KAPITULO XII: SENSITIBO

956 57 7
                                    

Isa sa mga pinakaunang binigyan ni Felix ng exorcism nuon ay si Rowena.

Nagkakilala sila nu'ng hulihang bahagi ng dekada nobenta. Halos dalawampung taon na ang nakalipas.

Dinala nuon kay Felix ang isang katorse anyos na dalagitang inaalihan ng masasamang espiritu.

Ang maysaping hinatid ay naglalaway, tumitirik ang mata, at kailangang hawakan ng apat na lalaki — sapagkat nagwawala't sobrang lakas.

Baguhan pa lang si Felix nu'n, at ang dalagita ay si Rowena — na mas kilala sa palayaw na 'Weng'.

Apat na taon nagpabalik-balik si Rowena kay Felix upang paulit-ulit at palagiang mabigyan ng exorcism. Walang sawang nagtiyaga hanggang tuluyang lumaya sa dagit ng diyablo.

Nu'ng bata pa lang si Rowena, may nakikita siya't naririnig na hindi maipaliwanag.

Nakakaramdam siya ng mga kaluluwa't espiritwal na mga nilalang. Nakikita at naririnig niya ang mga ito. Minsan kinakausap pa nga siya.

May taglay siyang abilidad na kung tawagin ng marami ay 'third eye', at siya ay maituturing na isang 'sensitibo'.

Nasisilip din ni Rowena — sa tulong ng third eye — ang mga bagay na nakatago o lihim, gayundin ang mga bagay na hindi pa nangyayari.

Pero pagtuntong niya sa ikalabing-apat na taon, itong kanyang likas na kakayahan ang nagsilbing tulay ng mga espiritu upang siya'y saniban at lubusang pahirapan.

Ang third eye ay tinatawag ng mga exorcist na 'lagusan o spiritual opening'.

Kaya't nang mapalayas ang masasamang espiritu kay Rowena, isinara ni Felix ang lagusan nito — sa tulong ng mga panalangin ng exorcism — upang huwag na muling gambalain itong babae.

At nang makalaya nga si Rowena sa dagit ng diyablo, siya ay naging palasimba't madasalin. Madalas sa kumpisalan at palagiang tumatanggap sa Eukaristiya. Lumalim ang pananampalataya. Sinisikap mabuhay nang ayon sa salita at halimbawa ng Panginoong Hesuskristo.

Kaya't tuluyan ngang lumaya si Rowena, at hindi na muling ginambala ng mga masasamang espiritu.

Subalit nang tumagal, nanumbalik ang abilidad ni Rowena. Nagbukas muli ang lagusan, at siya'y sensitibong muli. Pero iba ang naging sitwasyon. Hindi na siya binubulabog ng mga demonyo.

Kaya't silang mga exorcist ay nakumbinsi na ito'y grasya mula sa Diyos, at ang nagbukas ng lagusan ay ang Espiritu Santo, sapagkat si Rowena nuo'y tapat nang lumalakad sa landas ng kabutihan at kabanalan.

Mula nuon, isa si Rowena sa mga kinukunsulta ng mga exorcist kung tunay bang sinasapian ang isang tao.

"Weng, ako'y magpapatulong sana sa'yo sa hawak kong kaso ng hinihinalang sapi," paunang-salita ni Felix sa telepono.

Pumayag naman agad si Weng, walang atubiling pinaunlakan ang hiling ng pari.

"Nasa akin dito ang kaso ni Annalyn Narciso. Binigyan ko ng simpleng eksorsismo. Walang reaksyon. Pero hindi ako tiwala sa pinakita niya."

Sandaling tumahimik ang babaeng kausap sa telepono, bago nagsalita.

"Pangharap lang iyon, Padre, tunay siyang maysapi," tiniyak ni Weng. "Humipo siya ng tarot at ouija. May pinsan siyang Diozel na nahuhumaling sa astrology, fortune-telling at magic. Du'n nasumpungan ni Annalyn ang ouija board, pati na rin tarot na baraha."

Hindi bago kay Felix na banggitin ang tarot. May hinawakan siyang kaso nuon ng babaeng sinapian matapos magbasa ng tarot na baraha.

Itong babaeng sinapian ay may lolang manghuhula at bihasa sa tarot.

Nu'ng batang maliit pa lang, sa hindi maipaliwanag na dahilan, madali niya itong natutunan kahit nagmamasid lang tuwing ang lola niya'y humihipo ng barahang tarot.

At sa isang pagkakataon, meron sa kanyang ipinalunok ang lola — ipinasa na pala sa kanya ang 'abilidad'.

Itong babaeng sinapian ay mabuting Katoliko at hindi humihipo ng tarot. Hanggang isang beses na siya'y nasa hustong gulang na, sa isang party na mayroong tarot na baraha, kanyang ipinakita kung paano ito gamitin at basahin.

Oras lang ang binilang, nagpakita ng mga palatandaan ang babae. Nagbago ang kilos at boses. Mura nang mura. Galit na galit. Sumisigaw ng ganito— "Napakatagal hindi ako makapasok sa katawan na ito!"

Tarot na baraha pala ang siyang paraan upang masaniban ng diyablo ang babaeng iyon.

Samantala, ang ouija ay tumatawag at nakikipag-usap sa mga espiritung nilalang.

"Mag-ingat ka, Padre, maraming maruruming espiritu sa Sirang Lupa," nagbabala si Weng.

Balewala kay Felix nang sabihin nito ang 'Sirang Lupa' kahit hindi pa niya nabanggit dito ang pinuntahang lugar.

"Napaglaruan ka 'nila' kanina, umaga pa lang, nu'ng sumakit ang sikmura mo papuntang Sirang Lupa... Iniligaw ka pauwi, pinatay ang cellphone mo, pinahinto pa ang orasan, buti hindi nila itinirik ang kotse mo, sinadya nilang padaanin ka sa matinding trapik... 'Yung baliw du'n ay baliw talaga, pero may sapi rin, demonyo ang nagsalita nang kilalanin ka niyang pari, may kakayahan ang baliw na 'yun maglaho't sumulpot kung saan-saan, at nagagawang lumitaw nang sabay sa dalawang magkaibang lugar... May maligno ang kubo sa bukid, maraming kababalaghang nagaganap du'n... Sinusundan ka ng nilalang na anyong itim na pusa, parang elemento siya, parang engkanto."

Tumindig ang balahibo ni Felix sa mga nilahad ng babaeng sensitibo. Kaya't naisipan niyang tapusin muna ang usapan sa telepono. Kukunsulta na lang siya sa ibang araw kung kailangan.

"Hanggang dito na lang muna, Weng. Maraming salamat sa tulong mo."

Nagtaka ang babaeng kausap. "Wala ka nang ibang tanong, Padre?"

"Wala na."

"Hindi ka ba magtatanong tungkol sa tatay?"

"Ano'ng tinutukoy mo?" napakunot-noo ang kurang nagulumihanan, at hindi niya inasahan ang sumunod na ibinunyag ni Weng.

"Kinulam ang tatay ni Annalyn."


DULO NG UNANG YUGTO, ITUTULOY.

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon