Huminto ang kotse ni Felix sa garahe ng gusaling kanyang inuuwian.
Itong tinutuluyan niya ay tinitirhan rin ng ibang mga pari. Sila'y magkakasamang namumuhay bilang isang komunidad.
Araw nuon ng Linggo, at gumabi na.
Sumilip siya sa orasang nasa dashboard.
'08:00', ito ang umiilaw na nahagip ng paningin.
Saktong alas otso.
Kagagaling lang ni Felix sa huling parokyang kanyang pinuntahan.
Ang buong maghapon ay ginugol niya sa tatlong magkakalayong simbahan para magdiwang ng Banal na Misa.
Umuwi siyang pagod mula sa biyahe at paglipat-lipat ng lugar, subalit puspos siya ng grasya't galak sapagkat nagampanan na naman niya ang kanyang banal na gawain bilang pari.
Dalawang gabi na ang lumipas mula nang maganap ang pinakahuling eksorsismo at ang karambolang banggaan ng mga sasakyan sa SLEX.
Malayong alaala na para kay Felix ang aksidenteng sinapit ng nilulanang pampasaherong bus, subalit dala pa rin niya ang pahiwatig nitong dinggin ang mga babala at huwag magpabaya, kahit disiplinado naman talaga ang pari pagdating sa ibayong pag-iingat. Hindi basta-basta sumasabak sa kahit anong maaaring ikapahamak, lalo na sa mga bagay na may kaugnayan sa diyablo.
Sa kabila nito, magkasunod na gabing naputol ang tulog si Felix dahil ginambala siya ng hindi kaaya-ayang panaginip.
Ang una'y natagpuan niya ang sariling nasa isang hindi pamilyar na lugar, tila katedral, at du'n ay mayroong altar. Nakalagak rito ay isang bagay na inakala niyang rosaryo.
Ngunit nang kanyang lapitan, mali ang kanyang hinuha.
Iba ang disenyo. May hugis ng araw na may sinag sa bawat sulok nito. Walang tanda ng INRI sa taas. May nakapulupot na ahas sa krus. May mga tinik sa likod ng imahe ng nakabayubay na Kristo. At tila ito'y yari sa plastik.
Sa isang mapanuring tingin, alam agad ni Felix kung ano itong nasa altar, at siya'y bahagyang kinabahan.
"Rosaryo ni Satanas," kilatis ng exorcist. "Hindi ito Banal na Rosaryo ng Birheng Maria—"
Kinutuban siyang hindi nalalayo ang diyablo.
Biglang nagising ang pari. Panandalian lang ang panaginip. At hindi na siya nakabalik sa tulog, mulat hanggang umaga.
Sa sumunod namang gabi, habang namamahinga nang mahimbing si Felix, mayroong muling pangitain at ito'y nagparamdam.
Paralisado ang pari habang pumulupot sa kanyang leeg at katawan ang dambuhalang ahas.
Akmang sasakmalin siya nitong hayop. Lalamunin siya nang buo.
Kinabahan ang kura, hindi alam ang gagawin.
Gusto niyang sumigaw ng 'saklolo', at humingi ng tulong.
Subalit batid niyang ang kaunting kislot ay nangangahulugang kamatayan.
Unti-unting humihigpit ang pulupot ng ahas. Nasasakal siya't hindi makagalaw. Hindi makahinga.
Sa isang iglap, nagising si Felix. Hinihingal. Sumasakit ang katawan. Parang sinakal siya nang matagal. Muntik nang mabigti.
Dahil dito'y mulat ang kura magdamag.
Habang nakahiga sa kama, sumagi sa kanyang isip ang caduceus o 'ahas na nakapulupot sa tungkod' — simbolo ng medisina at ng medikal na larangan.
Natatandaan rin niyang nais pag-aralin ni Vic ng medisina si Annalyn. Pangarap ng tatay na maging doktora ang dalagang anak.
Nabanggit ito sa kura nuon sa isang panayam sa Sirang Lupa.
Sa kabila ng dalawang masamang panaginip, hindi nabahala si Felix. Para sa kanya, wala itong ibig sabihin. Walang mensahe.
"Sadyang pinaglalaruan lang tayo ng ating isip tuwing tayo'y humihimbing," hinuha niya. "Ang panaginip ay bunga lamang ng malikot na imahinasyon."
Hindi tiyak ng mga exorcist kung nagdudulot nga ba ang diyablo ng bangungot.
Sapagkat walang ebidensyang sumusuporta rito.
Kaya lang, hindi mabilang ang mga tao na nagpapatotoong nagpapakita't nagpaparamdam ang diyablo sa panaginip, at naghahatid ng matinding hilakbot.
Pero exorcist si Felix. Hindi siya natakot sa dalawang magkasunod na bangungot.
Kinabahan lang siya, kalakip ng pagkabigla't pagkagulantang. Hanggang du'n lang.
Hindi nasindak.
Walang takot sa diyablo at bangungot.
Kaya't kampanteng inumang ni Felix ang kotse sa garahe, bago pinatay ang makina. Walang anumang taglay na pangamba.
Umibis ang pari sa sedan, at habang kinukuha ang kanyang mga dalang gamit, may nahipo siyang basa't madulas.
Sinipat niya ang kamay. Mayroong itim na parang langis.
Nagtaka siya. "Ano ito? Sa'n ito galing?"
Tumungo siya sa gripong nasa labas ng gusali, ilang hakbang lang ang layo mula sa garahe, para maghugas.
Pagdating niya ro'n, may napansin siyang maliit na bagay sa ilalim ng gripo. Itim. Nakasabit.
Parang bunga sa sanga ng punongkahoy.
Hindi niya muna pinalagaslas ang tubig.
Hahawakan niya sana itong itim na nakasabit, at uusisain, ngunit bigla itong gumalaw. Kakagatin nito ang kanyang kamay, pero madali niya itong naiwasan.
Lumipad ang maliit na bagay. Napaatras ang pari, muntik mahagip ang kanyang mukha.
Ang nakasabit pala sa gripo ay paniki.
Sinundan ni Felix ng tingin ang hayop.
Pumailanlang ito, paekis-ekis sa ere, bago naglaho sa dilim.
Kinutuban si Felix na hindi ito mabuti. Nu'n lang nangyaring may natagpuan siyang paniki na nakabitin sa gripo.
ITUTULOY
Ang susunod na kapitulo'y ilalabas sa Biyernes, 11 Pebrero 2022, Kapistahan ng Our Lady of Lourdes.
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.