Palubog na ang araw. Takipsilim. Malapit nang mag-ikaanim ng gabi.
Naglalakad si Andrea papunta sa bahay ng kanyang Inay Lourdes.
Ang bawat niyang hakbang ay may taglay na sigla't tuwa, sapagkat sumanib sa kanya ang panibagong pag-asa't lakas ng loob.
Natagpuan ni Andrea ang kapayapaan at kapanatagan sa pagdarasal ng rosaryo.
Nuo'y Sabado, Setyembre disisais. Kapapangyari lang ng pinakahuling eksorsismo.
Dala ni Andrea sa kamay ay mangkok at platito. Isasauli niya ito sa kanyang lola.
Ginisang munggong may sotanghon ang ipinadalang pagkain kaninang tanghalian, at naubos na ito ni Andrea.
Bagong-hugas na rin ng batang apo ang mangkok na pinaglagyan ng ulam at platitong pinantakip rito.
Ganito ang kanilang gawi tuwing nasa dialysis si Vic — rasyunan ng ulam sa tanghalian sina Annalyn at Andrea.
Sapagkat hindi maasikaso ni Jennalisa ang pagkain ng dalawang anak. Kailangan niyang unahin ang asawang maysakit, at kulang na kulang ang kanyang katawan.
Alas onse pa lang ng umaga, umalis na ng Sirang Lupa sina Jennalisa at Vic papuntang ospital sa Santa Rosa.
Sadyang walang oras mag-asikaso ng pananghalian ang nanay ni Andrea.
Marunong magluto si Annalyn. Subalit ito'y ayaw nang gumawa sa bahay mula nu'ng una itong sumpungin.
Bihira rin siya kumain kaya't nangayayat nang husto, at hindi maasahang maghanda ng ulam, o kahit magsaing.
Si Andrea na lang ang nauutusan at tumutulong kay Jennalisa sa mga gawaing-bahay.
Sa mga oras na yaon, habang patungo kay Inay Lourdes si Andrea, pauwi naman mula ospital sina Jennalisa at Vic. Nairaos na naman ang isang session ng dialysis.
At si Annalyn ay nakatambay sa bahay ng tiyuhing Ronaldo. Kaumpukan niya du'n si Jon Ronald at ibang katropa, nakikipaghuntahan nang walang katuturan.
Nang madaanan ni Andrea ang matandang kubo sa bukid, pinaltan ng kaba ang taglay niyang sigla't tuwa.
Sinidlan siya ng isang pamilyar na pakiramdam.
Parang mayroong nakatingin sa kanya.
Sa halip na lumingon-lingon at hanapin ang nararamdaman niyang nakamasid, binilisan ng batang babae ang kanyang lakad.
Ayaw niyang malaman kung may nakatingin nga.
Nagmamadaling lumakad si Andrea, ngunit paglampas sa matandang kubo, hindi nawala ang kaba niya.
Nakaramdam naman siya na mayroong sumusunod sa kanya.
Gayunpaman, diretso lang ang tingin niya.
Malapit nang kumagat ang dilim, at hindi ito nakatulong sa sitwasyon.
Nahintakutan nang husto ang bata.
Nang matanaw niya ang bahay ng Inay Lourdes, halos tumakbo siya patungong pinto nito, habang iniingatan ang dalang mangkok at platito.
Pagsapit sa bahay ng lola, pinihit niya agad ang tatangnan at itinulak ang pinto.
Halos ibalibag niya ito nang isarado niyang bigla, takot na takot, dahil baka may humahabol nga sa kanya.
Sa loob ng bahay, humupa ang kaba ni Andrea.
Pakiramdam niya'y siya'y ligtas na.
Patay pa ang lahat ilaw sa buong bahay, ngunit bahagya pa rin mababanaag ang laman at loob nito. Kaya't hindi nag-abala si Andrea na sindihan kahit isang ilaw.
Lumipat ang bata sa kusina. Inilagay ang mangkok at platito sa mesa.
"Inay," hanap ng apo sa kanyang lolang si Lourdes. "Inay."
Walang sumagot. Tahimik ang bahay.
Hindi sinasadyang bumaling ang paslit sa bintana ng kusina. Tumambad kay Andrea ay ulo ng tao. Itim na itim. Madilim pa sa anino. Nakatitig sa kanya ang nanlilisik at namumulang mga mata nito.
Kinilabutan ang bata sa sumisilip.
Tumindig ang kanyang balahibo. Napatili at napaiyak sa sobrang takot.
Kumarimot si Andrea ng takbo, at tumuloy sa kuwartong tinutulugan ng kanyang Inay Lourdes.
Pagkatapos nito'y naglaho ang nagpakitang ulo sa bintana.
At pagkalipas ng halos isang minuto, ang isinauling mangkok at platito ay parehong umusod nang ilang pulgada sa ibabaw ng mesa, kahit walang gumagalaw ng mga bagay na iyon.
ITUTULOY
Ang kasunod na kapitulo ay ilalabas sa Linggo, 30 Enero 2022.
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.