Takipsilim at kulimlim ang langit nang sumapit si Felix sa Sirang Lupa.
Alas singko y medya ang sinasabi ng orasan sa dashboard.
Huminto ang itim na sedan malapit sa lugar ng mga Narciso.
Nang pihitin ang susi para patayin ang makina, biglang nakalanghap ang pari ng parang nasusunog.
Amoy asupre o 'sulfur'.
Hinanap ni Felix kung saan ito nanggagaling, pero wala naman siyang natagpuang usok o sinindihan ng apoy.
Nagtanda ng krus ang kura sa sarili.
Kinutuban siyang nagpaparamdam ang kaaway.
Dagsa sa lansangan ang mga estudyanteng pauwi, sapagkat malapit lang ang elementary school sa bahay ng mga Narciso.
Biglang mayroong pumitik-pitik sa bintana ng kotse.
Nagulat ang kura.
Paglingon niya sa bintana, si Andrea pala ang kumatok.
Nakauniporme pa ito. Kagagaling lang sa eskuwelahan.
"Padre Felix??" Nagtataka ang batang babae kung bakit napadpad sa kanilang lugar ang kura kahit wala namang nakatakdang session ng exorcism.
Umibis ng sasakyan ang pari.
"Kailangan kong makausap ang Mama mo," sabi niya sa bata.
Pinatuloy ni Andrea si Felix sa kanilang bahay.
Sa salas, umupo ang panauhing pari sa silya.
Habang hinihintay si Jennalisa, nagbabasa ng takdang-aralin ang batang babae, sinamahan ang bisita sa salas.
Nasa silid-tulugan naman ng magkapatid si Annalyn.
Si Vic ay nasa kuwarto ng mag-asawa, binabantayan ng kanyang hipag na si Marites.
'Tita Tes' ang tawag sa kanya ni Andrea at ng ibang mga pamangkin. Asawa siya ni Ronaldo, at nanay nina Jon Ronald at Jopay.
Si Marites ay may nunal sa mukha, at tinatawag minsang 'Teresita'.
Abala ang hipag ni Vic, naghahandang umalis dahil mayroong pupuntahan.
Limang minuto bago mag-ikaanim ng gabi, narinig nilang dumating ang sasakyan ni Jennalisa. Lumang Mitsubishi Adventure, modelong yari nuong dekada nobenta. Sobrang laspag na ang kanilang sasakyan.
Lumabas ng silid-tulugan si Annalyn, sumalampak sa isang silyang nasa kusina, abot-tanaw ni Felix. Gusot ang buhok nito, nangangalumata't lubog ang pisngi. Parang bangag. Mapaghahalatang hitsurang nabubuwang.
Tumindig agad si Andrea para pagbuksan ng tarangkahan ang nanay niyang dumating, at si Marites nama'y lumakad nang paalis.
"May pupuntahan akong lamay," paalam ng Tita Tes ni Andrea.
Naiwan sina Felix at Annalyn sa loob ng bahay. Kinutuban ng hindi mabuti ang kura.
At hindi siya nagkamali. Mayroong nangamoy asupre.
Nagsalita ang isang tinig. "Tatlong taon mula ngayon, mamamatay ang putang'nang 'yon."
Boses-demonyo.
Tumindig ang balahibo ng kura. Napalingon siya sa dalagang nasa kusina.
Nanlilisik ang mga mata. Malaahas tumingin kay Felix.
"Mamamatay si Marites," lahad ni Annalyn.
Sobrang garalgal at napakalalim ng boses. Tila hinugot sa kailaliman ng hukay.
"Siya naman ang paglalamayan," dagdag ng dalaga.
Napagtanto agad ng exorcist na diyablo ang siyang nagsasalita.
Sumagot ang kura. "Ang kamatayan ay bahagi ng buhay ng tao."
"Totoo," sumang-ayon ang demonyo. "Pero hindi siya pupunta sa Paraiso, sisiguraduhin namin, ni hindi sisilip si Marites sa purgatoryo. Hhsssssss..."
Parang dinagukan ang pari sa narinig. Nagbabanta ang diyablo, sinasabi kung sino ang mapupunta sa impyerno.
Gumanti ang exorcist. "Darating ang panahon na tatanggapin mo ang hatol sa'yo, at itatapon ka sa hindi napupuksang apoy."
"Hhhsssssssss," lumikha ng tunog-ahas si Annalyn, mabalasik na hayop kung tumingin. "At hahatakin namin si Marites sa impyerno."
"Darating ang itinakdang parusa mo," paalala ng pari. "Ang oras ng paghuhukom sa'yo."
"Hindi ako matatalo!!"
"Alam kong alam mo kung sinong talunan sa tunggaliang ito."
Nagalit ang diyablo. "Ang lakas ng loob mong dumayo rito!!"
"Ito'y dahil hindi ako natatakot sa'yo."
"Papaslangin kita mamaya sa pagtulog mo!!" singhal ng kaaway. "Sasakalin kita hanggang malagutan ka ng hininga!!"
"Kaytagal mo nang sinasabi sa akin iyan. Hanggang ngayon, buhay pa rin ako."
"Hhhsssssss," tanging naisagot ng maysapi.
Sa isang iglap, nagtago ang diyablo. Naputol ang pag-uusap. Nagbalik si Annalyn sa kanyang bangag na sarili.
Biglang may pumasok sa bahay.
Napalingon ang pari sa pinto. Nakita niya sina Jennalisa at Andrea.
ITUTULOY
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Terror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.