Walang nasawi o nasugatan sa sunog, ngunit natupok ang lahat sa bukid ng mga Narciso — anim na bahay, isang kubo.
Ayon sa mga nakasaksi, "Nagsimula ang apoy sa damuhang nagningas, umakyat ang liyab sa punongkahoy, tumawid sa dikit-dikit na mga sanga't dahon, hanggang umabot na nga sa kanya-kanyang tinitirhan ng magkakamag-anak."
Umiikot sa barangay ang kuro-kurong 'napabayaan ang sinisigaan', kahit ito'y haka-haka lang at walang patunay.
Hindi maniwala si Andrea sa usap-usapan kung paano lumaganap ang apoy.
Sapagkat sa bahay ng Inay Lourdes, nakapagtatakang bigla na lang lumiyab ang laylayan ng kurtina.
Kaya't nataranta si Andrea, hindi alam ang gagawin.
Buti na lang, dumating agad ang ibang mga kamag-anak para sagipin ang lolang mabagal nang gumalaw, at kanilang pinagtulungang buhatin si Vic na paralitikong maysakit.
"Pinagmamasdan ko, maliit pa lang yung apoy sa kurtina," salaysay ng lalaking nakapansin ng sunog sa bahay ng Inay Lourdes. "Biglang-bigla na lang lumaki, ayun, lumiyab na nga."
Kaya't walang naisalbang gamit ang mga Narciso.
"Hindi na nila napigil, hindi nila napatay," dagdag ng nagbibigay-salaysay. "Ambilis sumiklab."
Sa kabutihang palad, hindi tumawid ang apoy sa mga kapitbahay.
At hindi lahat ay nakumbinsi ng kuro-kurong umiikot. Mayroong mangilan-ngilang naniniwalang ang mga diyablong sumapi kay Annalyn ang sanhi ng sunog.
• • •
Pagkalipas ng bente kuwatro oras mula nang maganap ang sunog sa Sirang Lupa, nasa kanyang opisina si Padre Felix, inaasikaso ang mga dokumento tungkol sa kaso ni Annalyn Narciso.
Pinupunan niya ng karagdagang detalye ang salaysay ng sapi nito.
"Parang impyerno ang katapusan ng exorcism kahapon," binalikan ng pari ang nangyari, at ito'y kanyang isinulat sa papel na hawak.
Nauna nang ilimbag sa pahina ang limang nabunyag na kasalanan ni Ann — sugapa sa alak, malandi, sinungaling, hudas, bukambibig ang diyablo.
Idinugtong dito sa dokumento ang dalawang natuklasan sa huli — ayaw magsisi at ayaw magpatawad.
Kumpleto na ang pito.
Sa dulo ng exorcism, napuna ng pari na parang si Ann at ang diyablo ay iisang nilalang na lamang.
"Wari ganap na silang nagsanib," hinuha ng kura. "Sila nga ba'y iisa na lang at hindi mapaghihiwalay?"
Isinulat ito ng pari sa papel, kalakip ang kanyang palagay.
Pagkatapos asikasuhin, isinarado ni Felix ang dokumento para itago, pero ang estado ng kaso ni Annalyn Narciso ay nananatiling 'open' — sapagkat ito ay hindi naresolba.
Akmang isasantabi na sana ni Felix ang mga hawak na papel, nang biglang may tanong na sumagi sa isip niya.
"Asal-diyablo ba si Ann?"
Natigilan ang pari.
Hindi niya alam ang sagot sa tanong.
Kaya't kanyang binuklat muli ang mga papel, at isinulat ito sa dulo: 'Asal-diyablo.'
• • •
Ang sumunod na araw ay Immaculada Concepcion, ikawalo ng Disyembre.
Nagdiwang si Padre Felix ng Banal na Misa sa umaga.
Sa homiliya, ito ang kanyang ibinahagi: "Mahal na mahal tayo ng Diyos. Sa kadahilanang ito, iginagalang Niya ang lahat ng ating pasya. Kaya't kung ang piliin natin ay talikuran siya, hindi Niya tayo pipigilan — kahit pa ang Kanyang nais ay manatili tayo sa Kanya."
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.