KAPITULO XXVIII: SALAYSAY NG NAKARAAN (2/2)

680 35 4
                                    

Kulang ang detalyeng inilahad ni Danilo sa pari.

Ang buong pangyayari ay binawasan ng lalaking nagbibigay ng salaysay.

Ikaapat ng Setyempre nuong nakaraang taon. Linggo ng gabi. Sa kubo. Nagtalik sa kamang papag sina Danilo't Annalyn.

Sa pagkakataong iyon, medyo mataba pa ang dalaga. Hindi katulad ng kanyang sobrang kapayatan sa kasalukuyan, sakitin ang itsura ng pangangatawan.

Pagkatapos ng pagniniig, agad nakatulog ang lalaki.

Ngunit siya'y naalimpungatan sa kalagitnaan ng gabi. Nagisnan niyang tila sinasapian ang nuo'y kasintahan.

Hindi pa rin nakabihis si Annalyn, at walang anumang saplot sa katawan.

Sa mga sumunod na buwan, pagkapangyari ng tagpong iyon, nahalata ni Danilo na nag-iiba ang ugali ng dalaga. Umiiwas ito. Madalang makipag-usap. Parang nawalan ng gana. Tumabang ang pakitungo sa kanya. Kapag inuusisa niya ito tungkol sa pagbabago ng kilos, umiiwas at umiinit bigla ang ulo ng dalaga.

Walang kamalay-malay nuon si Danilo na mayroong ibang lalaki si Annalyn.

Pagkalipas ng tatlong buwan, Disyembre otso ng nakaraang taon, biglaang tinapos ng dalaga ang relasyon nila ni Danilo sa pamamagitan ng isang text na mensahe. Hindi na muling nakipagkita o nakipag-usap si Annalyn. Pinutol lahat ng uri ng pakikipag-ugnayan.

Sinubukan pang humabol ni Danilo, subalit siya'y bigo.

Ang sinabi ng lalaki sa pari ay 'naghiwalay' sila ng kasintahan, pero ang totoo, iniwan talaga siya ni Annalyn.

Pagpasok ng bagong taon, kumalat sa barangay ang usap-usapang may sapi at may sayad ang dalaga.

Nang makarating ito kay Danilo, agad siyang dumalaw sa Sirang Lupa, pero hindi siya hinarap ni Annalyn. Si Andrea lamang ang kumausap sa kanya.

Nabanggit ng batang babae kay Danilo na nakararanas ng kombulsyon at pangingisay ang nakatatandang kapatid. Hindi ito natutulog, hindi rin kumakain. Minsan pa nga, ito'y nanigas, tuwid na tuwid ang katawan, dahan-dahang umangat sa higaan, at lumutang sa hangin.

"Pagkapangyari po na sinapian si Annalyn sa kubo," dugtong ni Danilo. "Nagkunsulta agad ako sa iba't ibang babasahin. Natuklasan kong dapat idulog muna ang kaso ng sapi sa parish priest. Ang pari naman ang mag-aakyat sa bishop, at ang bishop ang magtatakda ng exorcist."

"Oktubre ng nakaraang taon," patuloy ng lalaki. "Dumiretso ako sa obispo sa tulong ng aking tiyahin. Pero ang payo ng obispo ay ilapit muna ito sa kura paroko, at hayaang mga kamag-anak o ang mismong tao ang humingi ng exorcism."

Maiging nakinig si Felix, bago nagtanong.

"Si Annalyn ba ay sumasali sa mga gawaing occult?"

"Ano pong ibig n'yong sabihin, Padre?"

"Naglaro ba siya ng ouija? Spirit of the coin? Spirit of the glass? O kaya'y nagpahula? Palm reading? Tarot cards?"

"Sa pagkaalam ko po, may pinsan siyang mahilig sa ganyan at may pag-aaring ouija. Si Diozel. Meron din siyang tarot deck."

Lingid sa kaalaman ni Danilo, nuong huling gabi ng Nobyembre ng nakaraang taon, Huwebes at walang pasok sapagkat ginugunita ang bayaning si Andres Bonifacio, si Annalyn ay nag-inom kasama ang mga pinsang Diozel at Jon Ronald.

Ang tanging pasabi lang ng dalaga sa nuo'y nobyo ay dadalo sa handaan ng kamag-anak na may kaarawan.

Pero pagkatapos magpakabusog, dagli silang bumili ng alak at nagbarek.

Habang nag-iinom, todo-tukso sina Diozel at Jon Ronald kay Annalyn dahil nalaman nilang mayroon itong ibang lalaki.

Tuwang-tuwa si Annalyn sa pambubuyo. Lantaran itong nagkuwento tungkol sa kanyang bagong nakakalandian.

Hindi nahihiya. Hindi naiilang. Tuwang-tuwa pa nga.

Ipinagmalaki at ipinagparangya ang kalandian niyang angkin.

Pakiramdam niya, siya ang pinakamaningning na nilalang sa sanlibutan dahil may dalawang lalaki siyang pinagsasabay.

Gandang-ganda sa sarili sapagkat may nilalandi siyang ibang lalaki habang niloloko ang nobyo.

"Paano kung mahuli ka ni Danilo na lumalabas ng motel kasama yang kalaguyo mo? Haha!" pabirong tanong ni Jon Ronald sa pinsan.

"Gago! Hahahaha!" malutong na tugon ng dalaga. "Eh di huli, pero di kulong!"

"Paano nga kung magkasalubong kayo ni Danilo habang may kasama kang ibang lalaki?" usisa ni Diozel.

"Wala sanang landas na magkrus," nakangising sagot ni Annalyn. "Wag sanang magkrus ang landas namin."

Nang malasing, napagkatuwaang paglaruan ng tatlong magpipinsan ang ouija at tarot ni Diozel.

Hanggang kasalukuyan, hindi pa rin alam si Danilo ang nangyaring inuman sa okasyong iyon.

At nu'ng Enero lamang niya natuklasang may ibang lalaki si Annalyn, kasabay ng mga umiikot na kuru-kuro't haka-hakang sinasapian ang nobya niya dati.

"Kumusta po siya, Padre?" tanong ni Danilo. "Kumusta ang kalagayan niya?"

"Hindi ko maaaring ibahagi sa'yo ang kanyang progreso sa mga eksorsismo. Paumanhin."

Napatungo ang lalaki, bigong malaman ang kalagayan ni Annalyn. Subalit hindi siya nagpumilit. Naintindihan niya ang sitwasyon.

Binayaran ng binata ang tanghalian nila ng kausap na pari, at sila'y nagpasalamat sa isa't isa.

"Ipagdasal mo si Annalyn," hiling ni Felix kay Danilo. "Kailangan niya ng panalangin."

ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon