Ang Setyembre kinse ay Kapistahan ng Mahal na Virgen Dolorosa, at ito ang itinakdang araw ng ikalimang eksorsismo ni Annalyn Narciso.
"Ang presensya ni Maria ay kasama natin at hindi siya nagpapabaya," sabi ni Felix sa mga dumalo sa bahay ng maysapi. "Kapiling natin ang Mahal na Ina sa bawat pagkakataon, kaya't karapat-dapat siyang pag-ukulan ng pamimintuho't debosyon."
Nagpatong ang exorcist ng kasuotang istola sa sarili. Hawak niya sa kamay ang Roman Ritual, habang nasa malapit na mesa ang holy water at krus.
"Ginugunita sa araw na ito ang Mahal na Birheng Maria na nagdadalamhati," banggit ng pari.
Dumanas si Maria ng pitong hapis, bahagi ng kanyang pagtanggap bilang ina ng Kataas-taasan.
Pitong punyal ang lumagos sa pusong busilak ni Maria, ayon sa tradisyon.
Tumayo siyang nakikipagtiis kay Hesus na itinampok sa krus.
Kasalo sa kalbaryo ni Kristo.
Kaisa ang ina sa dalamhati't hinagpis.
Sa panahong mas madaling sumuko kaysa lumaban, ang ipinakita ni Maria ay katatagan, tibay ng loob at ganap na tapang.
Kanyang tinanggap ang dusa't pasakit na kaakibat ng pagiging ina ng Panginoon.
Sa mga pagkakataong mas madaling umayaw, umalis at umiba ng landas — inaanyayahan ang lahat na tularan ang Mahal na ina, pasanin ang bigat ng mga pagsubok, harapin ang hirap, at huwag tumalikod kay Kristo.
Sa pagtanggap ni Maria bilang ina ni Hesus, hindi naging madali ang lahat sa buhay niya. Ngunit hindi siya nagreklamo sa Diyos kahit hindi niya ito naunawaan. Sa halip, iningatan niya itong lahat sa kanyang puso.
Ang imbitasyon sa bawat tao ay huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghinawa, manalangin nang walang kapaguran.
"Ating simulan ang eksorsismong ito sa antanda ng krus," bungad ng exorcist. "Ang simbolo ng pagmamahal ng Diyos para sa ating lahat. Sa ngalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo. Amen."
Si Annalyn ay nakaluklok sa isang silya. Naro'n sila sa salas ng kanilang pamamahay.
Idinampi ng exorcist ang laylayan ng istola sa noo ng maysapi. Ito'y pahiwatig sa katunggali— 'Ako ang piniling pari, ang itinalaga ng obispo. Taglay ko ang kapangyarihan. Ako ang exorcist na magpapalayas sa iyo.'
Subalit iniwas ng dalaga ang noo nito, nayamot at inirapan pa nga ang pari.
"Wala akong sasabihin," anas ni Annalyn. "Hindi mo ako mapipilit."
Sumarado ang kanyang kamao, at tumikom ang bibig. Masama ang titig sa exorcist.
Ipinatong ng pari ang isang kamay sa ulo ng maysapi, at inumpisahang bigkasin ang mga panalanging nakalimbag sa Roman Ritual.
Habang dumadalangin ang kura, at nakahawak sa ulo ni Annalyn, naramdaman niya ang pangangatog nito.
Nasulyapan din niya ang pagkasuklam sa mga mata ng dalaga. Hindi nito inaalis ang masamang titig sa kanya.
Walang patid ang pagbigkas ni Felix ng panalangin, nang biglang tumirik ang mata ni Annalyn at nagkikisay sa silyang kinalalagyan.
Napaatras ang pari, at inalis ang kamay sa ulo ng ipinagdarasal.
Hindi naghintay nang matagal. Lumantad agad ang diyablo.
Tumigil ang pangingisay, ngunit nanlilisik ang mga mata nitong malaahas, nakatitig kay Felix.
"Itatapon kita sa impyerno," anas ng exorcist. "Ibubulid kita sa walang katapusang kaparusahan."
Hindi sumagot ang diyablo.
Inilagay muli ng pari ang kanyang kamay sa ulo ng maysapi.
"Pinapalayas kita, maruming espiritu, sa ngalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo!"
Tumataginting ang salita mula sa kura.
"Lumisan ka at magpakalayo kay Annalyn sapagkat ang Panginoong Diyos ang nag-uutos sa iyo!"
"Isinumpang masamang espiritu! Nilalang ng tiyak na kapahamakan! Pinapalayas ka ni Hesus! Siyang lumakad sa dagat at iniunat ang bisig kay Pedrong lumulubog sa tubig."
Walang tigil ang pagsasalita ng exorcist. Idiniriin ang pagtataboy sa diyablong bumihag kay Annalyn.
"Maruming espiritu! Alalahanin mo ang kapasyahang nagtakda ng iyong kapahamakan! Tunay ngang magbigay-pugay ka sa totoong Diyos na buhay, magbigay-pugay ka kay Hesukristong kanyang Anak, at sa Espiritu Santo!"
"Lubayan mo si Annalyn, sapagkat si Hesukristo, ang Panginoon at Diyos nating lahat ay tinatawag siya—"
Habang nakapatong ang kamay sa ulo ng maysapi, ramdam na ramdam ni Felix ang pangangatal nito.
Tumitindi ang panginginig.
Sobrang nangangatog ito, tila nahihintakutan.
Parang mabangis na hayop, at ito wari'y nasukol sa isang sulok.
Umatungal ang diyablo. "Wala akong sasabihin! Puta ka, BABAE! Hindi mo ako mapipilit!"
ITUTULOY
Ang susunod na kapitulo'y ilalabas sa Lunes, 22 Nobyembre 2021.
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.