyn ng exorcism sa kapistahan ni Santa Ana — upang hilingin ang gabay, tulong at proteksyon ng santong patron nito.

Kaugnay sa tradisyong ang kapangalang santo ng isang tao ay siyang kanyang patron, ipinapangalan kadalasan ang isang sanggol sa santong mayroong kapistahan sa natapatang araw ng pagsilang.

Halimbawa, pinapangalanang Lourdes ang sanggol na babae na ipinanganak sa Pebrero 11, sapagkat ang Pebrero 11 ay 'Kapistahan ng Mahal na Birheng Maria ng Lourdes'.

At pinapangalanang Juan, John, o kaya'y Jon ang lalaking sanggol na isinilang sa Hunyo 24 — Kapistahan ni San Juan Bautista.

Pumayag si Jennalisa sa piniling petsa ng ikatlong eksorsismo. Hulyo dalawampu't anim.

Ipinaabot muli ng pari sa mag-anak ang mga gawaing espiritwal— ang pangangailangang mangumpisal, magsimba't tumanggap sa Eukaristiya, sama-samang magdasal ng rosaryo, magkaroon ng debosyon sa Mahal na Birheng Maria, gumawa ng mabuti, umiwas sa kasalanan, at mamuhay nang naaayon sa turo ni Hesus.

Umaga ng Hulyo 26, pumaroon ang exorcist sa bahay nina Annalyn.

Dinatnan niyang nakatungo't nakalugmok ang dalaga sa silya.

Wala itong kibo. Matamlay. Walang kabuhay-buhay. Bangag, at wari wala sa sarili. Nangingitim ang ilalim ng mga mata.

Nasa salas sina Jennalisa at Andrea. Nasa terrace naman ang mga tiyuhing Eduardo, Napoleon at Ronaldo. Pati na rin mga pinsang Glenpaul at Vino. Lahat sila'y hindi mapakali, nangangamba sa maaaring mangyari.

Kasunod namang dumating ng pari ay si Jon Ronald.

Patawa-tawa itong sumilip sa loob ng bahay. Parang walang alalahanin at makikiusyoso lamang sa mga maaaring maganap.

Wala itong pinsan sa ikalawang eksorsismo sapagkat nagpapagaling pa mula sa kagat at kamandag.

Tuluyan nang naghilom ang braso, kaya't siya'y nakadalo sa eksorsismo ng umagang yaon.

Tumapak siya sa loob ng bahay para lalong makasilip, at ito'y napakalaking pagkakamali. Dahan-dahang itinaas ng dalaga ang nakatungo nitong ulo, at ngumiti. Masayang nakita ang pinsang kararating lamang.

"Aaaahhh... ang paboritong pinsan... ni Annnnn..." magiliw na pagbati ng dalaga, malaahas ang tingin nito kay Jon Ronald.

Nagitla ang lahat.

Tumindig ang balahibo ng pinsang lalaki. Dilat na dilat ang kanyang mga mata. Dinagukan ng kaba.

Naunawaan nilang lahat na hindi si Annalyn ang nangungusap. Sa halip, ang diyablo ang siyang nagsalita.

Bumaling ang tingin ng dalaga kay Felix. "Ambaho ng ugali mo," mapang-asar nitong paratang sa exorcist.

At biglang bumaho ang buong silid.

ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon