Tumuloy sa loob ng maliit na pamamahay si Felix, at sa unang tapak pa lang ay tinusok agad ang kanyang ilong ng matinding amoy ng maysakit — amoy ng gamot, at amoy ng diaper na may laman nang ihi't tae.
Di napigilang maglaway ng kanyang bibig at gusto niyang dumura, sapagkat sadyang nakakasuka ang kanyang nalanghap.
Nilunok na lang niya ang laway, nagpanggap na wala siyang nalanghap, kahit pa umaalingasaw ang nakakasulasok.
Napansin ito ni Andrea. Napahiya ang bata ngunit isa lamang siyang musmos at walang magawa sa sitwasyon ng pamumuhay ng kanilang pamilya.
Sinalubong si Felix ng isang nakatatandang babae, na sa kanyang palagay, ay nanay ni Andrea.
Magalang na bumati itong babae at nagpakilala. "Tuloy po kayo, Padre. Magandang umaga. Ako po si Jennalisa. Ako po ang nanay ni Andrea."
Si Jennalisa ay matabang babaeng nasa mid-40's ang edad, mahaba't itim ang buhok, at bahagya lang na kahawig ni Andrea.
Bumalik sa alaala ni Felix ang ikinuwento ni Father Tony sa kanya, 'may isang Jennalisa ang dumulog upang humingi ng tulong sa kura paroko.'
Napatingin si Felix sa family picture na nakasabit sa dingding ng salas. Kuha ito dalawang taon pa lang ang nakalipas, si Andrea ay sampung taong gulang sa litrato.
Limang tao ang nasa larawan. Naro'n si Jennalisa at Andrea, at isang lalaki — tiyak si Felix na ito ang ama.
Nasa larawan din ang dalawang ate ni Andrea. Magkamukha ito, at mas hawig sa ina. Medyo mataba at blonde ang buhok ng isa sa mga ate.
Ang mukha ni Andrea ay mas hawig sa ama kaysa sa ina.
Sa unang tingin pa lang ni Felix, bahagya siyang natawa sa hitsura ng tatay. Kamukhang-kamukha nito ang mga komikerong aktor na sina Apeng Daldal at Long Mejia.
'Pinagbiyak na bunga,' ika nga.
Sa litrato ng pamilya, silang lima'y magkakatabing nakatayo, nakatawa, todo-ngiti at magkakaakbay. Wari larawan ng isang masayang pamilya.
Isang pasada lang ang kinailangan ni Felix upang sipatin ang tinitirhan nina Andrea sapagkat kakapiraso lang ito. Apat na dipa lang ang pinagsamang salas at kusina, kaya't tunay na tumatambay ang di kaaya-ayang amoy sa buong bahay.
'Kinulob sa loob,' sa madaling-sabi.
Mayro'ng dalawang silid-tulugan — isa para sa mag-asawa at isa para sa tatlong magkakapatid na magkakatabing matulog sa iisang kama.
"Nasa kuwarto namin si Annalyn," sabi ng ina kay Felix.
Pumunta sila sa tinutulugan ng mag-asawa. Nauna si Jennalisa, sumunod naman sina Felix at Andrea.
Nabigla ang pari nang siya'y pumasok. Sa kuwarto napakalakas ng amoy-maysakit, at nakaratay sa kama ang tatay sa namasdang family picture. Ibang-iba ang hitsura nito kaysa nasa larawan. Ang kanilang ama ay butu't balat, lubog ang pisngi, at tila tuluyan nang natutuyuan.
Di maipagkakailang malubha ng kalagayan nito.
Nahabag si Felix. Sa kanyang isip, 'kasimpayat niya si Palito.'
Si Palito ay isang komedyanteng aktor din, katulad ni Apeng Daldal at Long Mejia.
Sinubukan magsalita ng tatay subalit siya ay nauutal.
"Uuh. Uh. Uuaahh. Ah."
Silang mga nakapakinig ay walang naintindihan, pero ito ang sinasabi ng kanyang kalooban sa kura— "Agaw-buhay ang anak kong dalaga. Kung maaari ay ipatong mo sa kanya ang iyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay."
Wala lamang nakaunawa gawa ng kautalan.
Gayunpaman, sumagi sa isip ng pari ang tagpo sa Ebanghelyo, 'lumapit kay Hesus si Jairo, na tagapamahala ng sinagoga, sapagkat ang kanyang anak na dalagita ay nasa bingit ng kamatayan.'
Ang amang naghihingalo, kahit nalalapit nang pumanaw, kapakanan pa rin ng anak ang inuuna.
Kung kaya lang ng kanyang katawan na magpatirapa ay ginawa na niya ito sa harapan ng kura.
Nakaluklok sa upuang katabi ng kama ay isang dalaga. Nangangalumata at sobrang payat din. Sobrang nipis ng mahabang itim na buhok nito. Napansin ni Felix na blonde ang bahaging dulo ng buhok, kaya't ipinagpalagay niyang ito marahil ang ate na medyo mataba sa litrato ng pamilya.
"Anong nangyari sa kanya? Bakit sobra siyang namayat?" usisa ni Felix sa isip.
Nakaupo ang dalaga malapit sa tabi ng nakahigang ama. Wari binabantayan niya ito, sakaling mayroong kailanganin.
"Siya ang asawa kong si Vic," ipinakilala muna ni Jennalisa ang kabiyak bago ang dalagang anak. "Siya naman ang anak namin — si Annalyn."
Tinapunan ng nangangalumatang dalaga ang kura ng tingin na nagmamakaawa't wari nagsusumamo nang ganito, "Tapusin n'yo na ang paghihirap ko."
ITUTULOY
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.